Mula sa mga nakaka-nosebleed na mga Facebook post hanggang sa kakaiba niyang hairstyle, hindi ko akalain na magiging malapit ako kay Sir Clod Yambao.

Pero bago pa man ko siya naging guro sa Unibersidad ng Pilipinas, napapansin ko na siya. Sino ba naman ang hindi mapapatingin sa agaw-pansin niyang buhok na tila may araw pang nakaukit. Madalas rin siyang makikita na pawis ang pangangatawan, tumatakbo paikot ng academic oval. (Kaya masasabing inspirasyon din siya pagdating sa health at fitness.)

Naging guro ko si Sir Clod noong ako ay nasa ikatlong taon ko sa kolehiyo. Kinuha ko ang subject niya na Art Stud 190 (Aesthetics and Art Theory) bilang elective. May nagpayo kasi sa akin na “worth it” ang klase niya – masaya at maraming matututunan. Hindi ako nagkamali.

Bagama’t may pangamba sa bawat pagsisimula ng aming klase dahil ito na naman, magdidiskusyon na naman kami ng mga teorya, masikhay niyang ipapaliwanag sa amin ang bawat konsepto. Masasabi ko na isa siya sa mga guro na tunay na hinihimok ang mga estudyante na magtanong at magdebate.

Noong naging guro ko siya, ito ‘yung mga panahon na nagsisimula pa lamang ang aking kamulatan sa mundong ginagalawan. Natapos ang aming subject, pero hindi ko akalain na magpapatuloy ang aming samahan.

Naaalala ko noong 2013, isa sa mga malalaking rally na napuntahan ko ay ang #AbolishPork mobilization na dinaluhan ng mga kalapit na unibersidad sa Katipunan. Naroon ang dati kong guro, nakatayo sa itaas ng van, taas-noong winawagaygay ang bandila ng mahal na unibersidad. Nang magsimula ang paglalakad, naroon siya sa unahan, habang ang mga estudyante, mga guro, at mga kawani, sabay-sabay na sumisigaw ng ‘Scrap pork’ at ‘No to budget cut’.

Miyembro ako ng UP Aperture, isang photojournalism organization, kaya naman nasa unahan din ako, pumipitik, sinusubukang kunan ang mahahalagang sandali.

Lumipas ang mga taon, naging malapit ako kay Sir Clod. Sa mga pagkakataon na kumonsulta ako sa kanya, tungkol man ‘yan sa thesis o buhay, ang palaging pantapos niya na pahayag ay ‘payt’ (laban lang). Tama, laban lang.

Salamat, Sir. Salamat kasi isa ka sa mga nagmulat sa akin sa mga mapapait na realidad sa ating lipunan na pilit na ikinukubli. Salamat dahil sa kabila nito, isa ka sa mga nagbigay pag-asa.

Ika mo nga, laban lang.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY