Seryoso at mabigat. Ito ang paulit-ulit na pagsasalarawan ni Renato Reyes, Jr., Pangkalahatang Kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa naging pag-uusap ng mga lider ng BAYAN at ni Pangulong Rodrigo Duterte noong hapon ng Hulyo 18 sa Palasyo ng Malakanyang. Iniulat niya ang naging pag-uusap sa loob ng Malakanyang pagkalabas sa mga nakakampuhang manggagawa at tagasuporta sa Mendiola, Manila.

“Hindi katulad ng mga nauna nating pagpupulong na medyo magaan ang tinakbo ng mga pag-uusap,” ayon kay Reyes.

Ayon kay Reyes, talagang desidido umano ang Pangulo na ituloy ang deklarasyon ng Martial Law hanggang sa katapusan ng taon.

Noong Hulyo 18, isiniwalat na ni Pangulong Duterte sa isang pahayag na binasa ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na hinihiling na niya sa Kongreso na palawigin pa ang Martial Law hanggang sa Disyembre 31 dahil hindi umano kakayanin na malutas ang problema sa Marawi hanggang July 22, ang ika 60 araw ng Martial Law.

Sa usapin naman ng peace talks, inulat ni Reyes na wala pa rin umanong malinaw na tugon kung matutuloy ba o hindi ang usapang pangkapayapaan.

“Magiit ang pangulo na gusto pa rin niyang mauna ang ceasefire bago ang pag-uusap,” pahayag ni Reyes.

Noong Hulyo 19, pinahayag ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza ang pagkansela ng backchannel talks sa pagitan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na gaganapin sana sa Europa. Nitong Hulyo 20 naman, sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa mga sundalo sa Marawi, sinabi niya na hindi na ito makikipag-usap sa rebolusyonaryong grupo.

“Pagkatapos nito, pag naubos ang mga ulol na yan, mag reorient tayo, NPA naman kasi marami silang utang sa atin. Ayaw ko nang makipag-usap sa kanila [CPP-NPA-NDFP], marami na akong sundalo na pinatay nila, marami na akong pulis na pinatay nila,” pahayag ni Duterte.

Wala rin umanong kongrektong tugon ang Pangulo sa inirereklamo ng mga Lumad sa Mindanao na militarisasyon sa kanilang mga paaaralan at komunidad.

Bagama’t may puwang umano sa ilang mga usapin, wala ring malinaw na commitment ang pangulo kung tototohanin ang pagbabasura ng Visiting Forces Agreement, kung papaano gagawing libre sa lahat ang mga pamantasang publiko, kung papaano tuluyang ibabasura ang kontraktwalisasyon.

Sa kabilang banda, muling nagsabi si Duterte na bukas sa pagpapalaya ng ilang mga bilanggong pulitikal lalo na ang mga matatanda at may sakit.

Nakapaubaya na rin umano kay Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano ang pagpapatupad ng reporma sa lupa.

“Sa dulo, ano ang masasabi natin sa pag-uusap? Hindi nga tayo nakakuha ng mga buong commitment at sa mga mayor na usapin, tumitingkad talaga ang ating pagkakaiba ng posisyon sa pangulo: sa martial law, sa usapang pangkapayapaan, sa militarisasyon, at atake sa mga komunidad,” ayon kay Reyes.

Ang mga manggagawang nagkakampuhan sa Mendiola ay nangangalampag din kay Duterte ukol sa napakong pangako nitong tapusin ang kontraktwalisasyon. Galing sa Metro Manila, Southern Tgaalog, CARAGA at Southern Mindanao Region ang mga manggagawa.

“Tuloy ang ating ipinaglalaban, maniningil tayo, mangangalampag tayo, magpoprotesta tayo, magpapahayag tayo ng galit, magpapahayag tayo ng ating damdamin sa mga bigong pangako sa mga binawing pahayag, sa mga binaliktad na pahayag ng ating pangulo,” pagtatapos ni Reyes.

Libu-libo ang inaasahang magpoprotesta sa araw ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte sa Hulyo 24.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY