“Nakakalungkot at nakakagalit dahil may mga pwersa mga pwersa si President Duterte at ng Estados Unidos na wala pang dalawang oras ay sinasabi nang teroristang atake na ang nangyari sa Resorts World. Ito ay kahit pauli-ulit nang sinabi ng pulisya na ito ay hindi klase ng terorismo,” pahayag ni Crisitina Palabay, Pangkalahatang Kalihim ng Karapatan sa isang pagkilos laban sa Martial Law na tinaguriang Black Friday Protest nooong Hunyo 2 sa Quezon City.

Nagpahayag din ng pakikiramay si Palabay sa pamilya ng mga biktima ng insidente sa Resorts World Manila.

Bandang alas dose ng madaling araw noong Hunyo 2 nang binulabog ng isang hindi pa pinapangalanang lalaki nang pumasok ito sa Resorts World Manila sa Pasay na may dalang baril at magsunog ng mga lamesa sa casino area. Tinatayang aabot na sa 36 ang natagpuang patay sa iba’t ibang bahagi ng hotel dahil sa suffocation na sanhi ng panununog ayon sa inisyal na ulat. Pagkatapos ng insidente ay sinunog umano ng suspek ang kanyang sarili. Sa inisyal na ulat ng Philippine National Police (PNP), nagtangka umanong magnakaw ng casino chips ang suspek at tinitingnan ang anggulo na maaaring may problema ito sa pag-iisip.

Hindi pa man nakakapaglabas ng inisyal na ulat ang pulisya, mabilis nang inihayag ng isang website ng SITE Intelligence Group na nakabase sa Estados Unidos na ang insidente ay kagagawan ng grupong may kaugnayan sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).

“An Islamic State (IS) Filipino operative who provides daily updates on the ongoing clashes in Marawi stated that the group is responsible for the attack at Resorts World Manila in Pasay, Philippines,” ayon sa inihayag ng SITE sa kanyang website.

Sa isang pahayag naman ni Pangulong Donald Trump sa isang press conference sa White House sa Estados Unidos ilang oras pagkatapos ang insidente, binanggit naman nito na isang teroristang atake ang nangyari sa Resorts World Manila.

“Naghahasik ng takot, tinatakot ang ating mamamayan para bigyang daan ang masasamang plano ng Estados Unidos dito sa ating bansa,” dagdag pa ni Palabay.

Ayon pa kay Raymond Palatino, Tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Metro Manila, hindi nakakatulong ang misimpormasyon hinggil sa insidente at mga pahayag ng pamahalaan hinggil sa sitwasyon ng bayan.

“Sa sitwasyon natin ngayon na may imminent threat ng deklarasyon ng Martial Law sa Visayas at Luzon, any event, isang krisis, isang encounter, isang armed conflict, isang gunman na may nilikhang disturbance, ay pwedeng iugnay kaagad sa ISIS,” sabi ni Palatino.

Pahayag pa ni Palabay, ang nangyayari sa Mindanao ay may malaking interes umano ang Estados Unidos sa pananatili ng kaguluhan, ng pandarambong at pang-aapi lalo na sa mga Moro.

“Sino ba ang nagpo-promote ng diskriminasyon laban sa ating mga kababayang Moro? Napakatagal nang pinangungunahan ng Estados Unidos ang tinatawag na islamophobia dahil lamang mga muslim o may ibang paniniwala ang ating mga kapatid na Moro,” dagdag pa ni Palabay.

Nanawagan naman ng pagkakaisa ang mga grupong lumahok sa protesta.

“Higit kalianman, ang pagkakaisa ay kailangan gamitin hindi sa pagpakalat ng pananakot kundi ang pagkakaisa para ipaglaban ang ating karapatan lalo na ngayong mga panahon na ito ay nalalagay sa bingit o sa alanganin ng tuloy-tuloy ng pagyurak, hindi lang sa karapatang sibil o political, kundi ang karapatang mabuhay, magkaroon ng maaliwalas na buhay at mas maunlad na kabuhayan para sa ating mga pamilya,” sabi ni Palabay

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY