Kahapon, Oktubre 20, tanghali, muling nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga residenteng giniba ang mga tahanan sa East Bank Manggahan Floodway sa Barangay Sta. Lucia, Pasig at ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Pasig matapos dumugin ang pamangkin ng isang residente na ipinalipat ng taga-Office of Public Security (OPS) ang mga gamit sa kabilang kalsada.

Ayon sa isang ginang na nag-ulat ng insidente, sinabihan siya ng empleyado ng OPS na ilipat ang kanyang mga gamit sa kabilang kalsada. Umayon naman siya’t sinabing patatapusin lamang kumain ng tanghalian ang makakatulong na magbuhat ng gamit niya. Umalis ang taga-OPS at may nilapitang isang lalaking nakasuot itim na balot ng maskara ang mukha. Maya-maya pa’y sumugod ang lalaking naka-itim at kinukuha ang mga gamit ng residente at sinasabing siya na raw ang gagawa kung ayaw itong gawin ng residente.

Kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway
Kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway

Dinumog pa sila umano ng mga empleyado ng Traffic and Parking Management Office (TPMO) ng lokal na pamahalaan at pinaligiran ang pamangkin at kapatid na lalaki ng nag-ulat na ginang. Dumaing sila na ginamitan sila ng pepper spray ng isang empleyado ng TFMK. Sinabi rin ng kapatid niya na tinutukan din siya ng baril ng isa sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan.

Kita naman sa isang larawan ang muli pang paggamit ng isang taga-TFMK ng pepper spray sa mga residente bagamat inaawat na at naglayo na ang magkabilang-panig.

Kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway
Ipinadalang kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway
Kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway
Ipinadalang kuha ng isang residente ng East Bank Manggahan Floodway

Dinadaing ng nag-ulat na ginang ang sinasabi niyang ‘patuloy na panggigipit sa mga tinanggalan ng tahanan sa Floodway na nagtitiis na nga sa kalsada.’

Naiwan sa kalsada ang mga pamilyang nawalan ng tahanan at wala pang malilipatan matapos ang ginawang tatlong araw na demolisyon ng lokal na pamahalaan dito. Inipon ng mga residente ang mga naisalba nilang gamit katabi ng kanilang tinulugan sa kalsada.

Inalok sila ng tent o ng tutuluyang evacuation center na mga basketball court para lamang sa tatlong araw.

Inalok ng relokasyon sa Calauan, Laguna ang mga residente ngunit maraming ayaw doon dahil tinuturing nila itong ‘dead zone.’ Marami nang na-demolish mula sa Manggahan Floodway sa Pasig ang nilipat sa nasabing relocation site noon pa lamang 2010, matapos ang bagyong Ondoy at matapos ideklarang danger zone ang kanilang lugar at sinimulang paalisin ang mga residente rito.  Marami namang nagsibalikan sa iba’t ibang maralitang komunidad sa Pasig sa mga nilipat sa Calauan dahil sa kawalan ng kabuhayan at sa mga pinsalang inabot nito sa mga nagdaang kalamidad.

Ang isang organisasyon ng mga taga-Floodway na accredited ng lokal na pamahalaan ay pumusisyong ilipat sila sa low-rise building ng National Housing Authority na nandoon din lamang sa embankment ng East Bank. Pinapasok ang aabot sa 100 pamilya sa nasabing relocation site, ngunit karamihan sa mga unit dito ay hindi pa tapos o walang palikuran at linya ng kuryente at tubig. Nasa 15 gusali ang planong itayo rito. Dalawa pa lang ang tapos at may mga dati nang nakatira, habang tatlo ang kasalukuyang tinatayong gusali.

Low-rise buildings na relocation site sa pangangasiwa ng NHA. Kuha ni Mel Doctor.
Low-rise buildings na relocation site sa pangangasiwa ng NHA. Kuha ni Mel Doctor.

Aabot sa 700 pamilya ang nawalan ng tahanan dahil sa demolisyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here