Vicky, ito ang ibinigay mong pangalan ng unang beses tayong magkita. Hindi ka naman nakakatakot taliwas sa sabi nila na mag-ingat sa mga katulad mo. Matamis ang iyong mga ngiti at malambing ang pahiwatig ng iyong mga mata. Bilang isang ordinaryong masa ng panahong makilala ka, marami akong bagay na tinanong sa’yo, marahil ang iba roon ay mga mabababaw na tanong ngunit hindi ka napagod sa pagbibigay ng sagot. Nagpaliwanag ka mula sa mga paninindigan at ideolohiya hanggang sa usaping pakipapagrelasyon at pagpapamilya.

Unang araw pa lang hinangaan na kita pero nahihiya pa akong lumapit sa’yo. Nakatitig ako sa iyo habang nagaayos ka ng iyong mga gamit sa kalayuan, habang ako naman ay pilit nagsusumikap na makakuha ng lakas ng loob para alamin ang kwento ng iyong pakikibaka. Litaw ang pagiging ina mo sa lahat ng miyembro ng inyong yunit. Hindi sila nanggaling sa iyong sinapupunan pero masuyo lahat sila sayo na para mong mga tunay na anak. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit kahit alam kong saglit lamang ang ilalagi ko sa inyo sa aking pagbisita at kahit nahihiya, hindi ko pa rin naiwasang mapalapit sa iyo at ituring ka bilang isang ina na rin. Isang malaking pribelehiyo na magkaroon ng isang pulang mandirigmang ina na katulad mo, Vicky.

Tuluyan pa akong napalapit sa iyo dahil ikaw ang naging “buddy” ko. Magigising ako ng maaga at papanuorin kita magluto ng almusal ng inyong yunit kapag ito ang gawaing nakaatas sa’yo.  Nilapitan din kita noong minsang tahimik ang katanghalian at naglilinis ka ng iyong armas. Naikwento mo sa akin ang ilang mga kontradiksyon na iyong kinahirap katulad noong araw na magdesisyon ka ng mag full-time blang isang pulang mandirigma. Sinabi mo sa akin na kitang-kita mo kung paano lumuha ang iyong ina habang hinahabol ka para hindi ka makaalis. Ngunit may bigat man sa iyong damdamin ay buo na ang iyong kapasyahan noon na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa pinakamataas na antas ng paglilingkod. Naibahagi mo rin sa akin ang iyong pagkakaroon ng dalawang supling. Kung papaano unti-unting natanggap ng iyong pamilya ang tinahak mong landas at kung paano ka nila sinuportahan sa pamamagitan ng pag-aaruga sa iyong mga anak.

Natapos ang aking pagdalaw sa inyo at hindi ko napigilang mapaluha dahil hindi ko na alam kung kailan ulit kita makikita, kasama ang iba pang miyembro ng inyong yunit. Niyakap kita ng mahigpit at nagpasalamat. Nag-iwan  ako ng tula para sa inyo bilang pasasalamat sa lahat ng mga naituro niyo sa akin at naitulong.

Vicky halos isang taon mula ng tayo ay nagtagpo, nalaman ko narin ang tunay mong alyas at pangalan. Pero hindi sa ganitong paraan. Pia. Aileen Serna.

Nakatanggap ako ng balita na may nangyaring masama sa aking ina. Isa ka sa mga unang pangalan na naisip ko. Para akong hindi rebolusyonaryo ngayon sa pag-iyak. Pero kasabay ng pagdadalamhati na ito ay isang taas kamaong pagpupugay sa iyo. Hindi matatawaran ang naiambag mo sa rebolusyon at dahil sa mga rebolusyonaryong ina na katulad mo magpapatuloy na umusbong ang mabubuting anak ng bayan na susunod sa iyong mga yapak— tatahakin ang landas ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan para mapalaya ang uring inaapi at pinagsasamantalahan.

Buong higpit ko ring yayakapin ang rebolusyong sinimulan mo. Ang rebolusyong nagsilbing tulay para  tayo ay magkakilala. Mananatili kang buhay sa akin at sa amin. Hanggang sa muli nating pagkikita Pia, tatagpuin ang tatangan sa iyong armas na nabitawan doon muli kung saan nagtatagpo ang dagat at kalangitan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY