Para kay Bruks: Simpleng Tao, Kuya, Tatay, Kaibigan at Kasama

Maaaring hindi ka nila kilala dahil wala ka namang pusisyong pang-nasyunal o anumang prominenteng katayuan. Isa kang organisador sa komunidad at sa mga eskwelahang nililibutan. Ikaw ang Kuya, Tatay, kaibigan at kasama ng lahat. At kahit makulit minsan at napapagalitan, walang duda namang may pagpapahalaga ka nang sobra sa mga gawaing ini-atas.

Agosto 2008, doon sa Lawa ng Laguna kita unang nakilala. Nakipamuhay ka ng ilang araw sa mga mangingisdang may banta ng demolisyon mula sa gobyernong ang kinakatigan ay ang mga kapitalistang magtatayo raw ng ‘mall’ sa erya. Ilang buwan ka ring nakasama, na tulad din ni Tanya, sa piket ng mga manggagawang tinanggal sa Kowloon House. Mainstay tayo roon. Nagbabantay na hindi mabuwag ng mga sikyu ang mga kubol. Nakikipag-usap, nakikipamuhay at tumutulong sa abot ng ating makakayang mapataas ang kamulatan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho’t araw-gabing natutulog sa kalsada.

Madalas din, ikaw ang kasa-kasamang lumilibot sa mga paaralang nakatoka sa atin. Nangungumusta sa mga estudyanteng miyembro ng masang organisasyong pang-kabataan na ating kinabibilangan. Maging sa komyu, ikaw ang sumuyod sa mga bahay-bahay upang makapagpadalo sa porum tungkol sa kontra kulim-VAT (Value Added Tax) at sa Cha-Cha ni Gloria. Matiyaga kang nagpaliwanag sa mga nanay at tatay kung bakit kailangang tutulan ang mga ito at kung bakit kailangang sama-samang kumilos at lumaban ang mamamayan.

Sa ilang mga pag-uusap natin noon, nasabi mong marami kang nagawang kalokohan noong kabataan mo. Pero napagtanto mo, tumatanda ka na at kailangan nang magbago — tulad ng pagbabagong dapat mangyari sa lipunan. Kaya naman nagsikhay kang magpanibagong-hubog, at ika mo nga, kahit matanda na, ay hindi pa huli ang lahat para magsimulang kumilos.

Alam mo ang solusyon kaya’t sinuong mo ang hamon ng panahon. Noon pa man ay gusto mo nang gampanan ang tungkuling ito. Sa tuwing may aalis ay tila gusto mo nang sumama. At nito ko lang din nalaman na natupad mo ito.

Maaaring hindi ka nila kilala dahil hindi naman nila nakita ang iyong mga nagawa. Pero kasama, sa pagpanaw mo ay manalig kang malaki ang iyong nai-ambag. At mahimlay ka sanang ang nasa isip ay hindi ka tumanda nang walang pinagkatandaan.

Bruks, ikaw ang nagpapaalala sa akin ng pinaka-paborito kong tula:

“Mga Apulitikal na Intelektwal*”

Isang araw
ang mga apulitikal
na intelektwal
ng aking bansa
ay uusigin
ng pinakapayak
sa mga mamamayan.

Tatanungin sila
kung ano ang ginawa nila
habang ang kanilang bansa’y naghihingalo
nang dahan-dahan,
tulad ng matamis na apoy
mumunti at nangungulila.

Walang magtatanong sa kanila
tungkol sa kanilang magagarang damit,
sa mahahaba nilang siyesta
matapos ang tanghalian,
walang magnanais makaalam
tungkol sa kanilang malinis na pakikitunggali
sa “ang ideya
ng wala”
walang makikialam tungkol
sa kanilang kalaamang pampinansiya.

Hindi sila tatanungin
tungkol sa mitolohiyang Griyego,
o tungkol sa kanilang pagkamuhi sa sarili
kapag ang isa sa kanila
ay nagsimulang mamatay
sa duwag na paraan.

Hindi sila tatangungin
tungkol sa kanilang absurdong
mga pagbibigay-katwiran,
isinilang sa anino
ng buong kasinungalingan.

Sa araw na iyon
darating ang simpleng mga tao.

Silang mga walang lugar
sa mga aklat at mga tula
ng apulitikal na mga intelektwal,
pero araw-araw na naghahatid
ng tinapay at gatas,
tortilya at itlog,
silang mga nagmamaneho ng kanilang kotse,
silang nag-alaga ng kanilang aso’t mga hardin
at nagtrabaho para sa kanila,
at itatanong nila:

“Ano ang inyong ginawa nang ang mga dukha
ay nagdusa, nang ang pagkalinga
at buhay
ay tumakas mula sa kanila?”

Apulitikal na mga intelektwal
ng mahal kong bansa,
hindi kayo makasasagot.

Isang buwitre ng katahimikan
ang sasakmal sa inyong bituka.

Ang sarili ninyong kalungkutan
ay uuk-ok sa inyong kaluluwa.
At mapipipi kayo sa inyong kahihiyan.

At ikaw, Bruks — ikaw na simpleng tao at walang lugar sa aklat at mga tula ng mga apulitikal na intelektwal — ay tumungo sa kanayunan upang ipagtanggol nang walang kapalit ang nagdurusang mga dukha. Hinding-hindi ka dapat mapipi sa kahihiyan. Buhay ang diwa mo sa bawat masang iyong pinaglingkuran. At hindi kailanman masusukat ang iyong pagkatao sa dami ng kalokohang iyong nagawa sa panahon ng iyong kabataan, maging hindi sa ikli o haba ng iyong buhay, kundi sa halaga at kabuluhan ng mga nagawa mo para sa masang api at pinagsasamantalahan — maliit man o malaki, anuman ang naging paraan ng iyong pagpanaw. Tiyak, maraming susunod sa ‘yong mga yapak at magtutuloy ng ating laban.

Paalam, Bruks. Hanggang sa muli at sa tagumpay.

Si Alberto “Bruks” Delloro ay isang lider maralita at organisador mula sa Intramuros. Siya ay dating nalulong sa ng droga ngunit tinalikuran ito nang siya’y mamulat at maorganisa. Nagbagong buhay si Bruks. Tumungo siya sa kanayunan at inilaan ang buhay para paglingkuran ang sambayanan.

*Isinalin ni Soliman Santos mula sa Ingles ang “Apolitical Intellectuals” ni Otto Rene Castillo.

Basahin ang iba pang kwento tungkol sa mga kabataang martir dito.

InterServer Web Hosting and VPS

4 COMMENTS

  1. ¿”Qué amor es más puro y más grande que el amor para la tierra natal? Nada.Nada más.”-Andrés Bonifacio

  2. I remember our youth when we had to do something, overcoming terror, in the name of that precious word called freedom. Martial Law showed its ugly teeth.

  3. The other famous poem by Otto René Castillo was “Vamonos Patria a Caminar”. It was also translated in Tahalog and declaimed in the De la Salle University Gallery in1989.

LEAVE A REPLY