Ang taong 2016 ay isang testimonya ng patuloy na pagsulpot at pagbabalik ng mga isyung kinasuklaman ng sambayanan gaya ng Batas Militar, reinkarnasyon ng isa sa pinakakinamuhiang pangulo sa pulitika, at iba pa. Bakit may mga usaping pambansang tila hindi nareresolba? Bakit hindi tayo maka-move on? Hindi pa rin ba natin nakakamit ang hustisya kaya walang closure? O nagiging mabagsik na panremedyo sa pagbabalik ng mga hindi mamamatay-matay na mga isyu ang pagkalimot ng sambayanan?

Ano nga ba ang mga isyung hindi pa rin mamatay matay (at dapat na ring mamatay, este matuldukan)? Sa taong 2017, magawa na kaya nating ilibing ang mga usaping ito?

1. Walang kasalanan ang pamilyang Marcos

marcos-family-2014
Imelda Marcos, asawa ng diktador Ferdinand Marcos, Sr., at kanilang mga anak na si Imee, Bongbong at Irene. (Litrato mula globalbalita.com)

 

“I will apologize for any wrongdoing that I may have done, any mistake that will have caused anyone any pain or hardship, but I can only apologize for myself,aniya ni Bongbong Marcos na pilit hinihiwalay ang kanyang track record mula sa kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos, Sr.

Muling nabuhay ang pagbatikos sa pamilyang Marcos nang magdeklara ng kandidatura sa pagka-bise presidente anak ng diktador na si Bongbong Marcos noong pa lamang 2015. Lalo pang uminit ang usapin sa kampanya sa eleksyon pagpasok na ng taong 2016.

Tampok sa mga presidential debates ang pagtanggi ni Bongbong Marcos sa inilalahad na datos na nagpapatunay ng matinding paglabag sa karapatang pantao at pagnanakaw ng pamilyang Marcos sa lagpas-dalawang dekada ng Martial Law. Ngunit hindi maitatanggi ni Bongbong ang paghawak sa kapangyarihan ng kanyang pamilya sa pulitika na ang karamihan sa kanilang pamilya may posisyon sa mga sangay ng gobyerno noon.

Umalab pang lalo ang usapin nang pinaboran ng Korte Suprema na ilibing ang dating diktador Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani. Ngunit ito lamang ang sinabi ng mga magkakapatid na Marcos: magkaroon ng “healing process” ang bansa at “move-on” na sa pinakamalagim na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas.

Para sa mga kaanak, kaibigan at tagasuporta ng sampu-sampung libong mga biktima ng pamilyang Marcos at ng kanilang Batas Militar, hindi mamamatay ang isyu ng mga kasalanan ng mga Marcos hangga’t hindi sila napapanagot sa mga ito.

2. Maganda ang idinulot ng Batas Militar

marcos_declares_martial_law-phil-daily-express
Headline ng Philippine Sunday Express ang pagdeklara ng Martial Law ng dating Pangulong Marcos. (Litrato mula Philippine Daily Express)

 

Sabi ni Bongbong Marcos ang ‘general sentiment’ ng mga Pilipino ay maganda ang panahon ng Martial Law kaya pinagpasyahan niyang tumakbo sa pagkabise-presidente nitong 2016.

Dahil sa paulit-ulit na pagtuligsa ng mamamayan sa karahasang dinulot ng rehimeng Marcos, hinamon niya ang mga bumatikos at sinabing hayaan ang kasaysayan na humatol sa administrasyon ng kanyang ama.

Bunga ng kanyang pahayag, iniharap ng Department of Education (DepEd) bagong curriculum sa mga paaralan na isinama ang paksa ng Martial Law sa bawat subject sa elementary, junior at senior high school na isasakatuparan sa pagpasok ng mga estudyante sa 2016. Maging ang Commission on Human Rights (CHR) at Commission on Higher Education (CHED) ay handa na tumulong imulat ang mga Pilipino sa mga karahasan noong Martial Law.

Ito ay isang patotoo na hindi makakatulog ang isyu kapag mamamayan ang kumikilos na mabigyan ng karampatang aksyon at paniningil ang paniniil at kalupitan sa sambayanan.

3. Pagiging bayani ni Marcos

marcos-burial-newsline-com
Binigyan ng seremonya ang paglibing sa dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani. (Litrato mula newsline.com)

 

Nobyembre 18, 2016. ‘Like a thief in the night,’ inilibing ang diktador Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani, kung saan nakalibing ang mga yumaong presidente, sundalo, National Artists, National Scientists, at iba pa. Bagamat ang diktador Marcos ay isang president at sundalo, tutol ang mamamayan sa paghirang sa kanya na tila parang isang bayani ng bansang Pilipinas.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos, naitinalang 3,240 ang mga pagpaslang sa mga katunggali sa pulitika, 34,000 ang mga tinortyur, 70,000 ang iligal na inaresto at P167 bilyon ang kanyang ninakaw sa kaban ng bayan.

Noong 1986, pinasok ng sambayanan ang Malacañang upang tuluyang pabagsakin ang dating Pangulong Marcos na nagbunga ng tagumpay. Sa ganitong kaganapan ay hindi nakakalimot ang mamamayan na hindi ituring si Marcos bilang makatao’t makabayan na pangulo – at lalong hindi siya hihiranging bayani ng mga Pilipino.

Kaya ang pagbigay ng state honors kay Marcos ay isang malaking dagok para sa mga biktima ng kanyang pamumuno sa bansa. Kaya nama’y hustisya ang panawagan ng mga kaanak, kaibigan at taga suporta ng sampu-sampung libong mga biktima ng Batas Militar. Ang pagpapanagot at pagputol ng kapangyarihan ng mga Marcos sa pulitika’t ekonomiya ang makapaglilibing sa usaping ito.

4. Panunumbalik ni Gloria

112816_king-rodriguez13-presidential-photo
Bumisita ang dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 28, 2016 sa Malacañang Palace. (Presidential Photo/King Rodriguez)

 

‘Hello, Garci’ ang isa sa pinakamalaking political scandal sa Pilipinas. Dahil na-wiretap at nairekord ang pag-uusap ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Election Commissioner Virgilio Garcillano, naibunyag ang pandaraya sa eleksyon para manalo si GMA.

Hindi makatakas ang dating pangulo kaya’t siya’y umamin na boses niya ang nasa recording at nagsabing “I’m Sorry” sa sambayanan.

Bukod pa sa pandaraya ay nasangkot pa siya sa plunder sa paggamit ng P366 milyon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Hindi siya nahusgahang guilty sa dalawang kasong ito, at sinisisi ito ni Duterte sa administrasyon ni Noynoy Aquino na nagsampa umano ng mahinang kaso. Anim na taon pa namang publicity stunt ni Aquino ang pagpapanagot at paninisi kay Arroyo. Siya’y nakapagbigay ng pyansa sa pandaraya sa eleksyon at siya’y idinismiss ng Korte Suprema ang kanyang kasong plunder. At dahil nahalal siya sa pangalawang pagkakataon bilang congresswoman ng Pampangan habang dinidinig sa kanyang kaso, sa kanyang pagkalaya ay balik sa pulitika si Arroyo, naka-heels, naka-style ang buhok, full make up at gaya ng dati ay nagpapabongga ng mga outfit. Itinalaga pa siyang bagong deputy speaker ng House of Representatives sa ilalim ng administrasyong Duterte, kilalang alyado ni Arroyo.

Lubos pang marami ang kasalanan ni Arroyo sa sambayanan. Nariyan ang kanyang human rights record na 1,206  extra judicial killings, 2,000 iligal na pag-aaresto, 206 desaparecidos. Tinuring ang kanyang madugong pamumuno noon na isang hindi deklaradong Batas Militar sa lala ng mga paglabag sa karapatang pantao na pumapantay o hinihigitan pa ang diktadurya ni Marcos.

Bagamat malawak ang panloloko at naging madugo ang kontra-insurhensyang program ng dating Pangulong GMA sa sambayanang Pilipino, siya ay agarang nakabalik sa kapangyarihang pampulitika nitong 2016. Ang isyu ng pandaraya ni GMA ay hindi mauupos hangga’t hindi siya nahahatulan ng bayan sa kanyang pagtataksil

5. Terorismo ng Abu Sayyaf

abu-sayyaf-062816-news-abscbn
Grupong Abu Sayyaf na nakabase sa bahaging Timog ng Pilipinas. (Litrato mula news.abs-cbn.com)

 

Nayanig ang sambayanan nang nagkaroon ng pagsabog sa Davao City night market noong Setyembre 2, 2016. Nagtamo ng 17 patay at 71 sugatan ang pagsabog sa tahanang lungsod ni Pangulong Duterte at pangatlo na pinakamatao sa bansa nitong Setyembre 3, 2016. Ang pangyayaring ito ay hindi aksidente. Inako ng Abu Sayyaf ang pagsabog nito. Pagkatapos ng pagbobomba ay nagdeklara ng “state of lawless violence” si Duterte. Nangangahulugan ito ng pagdagdag ng mga pwersa pulis at sundalo sa buong bansa upang labanan terorismo.

Hindi pa rin natatapos ang patuloy na pagdukot ng grupo. Ang mga Canadian katulad nina John Ridsdel at Robert Hall ay pinugutan habang kinukunan ng kamera ang pangyayari. Sa halos dalawampu’t limang taon ng kanilang operasyon ay hindi pa rin natatapos ang paglaganap ng lagim ng armadong grupong nakabase sa iilang parte ng Mindanao, na sinasabing nakikipag-alyado sa teroristang grupong ISIS, na sinasabi ring suportado sa pondo at rekurso ng US.

Sa napakaraming Balikatan training exercises at suporta umano ng US na binibigay sa Armed Forces of the Philippines, hindi pa rin nasusugpo ang terorismo ng Abu Sayyaf.

6. Pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant

bataan_nuclear_powerplant-wikipedia
Gusali ng Bataan Nuclear Power Plant sa Morong, Bataan. (Litrato mula Wikimedia Commons)

 

Mahigit 40 taon nang nakahimbing ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na isa sa pinakamalaking proyekto noong Martial Law. Gamit ang kaban ng sambayanan, tuloy-tuloy na binayaran ang konstruksyon ng power plant hanggang sa makumpleto ito makalipas ang 10 taon. At kahit hindi pa natatamasa ng mamamayan ang enerhiya mula sa BNPP, gumagasta pa rin ang gobyerno ng P50 milyon para sa taunang maintenance funds.

Base sa National Power Corporation (NAPOCOR), minandato sa batas na pangangalagaan at pananatilihing gumagana pa rin ang BNPP. Pinangangalagaan ang power plant para magamit ito kung sakaling kakailanganin ang enerhiya sa hinaharap. Sa bagong administrasyon ni Pangulong Duterte, muling binukas ang usapin na gamitin ang BNPP para makalikha ng mas murang enerhiya kaysa sa coal.

Ngunit tinutulan ito ng ilan dahil sa mga problemang maaaring idulot ng pagbubukas nito: malapit ito sa aktibong bulkan at faultline na maaaring magkontamina ng kapaligiran at komunidad sa pagkakataong lumigwak ang nuclear waste nito.

Hindi titigilan ng mamamayan ang usaping ito lalo na’t kukuha ulit ng P1 bilyon mula sa buwis ng mamamayan para buhayin ito ulit. Patuloy pa rin namang ipinapanawagan ng mga siyentista ng bayan ang pag-aaral sa paggamit ‘clean and indigenous energy resources’ na mayaman ang bansa, na matatamasa ng publiko, hindi lang para gawing negosyo.

7. Pagkakait ng coco levy fund sa mga magsasaka

img_1224_edited-1024x753
Nagmartsa ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon sa Mendiola upang dalhin ang kanilang kahingian ng kanilang sektor sa inaugural ni Pangulong Duterte. (Litrato mula Kilusang Magbubukid ng Pilipinas)

 

Binuwisan ang mga magsasaka ng niyog noong Batas Militar para gamitin ito sa pagpapaunlad ng kanilang industriya. Mula sa buwis na P0.55 kada kilo ng copra, naging P100 nang nagtagal. Ang magsasaka naman ay patuloy pa ring pinagkaitan nitong ‘coco levy fund’.

Sa pagpalit ng administrasyong Duterte nitong Hunyo, agarang binigyang mandato ang pag-aksyon tungkol sa multi-bilyong na proyektong ito ngunit muli namang natali ang Department of Agriculture (DA) sa temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Korte Suprema sa panahon pa ng administrasyong Aquino. Liban pa riyan ay ibinaliktad din ng Korte Suprema ang ruling nito noong 2000 na ipamahagi ang 25.45 million shares of stock ng San Miguel Corporation (SMC) na hindi umano’y parte ng coco levy fund.

Dekada na ang nakalipas ngunit hindi pa rin nakukuha sa mga magsasaka ng niyog ang pera na inilaan naman para sa pagpapalago ang kanilang kabuhayan sa pagtatanim ng niyog. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang paglaban ng magsasaka sa coco levy fund at hindi ito makikitil hangga’t hindi pa maibabalik ang karapat dapat para sa mga magniyoniyog.

8. Kabayanihan ng pamilyang Aquino sa pagpapabagsak sa pamilyang Marcos at ng Batas Militar

republic-of-the-philippine-president-benigno-aquino-poc
Nagtalumpati ang dating Pangulong Noynoy Aquino sa ika-30 na aniberaryo ng People Power. (Litrato mula poc.net)

 

Sa taunang paggunita ng komemorasyon ng People Power, tila ang pamilyang Aquino ang hinihirang na bayani na nagbunsod sa pagpapabagsak sa pamilyang Marcos. Sa monumento pa lamang ay hindi maiaakila ang pag-highlight o pagtatangi kay Ninoy Aquino sa kolektibong pagkilos na parang siya lamang ang lumaban noong panahon ng Martial Law.

Nitong ika-30 na anibersaryo ng People Power sa harap ng monumento nito, nanguna ang dating pangulong Noynoy Aquino, anak ni Cory at Ninoy, sa pagbigay ng kanyang talumpati para sa pagdiriwang. Dito ay binira niya ang pagtakbo ni Bongbong Marcos, anak ng diktador, sa pagkabise-presidente. Pagkatapos ng programa ay pinaulanan ng dilaw na confetti na kulay na nirerepresenta sa pamilya Aquino. Ipinapakita ulit na naging tagumpay ay pagpasok ni Cory Aquino para makamit ang sinasabing ‘demokrasya’. Hanggang ang usaping ito ay nakatuon na lamang sa away ng dalawang pamilya. Dalawang pamilya na sa katunayan ay mas malapit ang katangian sa isa’t isa at malayo sa katayuan ng mayorya ng Pilipino — dalawang pamilya ng mga tradisyunal na pulitiko, dinastiyang pulitikal, panginoong maylupa at malalaking burges kumprador.

Hindi kailanman dapat ikaila ang malaking ambag ng kilusang masa sa buong bansa sa pagpapabagsaka ng dikatdurya ni Marcos. Hindi iilang tao, prominenteng mga tao o pamilya ang makakalikha nito, kundi ang masa ng sambayanan. Kung itatanggi pa rin ang katotohanang ito, nariyan naman ang EDSA 2 bilang muling patunay.

Kung may buti mang naidulot ng pagkakaungkat ng usapin, pagdating naman ng eleksyon ay natanto ng mamamayan na walang pagbabagong natamasa ang mamamayan sa pamumuno ni Cory Aquino pagkatapos ng diktadurya. Kailanga lamang alalahanin ang Mendiola massacre, na nangyari sa paanan ng Malacañang kung saan nasa loob si Cory, wala pang isang taon sa pamumuno, at pangakong magkakaroon ng reporma sa lupa. Ang ganitong sentimyento ay buhat na rin ng pagkasiphayo sa pamumuno ni Noynoy na nangakong “kayo ang boss ko” at “kung walang korap, walang mahirap”.

Naging “kiss of death” ang pag-endorso ni Noynoy ng mga kandidato at ng Liberal Party nila at naging daan para tumingin ang taumbayan kay Duterte bilang simbolo na naman umano ng pagbabago.

Magpapaulit-ulit ang pagkahumaling ng sambayanan sa mga pulitiko at idolo hangga’t nakakalimutan o hindi nila kikilalanin ang kapangyarihan ng kanilang sama-samang pagkilos at kakayahang likhain ang lahat ng kasaysayan sa mundo.

9. Pagmumulto ng mga pinakamalalang human rights violator sa hanay ng militar

salute-of-former-and-new-afp-chief-retired-analyst
Paghirang kay General Eduardo Año bilang bagong AFP Chief sa ilalim ng administrasyong Duterte. (Litrato mula Retired Analyst)

 

Nitong Disyembre 7, itinalaga si Lieutenant General Eduardo Año bilang bagong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Si Año ay kilalang intelligence officer lalo na sa panahon ng madugong konta-insurhensyang programa ng dating presidenteng si Glora Macapagal-Arroyo.

Sa pagkapromote ni Año ay bumalik sa alaala ng mga kaanak at kaibigan ng biktima ang pagdanak ng dugo sa panahon niya bilang intelligence officer lalo na sa panahon ng kontra insurhensyang programa ng dating presidenteng si Gloria Macapagal-Arroyo.

Isa na rito ang muling pagkalat ng litrato ni Jonas Burgos na 9 taon nang desaparecido. Siya rin ang kinikilalang salarin sa masaker ng 3 katutubo sa Paquibato, Davao City at pwersahang paglikas ng mga katutubo sa Mindanao.

Patuloy na mababagabag ang mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng karahasan ng AFP hangga’t hindi naipapanagot ang katulad ni Lieutenant General Eduardo Año at patuloy pa rin ang pagpromote sa mga berdugong militar.

10. Dominasyon ng US sa Pilipinas

duterte-bud-bajo-massacre-update-ph
Ipinakita ni Pangulong Duterte ang mga litrato ng mga minasaker ng mga Amerikanong sundalo sa Bud Dajo (Litrato mula update.ph)

 

Ang Pilipinas ang pinakamalaking alyado ng Amerika sa Timog Silangang Asya kaya’t hindi maikakaila ang kahalagan ng bansa sa “Pivot to Asia” ng United States (o US). Pinakamalalim at pinakamalawak marahil ang impluwensya at kapit ng US sa sistemang militar sa Pilipinas.

Matagal nang debate at usapin ang panghihimasok ng US sa gawaing militar ng Pilipinas. Noong 1951, nilagdaan ang Mutual Defense Treaty na nagpapanatili ng ugnayang militar ng US bagamat hindi na ito kolonya ang Pilipinas. Mas lalo pa itong ipinagtibay ng mga sumunod pang mga kasunduan gaya ng 1998 Visiting Forces Agreement (VFA) at ng 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Sa pagbisita ni Pangulong Duterte sa Tsina, inanunsyo niya ang pagtigil ng Philippine-US joint military exercises. Ipinahayag din niya ang kagustuhang baguhin o ibasura ang 65 mga kasunduang pangmilitar dahil nakikita itongdehadong kasunduan para sa bansa. Siningil ni Duterte ang US sa mga kasalanan nito sa Pilipinas mula pa noong Digmaang Pilipino-Amerikano, bunsod ng pagpuna ng US sa paparaming bilang ng napapatay kaugnay ng gera laban sa droga ni Duterte.

Sa pag-aakala ng mamamayang matatapos na ang kasunduang militar sa US, binawi naman ng pangulo ang kanyang mga proklamasyon nang muli niyang aprubahan ang pagpapatuloy ng mahigit 100 militar drills at implementasyon ng EDCA. Hindi pa rin nawawakasan ang higit daantaong pang-aalipin ng US sa Pilipinas, kung kaya’t babalik at babalik ito sa naratibo ng bayan hangga’t tuluyan nang mawakasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here