Ipinaglalaban lang namin ang aming lupa

“Binabantaan akong dadamputin at papatayin. Bakit ako papatayin eh magsasaka at lider lang naman ako.”

Sambit ni Noli, 55, chairman ng Compostela Farmers Association (CFA) hinggil sa tumitinding panunupil sa mga mamamayan sa lalawigan ng Compostela Valley.

Hindi lamang siya ang nakakukuha ng ganitong uri ng pagbabanta at pang-aabuso. Sa katunayan pa nga raw, halos 30 magsasaka na ang namatay sa kanilang probinsiya, anim dito ay mula nang ideklara ang Batas Militar sa Mindanao. Kahapon lang ay inilibing na ang isa sa kanila na binaril noong ala-una ng umaga ika-28 ng Nobyembre. Aniya, sumama lamang ito sa isang kilos-protesta na isinagawa nila.

Ang tanging dahilan lang naman daw nila kaya sila nagpoprotesta ay upang labanan ang mga kumpanyang nang-aagawa ng lupain na dapat ay binubungkal nila.

Kaya raw ang deklarasyon ng crackdown ni Duterte ay maaaring magdulot ng maraming patayan lalo na sa ilalim pa ng pagpapahaba na naman ng Batas Militar.

Kung minsan pa nga raw ay nagsasagawa lamang ng gawa-gawang engkwentro ang mga sundalo ng gobyerno upang mapatay ang mga sinasabi nilang miyembro ng New People’s Army o NPA.

Nagtungo dito si Noli upang ipaabot ang mga ganitong isyu na hindi naririnig sa kalunsuran.  Hindi nababasa ng midya. Hindi nag-viral sa social media. Hindi tinatapunan ng pansin ng opinyong publiko.

Ipapanawagan nila ito sa ika-69 na pagdiriwang ng International Human Rights Day sa Disyembre 10.

Tinanong ko siya kung anong mensahe niya kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Wala namang inaasahan ang mga magsasaka, dahil kahit sa bundok may nagmimina. Wala siyang ginagawang paraan para sa magsasaka. Masama ang loob namin, paano na lang kaming mga magsasaka na pinapatay?” sagot ni Noli.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY