Sampung araw na ang nakalipas mula nang idaos ang malaking kilos-protesta sa Luneta noong Setyembre 21, kung saan nakiisa ang higit 30,000 mula sa iba’t ibang sektor at partido. Idinaos din ang mga protesta sa iba’t ibang lungsod sa buong bansa kasabay ng ika-45 taong paggunita sa deklarasyon ng Batas Militar.

Buhat ng lumalalang pasismo sa bayan, hindi na lamang alaala ang Batas Militar, ang kawalan ng hustisya at ang pagyurak sa karapatang pantao. Ang gobyerno ay naglulunsad ng gera kontra droga na ikinamatay na ng 13,000 sa loob ng isang taon, ang all-out war laban sa New People’s Army pero pangunahing binibiktima ang mga komunidad ng magsasaka at pambansang minorya at ang gera sa Marawi na nakapaloob sa Batas Militar sa buong Mindanao. Ang sigaw pa rin ng mamamayan ay #NeverForget (Huwag makalimot) at #NeverAgain (Hindi na muli).

Hindi naman tumigil kailanman ang pambansa demokratikong kilusan–o ang tinutukoy na Kaliwa–sa paglalantad ng mga isyung nakasasama sa mamamayan at lipunan at lagi silang may bitbit na mga plakard na nagsisikap i-highlight ang mga pangunahing panawagan kaugnay ng mga isyu na pinoprotesta. Pero sa paglipas ng mga taon, batay sa mensahe na naisisiwalat sa tradisyunal na midya, mas iniinda ang trapik sa mga rally kaysa ang mga isyu mismo na labag sa interes at kapakanan ng mamamayan. Tila hindi na nababasa ang laman ng mga plakard, at hindi na nakakaabot ang mga mensahe na dapat maunawaan ng publiko.

Pero mula nang nakiisa ang malawak na bilang ng mga tinatawag na ‘millennials’ (mga ipinanganak mula 1981 hanggang 1997, batay sa depinisyon ng maraming institusyon sa pananaliksik at marketing) laban sa paglibing sa yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani at sa pagkundena sa rehabilitasyon ng pamilyang Marcos noong nakaraang taon at kahit pa sila ay binabatikos ng mga troll na hindi inabutan o nabuhay noong Batas Militar, nagbitbit sila ng sarili nilang mga plakard gamit ang iba’t ibang gadget o materyales (IPad, tablet, tarp, papel, etc.) at sariling mensahe at pandama at nailagay ulit sa spotlight ang laman ng mga nakatitik na hinaing.

Habang napaparam ang sobrang tuwa sa isang matagumpay na pagkilos ng malawak na mamamayan (lampas sa mga pinakamasugid sa pagpoprotesta), sa loob lamang ng 10 araw ay sunod-sunod na naman ang mga extrajudicial killing sa mga kabataan–isang 13, 17 at 18 taong gulang na natagpuang patay gaya ng kaso ng 14-taong gulang si Reynaldo De Guzman–itinapon ang bangkay sa kung saan, nakabalot sa tape (packaging o masking) ang ulo, tadtad ng bala o saksak ang katawan. O ‘di kaya’y pinatay tulad ng dating modus operandi ng pagpatay ng riding-in-tandem sa motorsiklo. Mula kay Kian, Carl at Reynaldo, nadagdag pa si Jayross, Ephraim at Dave. Nasa balita rin ang aerial bombings sa Batangas, ang pagpatay ng isa na namang magsasaka sa Compostela Valley at maraming iba pang kahindik-hindik na balita. Ito ang mga usaping nagbigkis sa mamamayan noong araw ng Setyembre 21, at marapat sa mga susunod pa.

Ngayon, higit kailanman, dapat namnamin (at huwag i-scan lang) ang mensahe ng Setyembre 21 at marapat pati ang mga plakard ng mga susunod pang pagkilos ng mamamayan.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY