Para sa isang ina’t amang nawalan ng isang anak na lubos nilang kinalinga at inaruga ay tila pinulbos ng buong-buo ang kanilang mga puso.

Tinataguyod na pag-aaral ng kanyang mga magulang si Obello sa kagustuhan nilang matuto ang kanilang anak, sapagkat ayaw nilang matulad ito sa kanila na hindi nakatapos ng pag-aaral. Kaya naman lubos ang suporta ni Nanay Eugenia at Tatay Benjo sa pag-aaral ng anak.

Si Obello Bay-Ao, 19, na taong gulang ay isang mag-aaral  sa pamayanan ng mga Lumad sa Talaingod, Davao del Norte. Nasa ika-anim na baitang na siya sa pag-aaral sa Salugpongan Tu Tano Igkanogon-Community Learning Center Inc., ayon sa kanyang mga naging guro at kaibigan katangi-tangi ang kanyang angking talino, sipag, at pagiging masiyahin. Matindi ang kanyang pag-aasam na makapagtapos ng pag-aaral upang makatulong sa kanyang mga magulang at makapagturo sa kabataang lumad kagaya niya.

Masipag si Obello mag-aral wika pa nga ng kanyang naging guro na si Ma’am Joan.

“Tuwing pagkatapos ng klase ay hindi siya umuuwi agad at tinutulungan pa kaming maglilinis sa school. Kapag wala naman pasok ay pumupunta pa rin siya sa aming school para tulungan uli kaming maglinis. Kahit dalawang linggo ko lamang naging estudyante si Obello ay masasabi kong napakasipag at napakamatulungin niyang bata. Nanghihinayang ako kay Obello. Sayang ang kanyang galing at talino,” pag-aalala ni Ma’am Joan.

Ang ina ni Obello na si Nanay Eugenia ay isang barangay health worker at ang kanyang ama naman ay isang magsasaka.

Lumaki si Obello sa isang simpleng buhay at sa murang edad ay tumutulong na siya sa pagsasaka sa kanyang ama.

Dumating ang araw ng ika-5 ng Setyembre magkasama sa sakahan si Tatay Benjo at Obello. Nang sumapit ang alos dos ng tanghali nagpaalam si Obello sa kanyang ama na uuwi na siya.

“Sabi ko, anak ko na mamaya na siya umuwi, kaso lang hindi siya nagpapigil at umuwi siya,” kuwento ni Tatay Benjo.

Noong papauwi na siya sa kanilang tahanan at malapit na sa kanilang komunidad ay binaril siya ng 24 beses patalikod. Limang bala ang tagusan sa mura niyang katawan. Nagpagulong-gulong si Obello pababa ng burol, may kasama siya ng mga oras na iyon na naunang maglakad pababa sa komunidad kaya noong nabaril si Obello ay may tumulong sa kanya agad.

“Nakauwi pa ng bahay ang aking anak kahit halos apat na oras na mula nang siya’y nabaril. Talagang pinilit ng anak ko na mabuhay pa para masabi sa amin kung sino ang pumatay sa kanya,” ani Nanay Eugenia.

Naisugod pa ng kanyang mga magulang si Obello sa ospital. Hinahagkan ng kanyang ina si Obello papunta sa ospital. Kalong-kalong niya ang nanghihinang anak. Katulad ng anak, doble ang panghihinayang na nararamdaman ng kanyang ina. Ano pang hihigit sa sakit na makita ang iyong anak na unti-unting nababawian ng buhay?

Nang madala siya sa ospital nasambit pa ni Obello sa kanyang mga magulang ang bumaril sa kanya hanggang sa nabawian siya ng buhay ng mga bandang 9pm ng gabi. Ang magpinsang si Joven Salangani, miyembro ng paramilitar, at si Ben Salangani, miyembro ng Citizen Armed Forces Guerilla Unit (CAFGU), ang tinuro ni Obello.

“Nagtataka ako kung bakit binaril ang aking anak kasi estudyante lang naman siya. Sinasabi ng CAFGU na isang mensahero ng New People’s Army (NPA) pero ako na mismo ang nagsasabi hindi mensahero ang aking anak,” ani Nanay Eugenia.

Para sa mga magulang ni Obello, sinadya talaga siyang paslangin sapagkat bago ang naganap na pagpatay sa kanilang anak may naganap na engkwentro sa pagitan ng mga NPA at CAFGU at sa nasabing engkwentro ay may namatay na CAFGU.

“Gusto nilang makaganti sa mga NPA kaya nila binaril ang anak ko. Pero bakit si Obello? Hindi siya NPA! Hindi siya NPA!” hinagpis ng ama ni Obello.

Nang nasa Davao ang mga magulang ni Obello may pumuntang mga pulis sa punirarya upang interbyuhin sila sa mga pangyayari sa kanilang anak. Subalit hindi sila pinaniwalaan at sinabahin pa silang nagsisinungaling.

“Sabi ko sa mga pulis, idaan na lang namin sa aming kultura para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Ang bakal na pinainit sa apoy ay sabay hahawakan ng dalawang tao kung sino ang hindi mapaso ay siyang nagsasabi ng totoo,”sambit ni Tatay Benjo.

Wala silang nakikitang pag-usad ng kaso kung sa nasa Davao lamang sila kaya lakas-loob silang pumunta sa Maynila kasama ang mga kaibigan na naniniwala sa kanila. Gayumpaman bago sila makapunta sa Maynila kasama pa 31 na kabataang lumad upang dumalo sa unang Pambansang Kumperensya ng Save Our Schools Network ay hinarang na sila ng mga pulis. Wika pa ng mga pulis ay baka sila ay human trafficker kahit may mga lehitimong mga papeles para bumyahe ang bitbit ng mga bata at sila.

“May isa pa roon na gusto akong hulihin at ibalik sa aming lugar para makipag-usap sa Major,” kwento ni Tatay Benjo.

Kahit na ginigipit sila ng mga awtoridad ay hindi natinag ang mga magulang ni Obella, sampu ng mga kasama nilang mga kabataan, upang igiit ang kanilang karapatang bumyahe. Katulong ng mga iba pang mga kaibigan at kasama ay pinahintulutan rin silang makalipad papuntang Maynila.

Sumama sina Tatay Benjoat Nanay Eugenia sa Lakbayan ng Pambansang Minorya upang makiisa sa kanilang laban para sa kanilang karapatan at ipaglaban ang hustisiya para sa kanilang anak na si Obello.

Sa isang magulang na ninakawan ng anak ay tila pagkawala rin nila ng saysay. Sa isang magulang na labis minahal ang kanilang anak at walang habas na pinatay nang walang dahilan, hinding-hindi matitinag ang kanilang mga puso’t kaluluwa ang paghingi ng tunay na hustisya.

 “Mula noong namatay si Obello hanggang sa nalibing siya, hindi ko pa rin matanggap ang pagkamatay niya. Bilang isang ina masakit pa rin para sa akin na tanggapin na wala na siya,” hinagpis ni Nanay Eugenia.

“Mahal na mahal ko ang aking anak. Hindi ko matanggap na wala na siya. Wala naman siyang kasalanan. Hindi ako titigil hangga’t walang hustisya para kay Obello,” pangako ni Tatay Benjo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here