Kasabay ng paggunita ng mga Katoliko sa Mahal na Araw, naglunsad ang Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association ng ‘Kalbaryo ng Maralita’ noong Abril 12 sa lungsod ng Taguig para isadula ang kanilang nararanasang ‘kalbaryo’.

Para sa mga residente ng Maysapang sa Brgy. Ususa, Taguig, kalbaryo umano sa kanila ang bantang demolisyon sa kanilang komunidad dahil sa mga proyektong itinatayo ng RII Builders sa inuupahang lupa mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na kinatitirikan ng kanilang kabahayan.

Nagprotesta sa harap ng ginagawang gusali ng RII Builders/MGS Consortium ang mga residente ng Maysapang, Taguig noong Abril 12, 2017. (Manila Today)
Nagprotesta sa harap ng ginagawang gusali ng RII Builders/MGS Consortium ang mga residente ng Maysapang, Taguig noong Abril 12, 2017. (Manila Today)

Ayon kay Charlito Balote, Tagapangulo ng Nagkakaisang Residente ng Maysapang Homeowners Association, nakakaranas umano ng harassment mula sa mga guwardya ng RII Builders ang mga residente ng Maysapang dahil armado itong pumapasok sa kanilang komunidad. Pinagbabawalan din umano ng mga guwardya ang mga residente na magpasok ng mga materyales pang-konstruksyon para kumpunihin ang kanilang mga bahay.

“Noong wala pa ang mga guwardiya ay tahimik at maayos kami ritong naninirahan,” sabi ni Balote.

Ayon naman kay Vima Caduco, 65 taong gulang na residente ng Maysapang, ang rason umano ng mga guwardya kung bakit sila pinipigilan magpasok ng mga materyales pang-konstruksyon ay dahil papaalisin na sila sa kanilang mga tirahan.

“Ginigipit kami ng mga guwardya, ni isang sako ng semento pinipigilan pa kami. Ni kubeta namin di namin maipaayos,” daing ni Caduco.

Noong Nobyembre 2013, nanalo ang RII Builders/MGS Consortium sa bidding ng BCDA para paupahan ang 5.2 ektarya na lupang sakop ng Brgy. Ususa, Taguig sa halagang P93 milyon sa unang tatlong taon ng pag-upa at P53 milyon bawat taon sa susunod na mga taon na maari pang lumaki batay sa magagamit na Gross Floor Area at 5% pagtaas na upa sa bawat tatlong taon.

Ang RII Builders ay pagmamay-ari ni Reghis Romero na may-ari rin ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. sa Lungsod ng Maynila.

Sa 5.2 ektaryang pinapaupahan ng BCDA, aabot sa 3.7 ektarya naman ang tinitirahan ng mga residente ng Maysapang kung saan aabot sa 557 pamilya o 2,885 indibidwal ang nakatira rito.

“Hindi kami basta-basta pwedeng paalisin diyan, 30 years na kaming nakatira diyan. Dapat nga ay i-award na ang lupa sa amin na mga nakatira,” sabi ni Caduco na mula pa noong 1986 nakatira sa Maysapang.

Kahit matindi ang sikat ng araw, sumama pa rin si Vima Caduco, 65 taong gulang, para ipahayag ang kaniyang pagtutol sa bantang demolisyon sa kanilang komunidad. (Manila Today)
Kahit matindi ang sikat ng araw, sumama pa rin si Vima Caduco, 65 taong gulang, para ipahayag ang kaniyang pagtutol sa bantang demolisyon sa kanilang komunidad. (Manila Today)

Noong 2004, naglabas ng resolusyon ang lokal na pamahalaan ng Taguig, ang Resolution 107, Series of 2004 para suportahan ang panawagan ng mga residente na ibigay na ang lupa sa mga residente.

Napag-alaman ng samahan mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang lupang kinatitirikan ng kabahayan ng mga residente ng Maysapang ay sakop ng Executive Order (EO) No. 465 na inilabas noong Oktubre 3, 2005. Idinideklara ng EO na ito na bahagi ito ng lupang pagmamay-ari ng BCDA na nakalaang Socialized Housing Site para sa mga nakatira rito.

Ayon pa kay Balote, dalawang beses na sumulat ang samahan sa BCDA pero ang ginagawa lang umano nito ay ipagtulakan sila sa RII Builders dahil ito na raw ang may karapatan sa lupa dahil napaupahan na ito.

“Hindi namin matanggap yun dahil bakit nila pina-bidding eh maraming taong nakatira rito na hindi man lang kinonsulta kaming mga residente,” sabi ni Balote.

Dagdag pa ni Balote, pinipigilan din ng RII Builders ang pagkuha ng permit ng mga gustong magnegosyo sa loob ng komunidad katulad ng mga magtatayo ng tindahan.

“Hindi nila dapat gawin ‘yun dahil pangkabuhayan ‘yun ng mga tao,” hinaing ni Balote.

Ayon kay Balote, dapat umano kausapin nang maayos ng RII Builders at ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng Maysapang at hindi dapat basta-bastang paalisin. Mawawalan daw ng maayos na tirahan ang mga residente at mawawalan ng kabuhayan kapag itinuloy ang pagpapaalis sa kanila.

“Handa nilang (mga residente ng Maysapang) depensahan yung kanilang karapatan bilang naninirahan dito,” sabi ni Balote.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY