Para sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na nanguna sa martsa ng mamamayan patungong Batasang Pambansa, ang deklarasyon ng unilateral ceasefire ng armadong pwersa ng gobyerno na marahil ang pinakamakabuluhang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).

“Ano ba ang ibig sabihin nito para sa atin? Ibig sabihin nito ay ang pagtigil ng operasyong militar at ang pag-uwi ng mga Lumad sa kanilang mga komunidad na wala nang pananakot ng mga militar,” sambit ni Renato Reyes, Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa kanyang talumpati matapos mapakinggan ang SONA ni Pangulong Duterte.

Sa ika-19 minuto ng kanyang higit isang oras at kalahating talumpati, inanunsyo ni Duterte ang tigil-putukan.

“To immediately stop violence on the ground, restore peace in the communities and provide enabling environment conducive to the resumption of the peace talks, I am now announcing a unilateral ceasefire with the CPP-NPA-NDF effective immediately [Para agarang matigil ang karahasan, maibalik ang kapayapaan sa mga komunidad at makalikha ng kapaligirang kaaya-aya sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan, inaanunsyo ko ngayon ang kagyat na sarilinang tigil-putukan sa CPP-NPA-NDF],” sabi ni Duterte.

Dagdag pa ni Duterte, nanawagan siya sa NDF at sa mga pwersa nito na tumugon kaagad. Nais umano niyang makamit ang permanente at pangmatagalang kapayapaan bago matapos ang kanyang termino.

Tugon ng NDFP

Ayon kay Rey Casambre ng Philippine Peace Center, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may pangulo ng bansa na nagdeklara ng tigil-putukan sa kanyang SONA.

“Ang pinakamalapit na kahalintulad na deklarasyon ay ang pahayag ni FVR [Fidel V. Ramos] sa kanyang Inaugural Address na nakahanda itong makipag-peace talks sa CPP-NPA-NDF, MNLF, MILF, at military rebels (RAM-YOU at SFP),” sabi ni Casambre.

Sa isang pahayag sa midya ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa kaparehong araw, nakasaad na malugod nitong tinatanggap ang deklarasyon ng pangulo at nagpahayag ng kahandaang tumugon ng kahalintulad na deklarasyon.

Ayon kay Luis Jalandoni, Punong Negosyador ng NDFP, pareho sila ng Pangulong Duterte na nais makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Agad naman daw pag-aaralan at tutugon ang NDFP sa unilateral ceasefire declaration ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) kapag natanggap na nila ang buong teksto ng deklarasyon.

Umaasa din ng NDFP na ang susunod na hakbang ng GRP ay ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.

NDFP ceasefire quote

Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi ng Communist Party of the Philippines (CPP) na umaasa sila na maglalabas ng utos si Pangulong Duterte sa Armadong Pwersa ng Pilipinas na wakasan na ang Oplan Bayanihan (OpBay), ang kontra-insurhensyang kampanya ng administrasyong Benigno Aquino III. Kinokonsidera ng PKP na gera laban sa mga sibilyan.

Pagtalima ng militar?

Isang araw matapos ang SONA, ipinaskil ni Reyes sa kanyang Facebook account ang nakuha ng kanyang grupo ng kopya ng isang memo mula sa Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Gen. Ricardo Visaya hinggil sa tigil-putukan. Nilalaman ng memo ang pagdeklara ng Suspension of Offensive Military Operations o SOMO sa CPP-NPA-NDF, partikular sa armadong pwersa nito na NPA o New People’s Army.

Sa isang banda, hindi naman ipinapatigil ang civil military operations (CMO) ng militar. Pinapakahulugan ng grupo ni Reyes na maaari itong magbuhat ng pananatili o patuloy na okupasyon ng militar sa mga sibilyang komunidad.

Ayon kay Bai Ali Indayla, tagapagsalita ng Manilakbayan ng Mindanao, maaari pa ring magkaroon ng mga pang-aabuso mula sa militar kung magpapatuloy ang CMO sa balangkas ng OpBay dahil ang prinsipyo ng OpBay bilang kontra-insurhensyang kampanya ay tinatarget ang mga sibilyan.

“Dapat ibasura ang OpBay at i-pull out ang mga militar mula sa mga komunidad,” dagdag pa ni Indayla.

Ang datos ng pambansang opisina ng Karapatan sa rekord sa karapatang pantao ng nagdaang administrasyon ni Benigno Aquino mula July 2010 hanggang December 2015 o sa kasabay na panahon ng pagpapatupad ng OpBay ay nagpapakitang umabot sa 307 ang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 30 ang biktima ng sapilitang pagkawala, 215 ang biktima ng tortyur, 566 ang biktima ng tangkang pagpatay, 903 ang iligal na naaresto pero hindi nadetine at 501 ang iligal na naaresto at nadetine at 105,616 ang biktima ng pwersahang ebakwasyon.

Pananaw ng apektadong mamamayan

“Maganda ang ceasefire ngunit dun sa CMO, pinapakita nito ang halfheartedness ng AFP sa pagwakas sa militarisasyon ng mga komunidad, isang isyu na nais mawakasan na ng mamamayan,” ayon kay Diego Torres, Tagapagsalita ng BAYAN Timog Katagalugan.

Sa nagdaang mga administrasyon, nakaranas ng matinding militarisasyon ang mga komunidad ng Timog Katagalugan. Maging ang dating Pangkalahatang Kalihim ng Karapatan Timog Katagalugan na si Eden Marcellana ay naging biktima ng brutal na pamamaslang. Sa panahon ni Noynoy Aquino, 22 ang naitalang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon at apat naman ang biktima ng sapilitang pagkawala.

“Mas malaking hamon para kay Pangulong Duterte na agarang magpalabas ng marching order sa AFP ng agarang ‘back to barracks’ para mabigyang daan ang pag-uwi ng mga nakabakwet na Lumad sa Mindanao at mabigyan sila ng hustisya,” sabi ni Kerlan Fanagel, tagapangulo ng PASAKA (Confederation of Lumad Organizations in Southern Mindanao Region).

Dagdag pa ni Fanagel, dapat ay magbigay ng utos si pangulong Duterte sa mga ahensya ng gobyerno na maglaan ng badyet para sa tulong at rehabilitasyon ng mga komunidad na nagbakwet na patuloy na nawawasak dahil sa operasyong militar at OpBay.

Sa 118 na pwersahang ebakwasyon na naidokumento ng Karapatan sa buong bansa mula 2010-2015, sa Mindanao na ang pinakamarami. Sa rehiyon pa lang ng Caraga ay 26 insidente na ng pwersahang ebakwasyon ang naitala. Hanggang sa kasalukuyan ay may mga nakabakwit pa rin na Lumad sa United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran Compound sa Davao City.

Panawagan para bawasan ang budget militar para sa serbisyong panlipunan

Bahagi naman ng 15 Puntong Programa Para sa Makabayan at Progresibong Pagbabago, bahagi ng People’s Agenda, na isinusulong ng BAYAN ang pagbabawas ng budget sa militar para ilipat sa pantustos sa mga serbisyong panlipunan.

Ayon sa primer ng BAYAN ukol dito, dapat itong gawin para sa pagpapaunlad ng ekonomya at serbisyong panlipunan.

Wala naman daw problemang bawasan ang badyet ng militar at ilaan sa serbisyong panlipunan ayon naman sa dating opisyal ng militar at kasalukuyang Senador na si Gringo Honasan.

“Pero, depende sa ito sa mapagkasunduan ng gobyerno na national priorities kung ano ang uunahin at bibigyan ng kaukulang badyte,” tugon ng Senador sa Twitter account niyang @gringo_honasan na nakadugtong sa kanyang opisyal na website.

Sabi naman ni Raymond Palatino, Tagapangulo ng BAYAN NCR, “dapat ay i-rechannel ang pabaon fund for generals to school pabaon for students.”

Ang iba pang laman ng 15 puntong programa ay: ang pagtataguyod ng pambansang soberanya; paggalang sa karapatang pantao; pag-giit sa soberanyang pang-ekonomiya; paglunsad ng pambansang industriyalisasyon; pagpatupad ng tunay na reporma sa lupa; pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, pagprotekta sa iba’t ibang hanapbuhay at pagtaas ng istandard ng pamumuhay ng mamamayan; pagpalawak ng serbisyong panlipunan; pagtigil sa pandarambong at korapsyon; pagtaguyod ng patriyotiko, demokratiko at siyentipikong sistema ng edukasyon at kultura; pagtaguyod ng pagkakapantay ng kasarian; pagtiyak sa matalinong paggamit ng mga natural na yaman ng bansa at pangangalaga sa kalikasan; paggalang sa karapatan ng mga katutubo; pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa NDFP at MILF; at, pagpursige ng indipendyenteng patakarang panlabas.

Matatandaang inilapit ng BAYAN ang People’s Agenda para sa unang 100 araw ng bagong administrasyon kay Pangulong Duterte nang ipinatawag niya sa Palasyo ng Malacañang ang mga nagdaos ng rally kasabay ng kanyang panunumpa.

BAYAN leaders present a copy of their People's Agenda to President Duterte in Malacañang after the inauguration. | Photo from RTV Malacañang's Twitter account
BAYAN leaders present a copy of their People’s Agenda to President Duterte in Malacañang after the inauguration. | Photo from RTV Malacañang’s Twitter account