‘SAGLIT’ at ‘AGAD’

ni M. Salome Ballesteros

0
713
Manila Today Illustration
Dibuho ni Ara Villena

 

Ang bagay na pinakamahirap gawin sa buhay ay ang maghintay.

Madalas kang umaalis noon. Mapa anong oras, basta’t kailangan mong umalis, ay aalis ka. Papanoorin kitang mag-ayos hanggang sa makaalis ka. Madalas pag nangyayari ‘to, nagpapapansin ako sa iyo. Nangungulit. Umaasang papayag kang isama mo ako sa mga pupuntahan mong lugar, nangangakong hindi ako maglilikot basta isama mo lang ako. Pag pumapayag ka, mas mabilis pa ako sa alas kwatro na magtanggal ng muta at magpalit ng damit. Kahit pa hindi ko maabutan yung Marimar o kaya yung Sineskwela ayos lang sa akin. Masaya akong kasama ka.

Mayroon din namang mga panahon na ayaw mo akong isama. Nagtatampo talaga ako ng lubos kapag nangyayari ito. Tinatadyakan ko yung kama habang nakahiga, sisipain yung mga kumot at unan hanggang malaglag sa sahig, hahabulin ka ng iyak hanggang sa labas ng bahay, nagmamakaawang isama mo ako habang tumutulo yung sipon ko at lukot ang mukhang tutuwid lamang kapag na-plantsa ng iyong matamis na “Halika na”. Madalas akong mabigo kahit pa halos mailabas ko na yung mata ko kakaiyak. Tatayo lang ako sa pinto ng bahay, kukutkutin ang kahoy at bubulong ng “Akala mo dyan”. Babalik ako ng kwarto at makakatulugan na lamang ang pag-iyak. Paggising ko, nakauwi ka na. May dalang pasalubong. Ako naman itong magpapakipot pero bibigay rin sa dulo kapag tinawag mo na akong “Baby”.

Minsan kayong umalis ng bahay noon. Hinintay ko kayong bumalik, sabi mo kasi saglit lang naman kayo. Umuwi ako galing eskwelahan noon, pero wala kayo. Ilang araw akong nakatihaya lang sa sahig habang nanonood ng “Ang TV”, bumabangon sa bawat kaluskos na maririnig sa pinto, umaasang ang mukha mo yung una kong makikita o kaya ay ang mukha ko ang una mong makikita sa pagbalik ninyo.

Bigo ako.

Nagulat na lamang ako na umalis kami ng bahay, pupuntahan daw namin kayo. Sumama ako, kaming lahat. Tahimik sa sasakyan, maraming dalang gamit at pagkain.

Hindi ko naunawaan kung bakit may bakal na gate na itim sa pagitan natin, kung bakit napakalaki ng kwarto ninyo at marami kayong kasamang ibang tao na hindi namin kilala. Sabi mo may nagawa kayo at may mga aasikasuhin lang kayo saglit, pagkatapos noo’y makakauwi na rin kayo agad sa tunay nating bahay.

Sabi mo maghintay lang ako.

Naghintay nga ako hanggang sa maunawaan na nagbago na pala ang kahulugan at sukatan ng ‘saglit’ at ‘agad’. Iba-iba na ang napuntahan kong lugar, makita ka lang. Iba-iba mang kapal at hugis ng mga bakal sa pagitan natin, hindi pa rin nagbabago ang katotohanang kailangan pa ring maghintay.

Ilang araw mula nang mailibing ang iyong pinakamamahal, nalaman kong pati ikaw ay mawawala sa akin. Siyam na taon lang ako noong sinabi nila sa amin na nasa death row ka. Sa pagkakataong iyon, hindi ka na nakapangako ng ‘saglit’ at ‘agad’, ni hindi nga natin iyon pinag-usapan nang muli tayong magkita sa isang mainit na hapon ng Setyembre.

Hindi na bago sa akin ang death row. Kilala ko si Leo Echagaray at ang makasaysayang paglulunsad ng lethal injection sa bansa bilang parusang kamatayan. Una iyon sa kasaysayan ng bansa kaya nga ang coverage noon sa midya ay parang sa laban ni Manny Pacquiao o kaya ang pagbisita ng mga Santo Papa sa bansa. Detalyado ang mga ulat kung sino ang aktwal na makakasaksi, anong mga gamot ang ituturok at kung gaano katagal bago ito umepekto. Napanood ko lahat ng iyon.

Hindi ako pinagpapahinga ng katotohanang na papanoorin lamang ng buong mundo kung paano ako mawawalan ng nanay.

Sa pagkakataong iyon, maiiba na ang sitwasyon, sabi ko. Hindi ko na lamang iyon sa telebisyon masasaksihan, kundi sa personal, salamin lamang ang pagitan.

Hindi ako pinapatulog ng mga gabing naiisip kong ikaw ang nakahiga roon at may takip ang mukha habang ako ang nasa kabilang bahagi ng salamin, saksi sa paubos mong ‘saglit’ at ‘agad’.

Hindi ako pinagpapahinga ng katotohanang na papanoorin lamang ng buong mundo kung paano ako mawawalan ng nanay.

Matutuldukan na ang paghihintay ko, ngunit hindi ng iyong pagbabalik.

Marahil ay sinabi rin ni Mary Jane Veloso ang pangakong ‘saglit’ at ‘agad’ sa kanyang mga anak ng ilang beses nang lisanin niya ang bansa upang maging overseas Filipino worker. Ito ang kinakapitang pangako ng kanyang dalawang musmos na anak nang saksihan nila ang pag-alis ng kanilang ina sa bahay. Nakatatak sa alaaala ang likod ng kanilang ina palabas ng kanilang pinto tungo sa mundo ng walang kasiguraduhan. Marahil ay araw-araw rin silang tahimik na nakaabang sa pinto, nakikinig sa kaluskos ng sahig. Umaasang ang nanay nila ang makikita sa pinto at ang kanilang mga mukha ang una niyang masisilayan sa kanyang pagbalik.

Marahil ay sinabi rin ni Mary Jane ang pangakong ‘saglit’ at ‘agad’ sa kanyang mga anak ng ilang beses nang makulong siya sa Indonesia noong 2010 dahil sa bitbit niyang tatlong kilo ng ipinagbabawal na gamot. Pigil na mga hikbi, sinisikap buuin ang nababasag na boses habang pilit na pinagkakasya ang pangungulila at distansya sa mga tawag.

Marahil ay sinabi rin ni Mary Jane ang pangakong ‘saglit’ at ‘agad’ sa kanyang mga anak ng ilang beses nang sintensyahan siya ng parusang kamatayan. Sa kung papaanong paraan man, hindi rin niya tiyak.

Sa edad na dapat naglalaro lang sila sila ay abala ang mga anak ni Mary Jane na magmakaawa sa buong mundo na iligtas ang nanay nila, na huwag tuldukan ang kanilang paghihintay ng kanyang hindi pagbabalik.

“Attorney, iuwi niyo po ang nanay ko,” bulong niya kay Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers bago sila lumipad tungong Indonesia upang kalabananin ang panahon at maiuwi si Mary Jane.

6,000 Pilipino ang umaalis sa Pilipinas araw-araw upang hanapin sa ibang bansa ang maalwan na buhay na hindi nila matagpuan sa sarili nilang bansa dahil sa mga maka-dayuhang patakarang pang-ekonomiya. Si Mary Jane ay kabilang sa 80 Pilipino na kasalukuyang nasa death row sa iba’t-ibang bansa sa buong mundo.

Hindi itinadhana si Mary Jane na mamatay na lamang sa ibang bansa. Walang sinumang magulang ang nais mawalay sa kanilang mga anak. Walang sinumang anak ang nais mawalay sa kanilang magulang.

Isipin mo, ilang anak kaya ang payapang nangangamba sa gabi sa paubos na ‘saglit’ at ‘agad’ ng kanilang mga ama o ina? Ilang anak kaya ang nagmamakaawa ngayon sa buong mundo na huwag nilang hayaang mawalan sila ng magulang? Ilang anak kaya ang nangangarap na matapos na ang panahong mayroon pang mga batang tulad nila ang madadagdagan na tahimik na naghihintay sa pinto ng kanilang mga bahay at umaasang may mainit na yakap na muling magpapatulog sa kanila sa gabi?

Hindi itinadhana si Mary Jane na mamatay na lamang sa ibang bansa. Walang sinumang magulang ang nais mawalay sa kanilang mga anak. Walang sinumang anak ang nais mawalay sa kanilang magulang.

Hindi naman dapat ganito. Hindi ganito ang mundong gusto natin. Hindi ganito ang mundong nararapat para sa atin.

Totoong hindi malilikha ng ‘saglit’ at ‘agad’ ang isang mundo na hindi na kinakailangan pang maghintay ang mga anak sa walang kasiguraduhang pagbabalik ng kanilang mga magulang. Ngunit kung mayroon man akong isang bagay na natutunan, iyon ay posible ang lahat at kahit ang mga imposible, sa paglaon, ay magiging posible na rin.

Nagbago na ang depinisyon at sukatan ng ‘saglit’ at ‘agad’. Depende na sa atin kung mapapabilis natin o mapapatagal pa. Depende na lamang kung sa ano at para kanino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here