Ito ang pangunahing mensahe ng mga progresibong grupo na nagdaos ng kilos protesta sa ika-119 paggunita ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.

“May kalayaan ba tayo kung pinapatay ang mga mahihirap sa ngalan ng gera sa droga? May kalayaan ba tayo kung ang ating mga komunidad ay binobomba sa Marawi, sa Compostela, sa North Cotabato at sa iba’t iba pang bahagi ng bansa? May kalayaan ba tayo kung walang pagkilala sa karapatang pantao at sa dignidad ng mamamayan?” patanong na pahayag ni Cristina Palabay, Pangkalahatang Kalihim ng Karapatan sa kanyang talumpatinoong Hunyo 12 na tinaguriang National Day of Prayer and Action for Peace and Human Rights.

Buong araw na nagtipon ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) para kondenahin ang terorismo sa Marawi, laban sa pakikialam ng US sa labanan sa Marawi at para igiit ang pagbawi ng deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

“Habang hindi lumalaya ang ating bayan mula sa kontrol ng mga dayuhan, hangga’t hindi kinikilala ang karapatan at dignidad ng mamamayan, habang ginagamit ang kamay na bakal ng martial law sa Mindanao at pinapanakot pa sa Visayas at sa Luzon, habang marami tayong kababayan na patuloy na naghihirap, hindi tayo malaya,” sabi ni Palabay.

Sa umaga ay tumugo ang grupo sa harap ng embahada ng Tsina sa Makati para iprotesta ang patuloy na pag-angkin ng Tsina sa mga sakop na teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea at banta ng gera kung igigiit ng Pilipinas ang soberanya nito. Nanawagan ang grupo ng demilitarisasyon ng West Philippine Sea, pareho ng mga barkong pandigma ng China at US. Pagkatapos ay nagmartsa naman ang grupo papunta sa embahada ng Estados Unidos para ipahayag ang pagtutol sa pakikialam ng Estados Unidos sa labanan sa Marawi.

Pagdating naman ng hapon ay nagtipon-tipon ang iba’t ibang grupo sa Bonifacio Shrine (Kartilya ng Katipunan Shrine) sa Manila para sa isang “National Day of Prayer and Action for Peace and Human Rights” at nagmartsa patungong Mendiola.

Sa binasang pahayag ng pagkakaisa sa pagtitipon sa Bonifacio Shrine ni Teddy Casiño ng BAYAN, pinahayag nito na dapat kundenahin ang pagpaslang ng libu-libo nating kababayan sa ngalan ng gera laban sa droga, pati na rin pamamaslang ng mga pinaghihinalaang rebelde, mga ordinaryong magsasaka, katutubo at mamamayang Moro sa gera kontra insurhensya.

“Ang mahihirap ang pumapasan ng lupit ng mga gerang ito. Ang mga mahihirap ang siyang pinapatay. Ang kanilang karapatan ang inaapakan. Ang kanilang mga komunidad ang binobomba at inaabuso sa tuwing may operasyon ang militar at pulis,” pahayag ni Casiño.

Dagdag pa ni Casiño sa kanyang binasang pahayag na habang nagtitiis ang mahihirap, ang mga drug lord, mga nangangamkam ng lupa, mga higanteng kumpanya ng mina at kanilang mga protektor sa pamahalaan umano ay malayang gumagawa ng kanilang mga krimen laban sa bayan.

“Kailangang harapin ang ugat ng problema, ang malawak at matinding kahirapan, kawalan ng hustisyang panlipunan, korapsyon at kawalan ng pambansang soberanya at tunay na kalayaan,” pahayag ni Casiño.

Ayon naman kay Sr. Mary John Mananzan, OSB sa kanyang talumpati sa Bonifacio Shrine, namemeligro ulit ang kalayaan ng bansa dahil sa pagdeklara ng Martial Law.

“Ngayon sa Mindanao, bukas saan? Tapos saan pa ulit?” sambit ni Sr. Mananzan.

Dagdag pa niya, ang “culture of death at violation of human rights, ito po ang peligro sa atin.”

Sa pahayag ng pagkakaisa na binasa ni Casiño, sintomas lang umano ang suliranin sa droga, kriminalidad, panlipunang pagbabalikwas at rebelyon ng mga malalalim at makasaysayang problema na hindi malulutas ng gera laban sa mahihirap o pagpataw ng batas militar.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY