Matapos sa paglikha ng effigy para sa kilos-protesta noong Seytembre 15 kaugnay ng ika-26 taong paggunita sa tagumpay ng mamamayan sa pagpapalayas sa base militar, binuo naman ng UGATLahi Artist Collective ang isang likhang sining na halaw sa Rubik’s cube para sa kilos-protesta sa paggunita sa ika-45 taon mula ng dineklara ang Batas Militar ni Ferdinand Marcos, Sr.

Ang “Rody’s Cube’, gaya ng pinaghalawang magic cube na isang 3D puzzle, ay may apat na gillid at tatlong lebel/hati. Kada panel ay may “larger-than-life portrait painting”. Ang inspirasyon ng apat na painting ay mula sa popular na slogan na isinisigaw noong panahon ng batas militar: “Marcos: Hitler, Diktador, Tuta!”

Sa aktwal, may tig-iisang portrait painting kada gilid ang yumaong diktador na si Marcos; ang nagpasimuno ng henosidyo sa Europa na si Adolf Hitler; isang stylized na bersyon ng isang aso para sa “tuta” na simbolo o metapora ng pagsusunud-sunuran sa dikta ng dayuhan; at, ang kasalukuyang pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte. Naiikot ang tatlong baitang ng Rudy’s Cube upang makabuo ng bagong larawan na pinaghahalo ang iba’t ibang bahagi ng mukha ng apat na dibuho.

Sa malaking protesta ngayong araw, ipinanawagan ng mga kalahok ang pagtigil sa pasisimo at paniniil ng kasalukuyang administrasyon. Sinasabi ng mga nagpoprotesta na kung noong mga nakaraang taon ay ginugunita ang Batas Militar para ‘di ito malimot at ‘di ito maulit, sa kasalukuyan ay may Batas Militar sa bansa at lumalala ang paglabag sa karapatang pantao.

Bago ang nasabing protesta, saksi ang buong bansa at nararanasan ng mamamayan ang pagpapalawak sa Batas Militar sa Mindanao, pambobomba sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo sa kanayunan sa ngalan ng operasyong militar laban sa New People’s Army, paparaming pagpatay sa gera kontra droga (lalo ang insidenteng 60 napatay sa loob ng tatlong gabing “one time big time operasyon ng pulis noong huling mga araw ng Agosto), paparaming pagpatay sa mga kabataan sa gera kontra droga sa kaso nila Kian, Carl, Reynaldo, pagpatay sa mga katutubo na tutol sa mapangwasak na pagmimina kasama na ang 19-taong gulang mag-aaral na si Obello at iba pang mga sinasabing indikasyon ng isang gobyernong naghahanda sa isang pambansang diktadurya.

Makikita ang Rody’s Cube sa protesta na magsisimula sa Unibersidad ng Sto. Tomas ika-12 ng tanghali, magmamartsa papuntang Mendiola at tutulak sa Luneta para sa programa nito, sa may dambana ni Rizal sa kahabaan ng Roxas Boulevard, 4-8 ng hapon.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY