Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nagtipon ang may 35,000 manggagawa, maralitang tagalunsod, kabataan, kababaihan at iba pang sektor sa Kamaynilaan noong Mayo 1 para gunitain ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Pangunahing panawagan ng grupo ang pagkakaisa ng mga manggagawa para labanan ang kontraktwalisasyon, igiit ang dagdag sahod at pambansang minimum na sahod. Tinataya namang aabot sa 100,000 ang lumahok sa mga pagkilos sa iba’t ibang rehiyon ng bansa na pinangunahan ng KMU.

“Wala pa ring makabuluhang pagbabago na nangyayari kaya’t kailangang laksa-laksang mamamayang Pilipino ang humugos sa lansangan kung gusto nating wakasan ang kontraktwalisasyon at ipaglaban ang pagtaas ng sahod,” sambit ni Mark Louie Aquino, Tagapagsalita ng KMU Metro Manila sa kanyang talumpati sa kanilang programa sa Plaza Lacson, Manila bago tumulak sa Liwasang Bonifacio kung saan nagtipon ang iba pang mga manggagawa.

TINGNAN: Labor Day protest in Metro Manila

Malalang kontraktwalisasyon

Ayon sa pag-aaral ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research, Inc. (EILER) umaabot sa 50% hanggang 70% ang mga kontraktwal na manggagawa sa bansa at nakakaranas ng mala-aliping kalagayan dahil sa mababang sahod.

Walang seguridad sa trabaho ang hinaharap ni Rosmarie Notarte, 35 taong gulang, sa kanyang pinapasukan bilang housekeeping sa Huayou Construction sa Taguig. Kapag matapos ang konstruksyon ng mga condominium ay maaaring mawalan na sila ng trabaho. Naglilinis siya ng mga nagawa nang condominium unit.

Ngunit, lalong pinalala ang kanyang kalagayan dahil sa iskemang “pasa payroll”. Ayon kay Notarte, dapat ay direct hire sila ng Huayou pero ang nangyayari ay “pasa payroll” umano sila na sa esensya ay subcontract sila.

“Nakita namin sa listahan ng opisina na dapat ay P430 arawan ang natatanggap naming sahod pero sa aktwal ay P380 lang ang nakukuha namin, P50 ang napupunta sa boss namin,” paglalahad ni Notarte.

Bago pa nagtrabaho si Notarte ay namasukan na rin siya bilang service crew at janitress pero lahat bilang kontraktwal na manggagawa.

Panggigipit naman mula sa management ang hinaharap ng mga manggagawa ng Philtint and Color Specialists Inc., isang pagawaan ng papel at office/school supplies sa Caloocan.

Ayon kay Enriquito Danghil, 40 taong gulang, lubog na lubog na sila sa utang dahil sa napakababang sahod. Minimum o P491 lang ang natatanggap nilang sahod bagama’t aabot na sa 9 hanggang 15 taong nang nagtatrabaho sa kumpanya. Si Danghil ay nasa delivery ng kumpanya.

“Kapos sa pinansya, ang sahod di na aabot sa susunod na sahod kaya utang nang utang,” kwento ni Danghil.

Tuwing may biyahe umano sila para mag-deliver ay hindi binabayaran ang 12:00-1:00 PM na trabaho nila kahit hindi naman na sila nakakapahinga para sa pananghalian. Hindi rin daw sila binibigyan ng allowance para sa pagkain tuwing may byahe papuntang probinsya kaya’t kung walang-wala raw sila ay tinitiis na lang ang gutom.

Dagdag pa rito ay inilipat sila ng trabaho sa loob ng pabrika para hindi na sila makapag-overtime dahil hindi sila pumayag na sumali sa itinayong unyon ng management at pumirma sa kontrata na babayaran ang length of service nila.

xe2b0635
Lumahok sa protesta noong Araw ng Paggawa ang mga manggagawa ng Philtint and Color Specialists Inc. (Manila Today)

Para naman kay Francisco Manaog, 42 taong gulang, manggagawa ng Harbour Centre, sumama sila sa pagkilos para sa Araw ng Paggawa dahil napagtanto nila na dapat ay magsama-sama ang mga manggagawa para igiit ang kanilang mga karapatan.

“Yun lang ang tanging sandata ng mga manggagawa kasi kapag hindi nagsama-sama ay hindi namin makakamit ang aming mga kahilingan,” sabi ni Manaog.

Si Manaog ay 16 taon nang nagtatrabaho sa Harbour Centre (9 sa ilalim ng agency na Grasials Corp.), una bilang istibador at ngayon ay bilang winchman o opereytor ng crane. Aabot na lang sa P600 kada araw ang natatanggap niya sa loob ng pwersahang 12 oras na paggawa. Wala rin silang meal break at kapag natigil lang ng ilang minuto ang pag-andar ng crane ay agad siyang mapapagalitan at kailangang magpaliwanag agad o sa pinakamalalang pangyayari ay pauuwiin at hindi na babayaran.

Bagama’t may mga tagumpay na silang nakamit mula sa serye na kanilang mga reklamo at protesta sa Department of Labor and Empolyment (DOLE) laban sa kanilang agency, hindi pa raw nila nakikita ang pagpapatupad ng agency sa kanilang mga pangako.

Mga manggagawa ng Harbour Centre sa Araw ng Paggawa sa Maynila noong Mayo 1, 2017. (Manila Today)
Mga manggagawa ng Harbour Centre sa Araw ng Paggawa sa Maynila noong Mayo 1, 2017. (Manila Today)

BASAHIN: Ilang kahingian ng mga manggagawa ng Harbour Centre, nakamit na

Panawagan ng mga manggagawa kay Pangulong Rodrigo Duterte ay tuparin ang pangako nito na wakasan ang ‘endo’ at itaas ang sahod ng mga manggagawa.

“Ang gusto lang naman namin ay maibigay lang ang tama na dapat ay para sa amin,” sabi ni Rean Cabalza, 28 taong gulang, manggagawa ng Philtint.

Hamon

Hinamon naman ng KMU si Duterte na tuparin ang pangako nito na wakasan ang lahat ng porma ng kontraktwalisasyon.

Sa isang pahayag ng KMU, sinabi nito na hindi winawakasan kundi ginawa pang lehitimo ng DOLE Deparment Order 174 ang kontraktwalisasyon bilang palisiya ng gobyerno.

“Bagama’t kinikilala namin ang pagsisikap ng DOLE na maregularisa ang 45,000 na mga kontraktwal na manggagawa, nananatili pa ring may 24.4 milyong kontraktwal na manggagawa na dapat maregularisa,” ayon sa KMU.

Dagdag pa nito, mayorya umano ng mga manggagawa ay naka-empleyo sa ilalim iskemang job contracting na siyang ginawang lehitimo at pinayagan ng DO 174.

Sa pangwakas na talumpati naman ni Jerome Adonis, Pangkalahatang Kalihim ng KMU, sa pagkilos sa Araw ng Paggawa, dineklara niyang tagumpay ang pagkilos na pinangunahan ng KMU sa buong bansa, mula Baguio hanggang Mindanao. Hinamon naman niya ang mga dumalo na palakasin ang hanay ng mga manggagawa sa kabila ng kinakaharap na kahirapan.

“Hamon sa henerasyon na ipagtagumpay sa pinakamabilis na panahon ang pambansa demokratikong pakikibaka,” sabi ni Adonis.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here