Change is coming,” iyan ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang kampanya sa pagkapangulo hanggang sa kanyang panunungkulan. Ngunit marami pa rin sa mga ‘di mamatay-matay na isyu ang patuloy na nagpapahirap sa mga Pilipino at inaabangan ang aksyon na gagawin ng pangulo.

Narito ang 10 isyu na hinihintay ng mamamayan ang pagbabago. Ang listahan na ito ay hindi naka-ranggo.

1Kontraktuwalisasyon

Sumama ang anak ng manggagawa sa martsa para wakasan ang ‘endo’. (Manila Today/Joolia Demigillo)

Pinakamahalagang ipinangako ng Pangulo sa usaping ito ang mismong pagwawakas ng kontraktuwalisasyon sa loob ng isang taon. Sinabi ng administrasyon na magiging regular na ang kalahati sa kasalukuyang mga kontraktwal na manggagawa sa pagtatapos ng taong ito, tapos wala nang kontraktwal pagdating ng 2017.

Nagpanukala naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng ‘win-win’ solution, na tila mapapawi lang ang pagiging kontraktwal sa pangalan. Laman ng sinasabing ‘win-win’ solution na bigyan ng mga benepisyo na mayroon ang mga regular na manggagawa gaya ng leave credits, 13th month pay, SSS, Philhealth, at iba pa. Kasama rin dito na maaaring maililipat ang mga manggagawa batay sa pangangailangan. Hindi na rin daw gagamitin ang agency, pero papayagan ang mga kumpanya na kumuha ng mga manggagawa o mag-outsource ng seasonal kung ganoon ang panangailangan. Ang mga mawawalan ng trabaho ay kailangan hanapan ng trabaho sa loob ng tatlong buwan o kung umayaw na maghintay ang manggagawa ay bibigyan siya ng separation pay at wala nang obligasyon sa kanya ang kumpanya. Magkakaroon daw ng mga mahigpit na patakaran sa mga kumpanya gaya ng hindi pagpayag na magkaroon ng subcontractor ang mga contractor sa construction, pagkakaroon ng sapat na kapital ng mga kumpanya na kayang pasahurin at bigyan ng mga benepisyo ang mga manggagawa nito. Nakabalangkas na ang panukalang ito bilang Department Order (DO) 30, na sinasabi nila DOLE Secretary Silvestre Bello III na papalit sa DO 18-A na nagliligalisa sa kontraktuwalisasyon at lumampas sa mga probisyon ng mga batas sa paggawa sa bansa.

Tinawag itong ‘lose-lose solution’ ng mga grupo ng manggagawa, kabilang ang Kilusang Mayo Uno, Trade Union Congress of the Philippines, Nagkaisa, Partido Manggagawa, at iba pa. Panawagan ng mga manggagawa pigilan ang DO 30 at sa halip ay totohanin ng gobyerno na wakasan ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon.

2Trapik sa Metro Manila

Imahe mula sa sulit.ph

Bata, kabataan, matanda, guro, estudyante, doktor, call center agent, kung ikaw ay taga-Metro Manila, apektado ka sa malalang pagsisikip ng trapik sa Metro Manila. Mayroong mahigit 520,000 na sasakyan ang bumabyahe sa EDSA sa parehong direksyon araw-araw. Oras at milyong pera ang nasasayang araw araw sa paghihintay na makarating sa kani-kanilang mga destinasyon ang mga mamamayang naiipit sa trapik. Bukod rito maraming mga kaguluhan tulad ng mga pag-aaway at aksidente ang dulot ng ng trapik. Lalong malala ang trapik sa pagdaan nitong panahon ng Kapaskuhan.

Para namang na-déjà vu ang mga mamamayan sa binitiwang pahayag ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na isa lamang itong ‘state of mind’ ng mga Pilipino.

Nakabinbin halos mula sa pagbubukas muli ng Kongreso ang hinihinging emergency powers para sa pangulo para tugunan ang trapik. Bahagi ng mga panukala na paggagamitan ng emergency power ang mga proyekto sa kalsada, tren at transportasyong panghimpapawid. Sa kalsada, nariyan ang plano sa metro bus raid transit line at mga integrated terminal. Sa tren, planong i-extend ang LRT-1 sa Cavite, ang LRT-2 sa Pier 4 at Masinag, at ang PNR sa Pampanga at Laguna gayundin ang pagtatayo ng 5 pang linya ng tren. Sa pamamahala naman, nais na ireorganisa ng pangulo ang Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Dumarami pa rin ang mga sasakyan at taong dumadagsa sa Kamaynilaan. Sapat na nga kaya ang mga proyektong ito para tugunan ang masahol na karanasan sa trapik sa araw-araw? Made-decongest ba ang trapik sa Metro Manila kung nananatiling narito lang konsentrado ang “kaunlaran” at sa iilang urban area sa bansa?

3Mass Transport System

Imahe mula empowered-pinoy.com

Matatandaang binanggit ni Pangulong Duterte na isa ang mass transport system mga prayoridad na proyekto ng kanyang administrasyon. Tila nakatali pa sa emergency power sa trapik ang pagtugon sa inaasam na mass transport system sa bansa.

Habang wala pa ito, ilan sa mga naunang solusyon ng Department of Transportation ang Communication na point-to-point bus at express connect. Nariyan din ang bus rapid transit project at modernisasyon ng mga jeep. Ngunit wala pa ring nagagawa sa pagpapabuti ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 na tinatangkilik ng mahigit 1.3 milyong pasahero kada araw. Dagdag pa sa pangit na serbisyo ng tren ay patuloy na lumalalang pagsikip ng trapik sa bansa, kaya naman hindi maiwan-iwan ng mga pasahero ng tren sa kabila ng bulok nitong sistema. Lalo sa pagdating nitong panahon ng Kapaskuhan, lumala ang trapik, lumala ang surge ng Uber at Grab habang hindi sapat at regular ang mga byahe pa-probinsya, na nagdulot din ng pasakit sa libu-libong naghintay sa istasyon ng mga bus, na-stranded at hindi nakauwi sa oras para makapagbakasyon o makapag-Pasko kasama ang mga pamilya.

Malaking bagay para sa mga mamamayang Pilipino na araw araw bumabyahe gamit ang pampublikong sasakyan kung magkakaroon ng mas maayos na sistema sa mass transport. Tutunguhin nga ba ng administrasyon ang paglulunsad ng episyenteng mass transport system? Papatakbuhin na ba ng gobyerno ang sistema ng transportasyon sa bansa sa halip na ipagpatuloy ang mga hindi pantay na kontrata sa mga private maintenance contractors nito na malubha ang kalidad ang serbisyo?

4De-kalidad at makamasang edukasyon

Sa simula ng klase ay walang silya at silid-aralan ang mga Grade 7 na mag-aaral ng Tondo High School. | Litrato ni Joolia Demigillo

Unang taon ito ng pagpapatupad ng Senior High School (SHS) sa programang K to 12 na ipinatupad mula pa sa nakaraang administrasyong Aquino. Tinatayang 400,000 ang hindi nakapag-aral at aabot sa 200,000-400,000 muli ang hindi makaka-enrol sa Hunyo 2017, kung saan mapupunuan na pareho ang Grade 11 at 12 ng SHS.

Nagpapatuloy pa rin ang mga neoliberal na polisiya sa edukasyon na naglalayong lumikha ng laksa-laksang semi-skilled labor para sa mga lokal at internasyunal na kumpanya at nagreresulta sa pagbabansot sa kinabukasan ng bansa at ng mga kabataan. Bukod sa programang K to 12, nariyan ang academic calendar shift ng mga unibersidad, ang napipintong GE reform sa University of the Philippines at higit sa lahat, ang patuloy na pagsusulong ng libreng edukasyon.

Sa kabila ng napakaraming problemang ito, patuloy pa rin ang hanay ng mga estudyante sa paggigiit ng kanilang karapatan sa abot-kaya at de-kalidad na edukasyon. Sa pagtatapos ng buwan ng Disyembre, isang magandang balita ang bumungad sa mga estudyante nang maaprubahan ang P8 billion na pondo sa mga state universities and colleges na nakalaan para sa libreng matrikula ng mga mag-aaral.  Naging maugong ang usap usapan tungkol sa libreng edukasyon para sa lahat ng mag-aaral sa kolehiyo sa susunod na pang-akademikong taon. Ngunit nilinaw na ito ay para sa mahihirap na mag-aaral. Ang pondong nakalaan ay para rin lamang sa iisang taon ng pag-aaral at hindi pa nakatitiyak sa mga susunod na taon o sa mga susunod na administrasyon. Para sa mga grupo ng kabataan na matagal nang nakikipaglaban para sa mas mataas na subsidyo sa edukasyon, isang indikasyon ito na posible at kaya talagang laanan ng gobyerno ang libreng edukasyon.

5Pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal

Naging malaking usapin ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal sa loob ng anim na buwan sa pwesto si Duterte, lalo na sa pagtatapos ng taon kung makailang ulit na nangako si Duterte at mga opisyal ng administrasyon na palalayain ang mga bilanggong pulitikal bago sa Human Rights Day, bago mag-Pasko, bago matapos ang taon, at iba pa. Bago sana ang pangakong ito ng gobyerno, ngunit gaya ng maraming pagkakataong pagbibigay-hustisya sa mamamayan ay napako ito.

Napagkasundaan ng gobyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal bilang confidence building measures sa pagsisimula ng usapan, lalo pa’t ang pag-aresto at pagkapiit sa mga ito ay paglabag sa mga nalagdaang kasunduan sa peace talks gaya ng Comprehensive Agreement for the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Isa sa mga pangunahing agenda sa panunungkulan ni Pangulong Duterte ang pagkakamit ng kapayapaan sa bansa.

Unang napalaya ang 19 NDFP peace consultants para makalahok sa unang round ng peace talks noong Agosto sa Oslo, Norway. Matapos noon, nabinbin na ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na nilaman pa ng nilagdaang mga statement at communique matapos ang una at pangalawang round ng peace talks at nang ilang beses na pakikipag-usap ng mga kinatawan ng NDFP kay Duterte at pagsasabi ni Duterte na mapapalaya ang mga bilanggong pulitikal.

Bago mag-Pasko, namatay sa kumplikasyon sa mga sakit at atake sa puso ang bilanggong pulitikal na si Bernabe Ocasla, samantalang ilan pa ang napabalitang isinugod sa ospital.

Kasalukuyang may 400 na bilanggong pulitikal kung saan 130 ang may sakit, 103 ang nakakulong ng mahigit sampung taon, 37 ang matatanda at 33 ang kababaihan. Nasa 15 ang inaresto sa ilalim ng panunugkulan ng bagong pangulo.

6Tunay na reporma sa lupa

Pamamahagi ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasakang benepisyaryo sa Cagayan Vallley noong Disyembre 20, 2016. Litrato mula sa DAR

Isang positibong pag-usad sa usapin ng tunay na reporma sa lupa sa bansa ang pagkakatalaga kay Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang Kalihim ng Kagawaran ng Repormang Argraryo. Pinuri si Ka Paeng, gayundin ang kanyang boss sa sangay ng ehekutibo si Duterte, sa pagbubukas ng opisina sa mga magsasaka. Gayundin, nagpatupad siya ng moratorium sa tambyolo land reform sa Hacienda Luisita at nagpamahagi ng lupa sa Camarines Norte, Cebu, at Cagayan Valley.

Hinaharap naman ni Ka Paeng at ng mga magsasaka ang nagpapatuloy na karahasan at paggigiit mga panginoong maylupa, mga goons at iba pang napapatakbo ng impluwens gaya sa pagsunog sa piket ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita at sa pamamaril sa mga magsasaka ng Lapanday.

Patuloy na nararanasan ng mga magsasaka ang kagutuman. Sa isang bayang agrikultural kung saan 75% ng populasyon ng bansa ay magsasaka at kung saan konsentrado sa 1% ang 52% ng lupa, nananatiling isa sa pinakamalaking hamon ang reporma sa lupa.

7Biktima ng Bagyong Yolanda

Tatlong taon na ang nakakalipas simula ng hagupitin ang bansa ng pinamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan. Mahigit anim na libo ang namatay at nasa milyon ang ari-ariang nawala paglipas ng bagyong Yolanda. Dagdag pa rito ang trauma at hirap na dinaranas ng mga naiwang biktima.

Sa kabila nito, tila mailap ang naging suporta ng administrasyong Aquino sa mga biktima. Maraming naging mga anomalya pagdating sa tulong na ipinaabot ng mga Pilipino mula sa ibang panig ng bansa maging ang mga tulong mula sa mga dayuhan. Mula pa lamang sa paunang relief good hanggang sa mga proyektong pabahay ay hindi lubusang napapakinabangan ng mga biktima.

Pagdating ng administrasyong Durterte, ayon sa Commission on Audit report noong Oktubre, nasa mahigit 30 porsyento pa lamang ang nasisimulan sa programa ng rehabilitasyon, mahigit 30 porsyento rin ang malapit ng simulan at ang natitira ay wala pang usad. Sa pagpasok ng ikaapat na taon matapos ang bagyong Yolanda, inaasahan ang mas mabilis at komprehensibong pagtugon sa rehabilitasyong kinakailangan ng mga biktima.

8Freedom of Information Bill

Mula pa 2010 hinihintay ang pagkakaroon ng batas sa kalayaan sa impormasyon. Bahagi kasi ito ng mga ipinangako ni Noynoy Aquino sa pagtakbo sa pagkapangulo. Pero nang unang umupo si Aquino, hindi man lang nabanggit ang Freedom of Information (FOI) bill sa priority bills sa kahit anong State of the Nation Address ng dating pangulo. Hanggang sa huli ay ipinasa na niya lamang sa Kongreso ang responsibilidad. Sinabi pa ng pangulo na matapat naman ang kanyang administrasyon kaya’t hindi nakikita ang pangangailangan ng FOI.

Samantala, nang umupo si Pangulong Duterte ay pinirmahan noong Hulyo ang isang executive order sa FOI. Saklaw nito ang ehekutibong sangay at bukas ang lahat ng dokumentong ninanais ng mga mamamayan na makita maliban lamang sa mga itatakda ng Department of Justice. Inaasahan na mas mapalawig pa ang sakop FOI kung ito ay maisasabatas ng Kongreso upang masusugan ang karapatan ng mamamayan sa kalayaan sa impormasyon ayon sa Konstitusyon.

9Pagresolba sa problema sa droga

Ipinakita ni Pangulong Duterte ang listahan ng government at police officials na umano’y sangkot sa iligal na pagtutulak ng droga. (Presidential Photo/ King Rodriguez)

“My God, I hate drugs.”

Wala ring nakalimot sa pagsambit ni Duterte nito. At ang pagsugpo sa droga rin ang isa sa naging prayoridad niya, lalo pa’t nagbitaw siya ng salita na matatapos ang problema sa droga sa loob ng unang tatlo hanggang anim na buwan ng kanyang panunungkulan.

Pero na-extend na ang deadline ni Duterte sa pagsugpo sa problema sa droga. At sa halip na inaasahang lahatang-panig na pagresolba sa problemang ito, ang tumambad sa mamamayan ay libu-libong bangkay ng mga diumano’y sangkot sa droga o mga nanlaban mula sa pagkaaresto.

Ayon sa ulat ng pulisya, 5,882 na pinatay mula sa pagkakaupo ni Pangulong Duterte noong Hunyo 30. Nasa 2,041 ang suspek ng ipinagbabawal na gamot ang napatay mula sa police operations, samantalang 3,841 ang bilang ng napatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek, mga riding-in-tandem o mga tinuturing na vigilante.

Nakakahindik isiping magpapatuloy ang patayan sa loob ng buong panunungkulan ni Duterte, lalo’t hindi pa rin hinahayag sa mamamayan ang lahatang-panig o pangmatagalang solusyon na pagresolba sa usapin ng droga: ang pagresolba sa malalang kahirapan at kawalang-kaunlaran sa bansa. Kasama naman sa mga pinapunukala sa pangulo na short-term na mga solusyon ang rehabilitasyon, edukasyon at programang pangkabuhayan para sa mga nalulon sa droga. Dapat ding panagutin ang mga malaking pusher at protektor ng droga, isang bagay din na hindi pa nagagawa sa ngayon samantalang libu-libong maliliit na pusher o user ang hindi man lang nililitis, pero agad na napapatay.

10Pagresolba sa kahirapan

Si Nanay Lolita ‘Lita’ Delfin ay dating mangingisda ng Laguna de Bay ngunit nang humina ang kanyang katawan, siya ay humuhuli na lamang ng tulya para mabuhay. (Manila Today/Demie Dangla)

Isa sa mga isinusulong ni Pangulong Duterte mula sa kanyang 10-point economic agenda ay ang mabisang pagsugpo sa kahirapan ng bansa, ngunit tila hindi pa rin nararamdaman ng mga mamamayan ang mga bunga ng nasabing plano.

Nanatiling mahigit 70 porsyento ng mga Pilipino ang nasa ilalim ng poverty line ngayong 2016. Batay ito sa pinakabagong pagsisiyasat ng IBON Foundation kung saan nagtanong sila sa mahigit 1,500 na residente kung itinuturing ba nilang kabilang sila sa mahihirap na hanay ng mga Pilipino. Nakikitang rason dito ay ang kasalukuyang unemployment rate o bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o kulang ang kinikita at mataas na bilang ng kontraktwalisasyon sa bansa.

Patuloy naman ang 4Ps o Pantawid Pamilya Pilipino Program sa ilalim ni Pangulong Duterte. Ayon sa bagong pamunuan ng Department of Social Work and Development (DSWD), pang-ampat lamang ang 4Ps at hindi solusyon sa kahirapan. Sa direksyon ng bagong kalihim ng DSWD na si Prof. Judy Taguiwalo, dinagdagan ng 18 kilong bigas ang 4Ps at patuloy na ina-audit ang listahan ng mga nakakatanggap ng 4Ps at ang paraan sa pagtiyak ng pag-aabot ng perang tulong sa mga benepisyaryo.

Inaasahang pagdating ng 2017 ay maging mas maagap ang pamahalaan sa patuloy na pagsugpo ng kahirapan sa bansa lalong lalo na sa pagpapatupad ng mga polisiyang tunay na naglilingkod at pinakikinabangan ng mga mamamayan. Bahagi ng mga hinahapag sa peace talks ng gobyerno sa NDFP ang mga repormang panlipunan at pang-ekonomya, kasama na ang pagresolba ng kahirapan at kawalan ng nakabubuhay na trabaho sa pamamagitan ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Patuloy na umaasa ang mamamayang Pilipino na magkakaroon ng tunay na pagbabago sa bansa. Pero tiyak na hindi naman tayo aasa na lang at maghihintay, patuloy na itutulak ng mamamayan ang mga makabuluhang pagbabago para sa bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here