Nakaukit sa alaala na mga eksena ng masaker sa Hacienda Luisita

Mahigit isang dekada na mula nang masaksihan ng bayan ang madilim na pangyayari sa harapan ng tarangkahan ng Central Azucarera de Tarlac (CAT). Labingtatlong taong walang hustisya, patuloy na nagbubuwis ng pawis at dugo ang mga magsasaka sa paglaban para sa kanilang karapatan at lupa. Labingtatlong taong nakaukit sa isip ang bawat eksena ng masaker sa Hacienda Luisita.

Taong 2004 nang magkaisa ang mga magsasaka at manggagawang bukid upang magkilos-protesta para sa hindi makatarungang pasahod sa kanila at makuha ang lupang dapat ay kanila nang pagmamay-ari. Kwento ni Tatay Mike, nang ipinatupad ng dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP, sa halip na tuparin ang pangako niya nang siya’y nangandidato at umupo na magkakaroon ng repormang agraryo, ginawang korporasyon ang asyenda. Ang mga magsasaka at manggagawang bukid, sa halip na bigyan ng lupa ay ginawang stockholder. At sa pagiging stockholder nila, binibigyan na lamang sila ng mga limitadong araw ng paggawa, o ang tinawag na “man-days.” Dahil sa mga kaltas dahil umano stockholder sila, kada man-day ay siyam na piso lang ang nakukuha nila hanggang noong taong 2004. Stockholder na siyam na piso na pinagtrabahuhan mo pa buong araw! Marami tuloy ang nagsihanap ng ibang hanapbuhay sa labas ng asyenda, habang ang asyenda ay kumukuha ng mga sakada mula sa Negros o ibang bahagi ng bansa na pinagtatrabaho nilang parang alipin. Ipinagbawal din ang pagtatanim ng anumang ibang halaman sa asyenda—kundi ang tubo na ginagawang asukal—kahit sa sariling bakuran ng mga residente sa asyenda na saklaw ang 10 barangay.

Ikinasa ng dalawang unyon sa mga taniman paggawaan ng tubo ng pamilyang Cojuangco-Aquino—ang Central Azucarera de Tarlac Labor Union at ang United Luisita Workers Union.—ang welga noong Nobyembre 4. Isa si Tatay Mike sa mga sumama sa picket na ito. Buong-loob niya muling ikinuwento ang mga kaganapan nung araw na iyo.

Payapa ang kanilang hanay sa mga unang araw ng protesta hanggang sa tinangka silang buwagin ng kapulisan. Ilang ulit na nabigo ang mga kapulisan sapagka’t higit na mas marami ang mga magsasaka at manggagawang bukid. Napakarami, kasi ganoon karami ang nagugutom sa napakalawak na taniman na hindi pagkain ang tumutubo kundi produktong ikakalakal. Saklaw nga ng asyenda ang 10 barangay kung saan marami sa mga mamamayan nito ay benipisyaryo rin ng ilang dekadang naantalang pamamahagi ng lupa sa asyenda at sila ay nakiisa sa laban.

Hanggang sa dumating ang araw na nagbaba ang dating kalihim ng Department of Labor and Employment na si Patricia Sto. Tomas ng ‘assumption of jurisdiction’ (AJ) na katuwang lang din sa mga patakaran sa paggawa ng nakaupong pangulo noong si Gloria Arroyo. Ang AJ ay isang probisyon sa Labor Code na sa esensya’y bumubuwag sa karapatan ng mga manggagawa sa welga. Dahil ibinaba ito, dahil umano’y stratehikong industriya sa bansa ang taniman ng tubo, at sapilitang pinatitigil ang welga at pinababalik sa trabaho ang mga nagsiwelga kahit pa walang garantiya silang nakukuhang may magbabago sa kanilang sitwasyon. Dahil ibinaba ito, maaaring pwersahang pabalikin sa trabaho ang mga nagsiwelga. At ilang araw lang mula nang ibaba ang assumption of jurisdiction, nagsidating ang militar at kanilang mga APC at trak sa asyenda upang tumuwang sa mga pribadong sekyu at sa mga pulis sa pag-apula sa welga.

At pagdating ng araw ng Nobyembre 14, hindi na naman mabuwag ng mga pulis ang hanay ng mga nagwewelga. Binomba sila ng tubig, na wala namang kaso sa mga gutom na magsasaka ang mabasa lang, kahit pa may amoy at hapdi ang pagdampi ng tubig galing sa trak ng bumbero. Ginamitan din sila ng maraming tear gas at bahagyang nagwatak-watak ang kanilang hanay, ngunit pati ang tear gas ay naapula ng mga magsasaka. Ngunit hindi pala hanggang doon lang ang gagawin ng pinagsamang pwersa ng militar, pulis at sekyu. Matapos ang tear gas, nagpaulan ang mga pwersa sa loob ng gate ng CAT sa libu-libong nasa labas lang ng tarangkahan

Si Benigno “Noynoy” Aquino ang congressman sa distrito nang mangyari ang masaker—at maraming nakakita at nakapagsabing kasama ang kanyang mga security sa mga armadong pwersang nasa loob ng tarangkahan nang mangyari ang masaker.

“Nagpaulan ng bala. Tapos inilabas ‘yung tangke, syempre aatras kami, eh bakal na ‘yun, wala naman kaming ka-armas-armas,” kwento ni Tatay Mike.

Sa kabila ng hindi armadong kilos-protesta dahas pa rin ang sinukli ng panig ng AFP at PNP sa kanila. Pito ang namatay sa ginawang pagpapaulan ng bala. Nakilala na ang araw at pangyayaring ito bilang Hacienda Luisita massacre.

At nang sumambulat sa publiko ang madugong masaker, todo iwas at todo tanggi ang mga pulis, militar at pulitiko. Ani Tatay Mike, pinagbintangan pa silang sa kanilang hanay nanggaling ang mga putok at mayroon umanong mga baril at balang nakuha sa kanilang hanay.

“Bigas nga hirap kaming makabili, baril at bala pa kaya,” sambit ni Tatay Mike.

Ayon pa sa kanya, hindi matatapos ang laban dahil hanggang ngayon ay walang tugon ang gobyerno sa mga panawagan nila. Wala pa ring nakakamtan na hustisya ang mga martir ng Luisita. Wala pang napapanagot sa mga responsable sa masaker, tatlong pangulo na ang naupo sa puwesto mula noon.

“Talagang masama sila, kahit gaano ka magmakaawa sa kanila hindi sila makikinig, ganyan sila. Kasi matagal na kaming lumalaban, 13 taon na ngayon. Bakit hindi pa binibigay yung para sa amin?” ito ang mensaheng iniwan ni Tatay Mike para sa pamilya ng Conjuanco-Aquino.

Si Tatay Mike at ang iba pang manggagawang-bukid at magsasaka ay hindi pa rin tumitigil sa pagtindig sa kanilang mga ipinaglalaban hanggang sa kasalukuyan.

At sa mahabang panahong nagdaan mula sa masaker, hindi niya rin makakalimutan ang pagkakaisa ng mamamayan sa asyenda.

“Sana magkaisa kami, higit sa dati. Para maipanalo namin ang laban, at ‘yung hinihingi naming katarungan at katiyakan sa lupa ay makamit na naming,” hiling ni Tatay Mike.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY