Bangus, tilapia, maya-maya at tulya, ilan lang ito sa ipinakita ng mga mangingisda ng Lawa ng Laguna sa Muntinlupa sa kanilang Pamilihang Bayan noong Abril 23 sa pangunguna ng Save Laguna Lake Movement (SLLM) para ipakita ang mga produkto ng lawa.

Tuwing linggo ay dumadagsa ang mga mamimili sa Sucat, Muntinlupa para mamili ng mura at sariwang isda at tulya na huli mula sa Lawa ng Laguna.

Pamilihang Bayan sa Sucat, Muntinlupa. (Manila Today/Erika Cruz)
Pamilihang Bayan sa Sucat, Muntinlupa. (Manila Today/Erika Cruz)

Noong Pebrero 2017 ay inabrubahan ng Board of Directors ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang Board Resolution No. 518, Series of 2017 na nagdeklara isang taong moratorium ng mga istruktura sa Lawa ng Laguna kabilang na ang mga fish pen at fish cages.

Sa nasabing resolusyon, hindi na raw magbibigay ng bagong permiso sa pagtatayo ng mga fish pen at fish cage mula Disyembre 2016 at hinihikayat ang mga may-ari nito na anihin na ang mga isda at buwagin na ang mga istruktura hanggang Marso 31, 2017.

Layunin umano ng moratorium na muling pag-aralan ang mga palisiya at programa kaugnay ng lawa para sa muling pagpapasigla rito.

Ngunit, nangangamba naman ang SLLM sa magiging epekto ng moratorium sa mga maliliit na mangingisda.

“Ang sabi ng General Manager [Jaime Medina] ng LLDA ay hindi kami maapektuhan na mga maliliit na mangingisda pero puro salita pa lang yan,” sabi ni Ronnie Molera, tagapagsalita ng SLLM.

Hindi rin naman umano tutol ang SLLM sa moratorium ng malalaking fish pen at fish cages dahil naaagawan daw nito ng mapapangisdaan ang mga maliliit na mangingisda.

Aabot lamang sa sampung porsyento (10%) o siyam na ektarya ang pinapayagang istruktura sa lawa na aabot sa mahigit 90,000 ektarya ang kabuuang lawak. Pero sa pag-aaral ng SLLM, aabot na umano sa 40% ang natatayuan ng mga istruktura sa lawa. May tinataya namang 22,000 na mga maliliit na mangingisda sa buong Lawa ng Laguna mula sa iba’t ibang lungsod ng Kamaynilaan at karatig na probinsya ng Laguna at Rizal.

“Kung maibabalik ang 10%, makabubuti sa lawa iyon. Noong araw, kahit maliit lang ang fish pen, mabilis lumaki ang mga isda at tama lang ang napoproduce na pagkain sa lawa. Tatlo hanggang anim na buwan lang nakaka harvest na ng isda, ngayon umaabot na sa isang taon di pa rin lumalaki ang mga isda,” ani Molera.

Dagdag pa ni Molera, sana raw ay magkaroon sila ng kongkretong kasulatan na hindi maaapektuhan ng resolusyon ng LLDA ang mga maliliit na mangingisda.

“Bagama’t sa una ay maganda na mawala ang malalaking ng fish pen, unang maaapektuhan ang mga mangingisda na nagtatrabaho rito. Dapat ay may kongkretong pamalit na hanapbuhay para sa mawawalan ng trabaho,” sabi ni Molera.

(BASAHIN: Fisherfolks want immediate removal of large fish pens in Laguna Lake)

Pinapangambahan din ni Molera na baka dumating ang panahon na ang rehabilitasyon ng lawa ay hindi para sa kapakinabangan ng maliit na mangingisda dahil sa planong eco-tourism na proyekto ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa lawa.

“Allergic ang mga mangingisda riyan sa eco-tourism. Kung para sa socio-economic, okay sa atin iyan, pero kung para sa turista hindi tayo nagagandahan sa ganoong termino ng katawagan,” sambit pa ni Molera.

Bumisita naman sa nasabing Pamilihang Bayan ang Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Sec. Judy Taguiwalo.

Nakipagkonsultahan si DSWD Sec. Judy Taguiwalo sa mga mangingisda ng lawa ng Laguna noong Abril 23, 2017. (Manila Today/Erika Cruz)
Nakipagkonsultahan si DSWD Sec. Judy Taguiwalo sa mga mangingisda ng lawa ng Laguna noong Abril 23, 2017. (Manila Today/Erika Cruz)

Sa pakikipagkonsultahan ng kalihim sa mga mangingisda, sinabi nitong bagama’t hindi ang ahensya niya ang may pangunahing humaharap sa usapin, nangako naman siya na ipapaabot sa kalihim ng DENR na si Sec. Gina Lopez ang mga pangamba at hinaing ng mga maliliit na mangingisda.

Nagbigay rin ng katiyakan ang kalihim na tutulong sa usapin ng hanapbuhay at kabuhayan para sa mga maaapektuhang mangingisda sa pamamagitan ng mga programa sa ilalim ng kagawarang kanyang pinamumunuan.

“Ang lawa na ito, daan-daang taon nang biyaya sa maliliit, kapag ikaw ay nagugutom, takbo lang rito, siguradong may pang-ulam na,” pagtatapos ni Molera.

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY