“Unmask” (2010) ni Mervin Pimentel
Imahen ng baboy na nakakurbata naman ang nasa mga pintang “Oink-oink to Office” (2009) ni Don Salubayba at “On This Site Will Rise” (2012) ni Caloy Gernale. Maaalalang ang huli ay isang alusyon sa kilalang kuwento ng “Three Little Pigs.” Sa bersyon ni Gernale, ang mga de-kurbatang baboy ay nagpapahiwatig sa lumalalang epekto ng pagpapalit-gamit ng lupang ibinunsod ng pagsasabwatan ng mga lokal na burgesya-komprador, mga panginoong maylupa, at mga dayuhang mamumuhunan.

“On This Site Will Rise” ni Caloy Gernale (kaliwa),”Oink-oink to Office ni Don Salubaybay (kanan)

 

Mapapansing sa taong 2013, nadagdagan pa ang mga likhang-sining na nagpapakita “kababuyan” ng mga lokal na uring dominante sa lipunang Pilipino. Matagal nang salot na nagpapahirap sa karaniwang mamamayan ang burukrata-kapitalismo. Mas tumingkad pa ito nang lantad na maiugnay ang pangalan ng mga kilalang politiko, maging ng papet na pangulong Noynoy Aquino, sa isyu ng pagkurakot sa pork barrel. Sa ganitong yugto ng nabubulok na kairalan, nagiging mas masigasig rin ang mga artist at cultural worker sa paggampan ng kanilang gawain, lalo na sa paggamit sa kanilang sining at talento sa pagtalakay sa mga pinakamahahalagang usaping nasasapul ng ordinaryong tao.

 

Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Prop. J.M. Sison kung paanong nagiging epektibong kasangkapan ang sining sa hindi lamang sa pagtatampok ng mga napapanahong isyu, kundi sa pagsusulong ng rebolusyonaryong hangarin: “Dahil ang kultura ay repleksyon ng ekonomya at pulitika, ang panitikan at sining ang pinakamaganda’t pinakasensitibong mga anyong pang-ideolohiya sa paglalagom ng katotohanang panlipunan. Makalilikha tayo ng rebolusyonaryong panitikan at sining sa pamamagitan lamang ng maingat at masinsing pagtalima sa rebolusyonaryong paninindigan, pananaw at pamamaraan ng uri na siyang namumuno sa malawak na masa ng sambayanan sa buhay-at-kamatayang tunggalian ng kaunlaran at reaksyon.”

 

Dagdag pa ni Sison hinggil sa bisa ng sining: “Mahalaga ang inyong papel sa rebolusyonaryong pakikibaka. Ang mahabang paglilinaw ng isang sanaysay ay kayang iparating ng iisang poster lamang. Isa pa, maaaring sabay-sabay na tingnan ng maraming tao ang isang poster at sapulin ang inyong ibig sabihin. Kung gayon, lubhang makapangyarihan ang inyong sandata na kayang pumukaw ng masa. Ang inyong sining ay di lamang kasiya-siyang pagmasdan at nakakaantig ng damdamin, pinagyayaman din nito ang isipan at pinaliliksi ang katawan para sa rebolusyon.”

 

“The Good Guys” ni Caloy Gernale (kaliwa) “Eleksyon de Letse” ni Iggy Rodriguez (kanan)

 

Ang pintang may pamagat na “Eleksyon de Letse” (2013) ni Iggy Rodriguez, halimbawa, ay larawan ng limang nilalang na nakalutang sa kaulapan, nakasuot ng barong, may katawang-tao pero may ulo ng baboy. Nakapikit sila habang tila nagkokoro ng awit na hindi naman natin naririnig. Samantala, sa kanilang likuran ay pamilyar na hanay ng mga barung-barong. Ano kaya ang kanilang inaawit? At para saan o para kanino? Kung ang pamagat ang pagbabatayan, marahil ay kanilang inaawitan ang mga nililigawang botante, bagama’t kapansin-pansin ang absence ng maralita sa komposisyong ito. Sa “The Good Guys” (2013) ni Caloy Gernale, makikita rin ang nakabarong na baboy na hawak ang blueprint ng gusaling itinatayo sa likuran–pansinin ang dilaw na ribbon sa dibdib nito. Sa pintang ito, tila ipiniprisenta o di kaya’y inilalako ng baboy ang kanyang ideya sa nakakurbatang pusa–pansinin ang mga titik na “SM” na nakaimprenta sa kurbata ng pusa.

 

“‘Buti pa ang baboy, may pera” ni Manolo Sicat, ‘Ginintuang baboy,’ ipinarada sa Makati nitong Oktubre 2013
Rebulto ng baboy na may pamagat na “‘Buti pa ang baboy, may pera” (2013), yari sa fiberglass at epoxy, ang kamakailan lang ay natunghayan ng madla sa isang group exhibition sa Lungsod Quezon. Nitong Oktubre, bilang bahagi ng protesta, ipinarada sa kahabaan ng Ayala ang effigy ng ‘ginintuang baboy.’ Ang parehong likhang-sining na nabanggit ay malinaw na sumisimbolo sa bilyun-bilyong kaban ng bayan na pinakikinabangan lamang ng iilang may-sinasabi sa lipunan. Ang titulo ng gawa ni Sicat at ang kulay ng effigy ay malinaw na pagtuligsa sa burukrata-kapitalismo, bagay na matagal nang ipinangangaral ng mga aktibista, gaya ng nabanggit ni Karl Ombion sa kanyang kolum. Paliwanag niya: “The problem is not in having ravenous and crooked bureaucrats and politicians in government, but the political system in itself is ravished from tip to tip…The political system set up by the colonial powers, especially by the US, has been designed to serve foreign interests and their local cohorts, the ruling elites. The entire system has been working as instrument for facilitating the exploitation of the people, especially workers, farmers, fishers, youth, indigenous peoples and the middle class.” Pansining ang mahabang paliwanag na ito ay matagumpay na naipararating sa napakasensitibong paraan sa pamamagitan ng mga likhang-sining na tinalakay sa sanaysay na ito.

 

_______________________________________________________________________________________________________

Ang mga larawang tinipon para sa sanaysay na ito ay kinuha nang walang paalam mula sa Facebook ng mga artist. Ang larawan ng ‘ginintuang baboy’ naman ay hinugot dito. Makikita ang iba pang mga likhang-sining na nagtatampok sa imahen ng baboy sa link na ito. Kaugnay ng pamagat, pasintabi kay Roberto Añonuevo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here