Ipinagdiwang ng halos 200 kabataang Lumad sa pansamantalang paaralan sa kanilang kampuhan sa University of the Philippines Diliman ngayong Agosto 28, kasabay ng Araw ng mga Pambansang Bayani. Isinusulong nila ang paggamit ng Filipino bilang pangunahing wikang panturo.

“Sa paggamit ng wikang Filipino, mapapanday ang makabayan, makamasa at siyentipikong edukasyon. Ginagamit namin ang Filipino bilang wikang panturo sa paaralang Lumad,” ani Carren M. Tupal, volunteer teacher ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) Inc. na nagtuturo rin sa mga Lumad sa kanilang ‘bakwit school.’

Sa rehiyon ng CARAGA dati pinapatakbo ang paaralang Lumad na pinagtuturuan ng guro.

Sa mahabang panahon, natutunan din ng mga Lumad ang paggamit sa wikang Bisaya, pangunahing lenggwahe sa kapuluan ng Mindanao, para rin makasalamuha at makapagpahayag sa mga kababayan sa isla.

“Mas makakapagpahayag ang kabataang Lumad sa mas maraming mamamayan kung matututunan naming gamitin ang Filipino. Sinasalin din ang mga leksyon sa Ingles sa Filipino para maunawaan ng mga kabataang Lumad,” sabi ni Bb. Tupal.

Bagama’t may mga sariling dayalekto ang 18 tribo na bumubuo sa mga tinatawag na Lumad (Bisayang salita na may salin na ‘katutubo’ sa Filipino at tumutukoy sa mga tribo ng katutubo sa Mindanao liban sa  mga Moro), sinusulong nila ang pagkatuto ng paggamit ng wikang Filipino.

“Angkop ang paggamit ng Filipino para mas maipahayag nila ang saloobin nila na gusto iparating sa mamamayan, sa gobyerno natin,” sabi ni Bb. Tupal.

Matapos ang flag ceremony, isinagawa ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at ang Palaro ng Lahi.

Kabilang sa Palaro ng Lahi ang mga tradisyunal na laro ng mga kabataang Lumad gaya ng ‘takyan,’ sackrace, sipa tsinelas, Si Uto ug si Ige (Si Lalaki at si Babae, isang laro kung saan unahang magsusuot ng kasuotang pambabae ang mga lalaki at panlalaki ang mga babae), at iba pang laro na tumatangkilik ng kulturang Lumad bilang bahagi ng kultura ng bansa.

Nagsidatingan ang mga nagbakwit na Lumad sa Kamaynilaan sa katapusan ng Hulyo para hingin sa pambansang pamahalaan ang pagpatigil sa militarisasyon sa mga lupang ninuno ng mga Lumad at pambobomba sa kanilang mga komunidad. Nagpatuloy ang mga ito mula sa nakaraang pangulo hanggang sa kasalukuyan at kahit sa gitna ng kasunduang tigil-putukan ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army (NPA).

Matapos ang deklarasyon ng pangulo na bobombahin ang mga paaralang Lumad at sabihing pamugaran ang mga ito ng NPA, gayundin ang pagpapahaba ng Batas Militar sa buong Mindanao, nagpatuloy ang pananatili ng mga kabataang Lumad sa Maynila. Binuksan ng mga Lumad ang ‘bakwit school’ noong Agosto 7 at sinimulan na ng kanilang mga guro ang kanilang mga klase sa tantyang maaaring matagal pa bago makabalik sa kanilang komunidad.

“Hindi man kasing kumportable ang pag-aaral gaya nung nasa komunidad kami, nagsisikap kami na hindi maputol ang pag-aaral ng mga bata. Kaya malugod naming tatanggapin ang mga tulong na ipapaabot sa amin at kailangan din namin ng mga dagdag na volunteer teachers,” pagwawakas ni Bb. Tupal.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here