Sa buong mundo, sa Pilipinas daw umano pinakamatagal na ipinagdiriwang ang Pasko. Mula pa lang kasi pagpasok ng buwan ng mga –ber ay Pasko na rito. Wala pa man ang simoy ng Kapaskuhan, maririnig mo namang pinapatugtog na ang mga awiting pang-Pasko sa mga dyip, bus, mall, maging sa radyo. Sa mga programa sa telebisyon ay may countdown na nagsisimula sa 100 o higit pang araw bago mag-Pasko.

Napakahiwaga ng pagkabighani ng mga Pilipino sa Kapaskuhan. Minsan naipapaliwanag na lang ito sa datos na may 92% ang Kristiyano sa Pilipinas, kung saan 81% ang Katoliko.

Kung sa kalendaryo ng mga Kristiyano, nagsimula na ang panahon ng Adbiyento noong Nobyembre 27, o ang ikaapat na Linggo bago ang Pasko, ang unang pagdating, ang araw ng pagsilang kay Hesus. Sa tradisyon ng mga Kristiyano, ito ay panahon ng pagdarasal, pag-aayuno at pagsisisi. Sinusundan ito ng gunamgunam, pag-asa at lugod.

Dahil nga doon naikakabit ang kahulugan ng Pasko, kinagawian na rin ng mga Pilipino sa panahon ng Pasko ang pagsasama-sama, pagsasaya o pagdiriwang, pagbibigay ng mga aguinaldo, at pasasalamat sa mga biyaya.

Ngunit sa konteksto ng buhay sa ating bayan sa kasalukuyan, mas maraming mamamayan ang sadlak sa dalita. Maraming tulad ni Hesus na ipinanganak sa sabsaban, lumaki sa simple o salat, pagal sa paggawa tulad ng kanyang ama na si Jose, inusig at pinagmalupitan gaya ni Hesus dahil sa kanyang mga ideya. Ang mga magsasakang walang lupa at palaging nasa bingit ng gutom, ang mga manggagawang pagal sa trabaho at salat sa sahod, ang mga maralitang lungsod na walang tiyak na paninirahan, mga kabataang napagkaitan ng oportunidad na mag-aral, ang mga katutubong dinarahas at pinalalayas sa kanilang mga lupang ninuno, ang mga kaanak ng mga bilanggong pulitikal at mga nawawala, mga biktima ng tiraniya.

Naitanong mo na ba sa iyong sarili kahit minsan, paano sila nagpa-Pasko?

Ano kayang ipinagpapasalamat nila?

Ano kaya ang inaasam nila tuwing Pasko?

Nais mo bang malaman?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here