Ang Walang Modo at Ang Walang Galos: Hinggil sa Collection ni Abad

ni Tilde Acuña

Kung sagrado ang Pamantasang ayaw madungisan ng anumang bakas ng “hooliganismo,” tila mas sagrado ang museo nitong nagtampok sa exhibit ng anak ng isang burukratang binato ng mga papel nang magsalita sa isang porum hinggil sa diumano’y mabuting naidulot ng DAP. Samantalang sinisikil ang mga aktibistang kritikal sa gawi ng kanyang ama, malaya namang makapagpahayag ang artist na si Pio Abad–na kahit papaano’y nakinabang sa tinatayang kurapsyon, dahil kailangan ng relatibong kaluwagang ekonomiko upang makapagluwal ng produktong kultural.

Walang direktang kinalaman ito kay Budget Secretary Florencio “Butch” Abad, at marahil, wala ring direktang kinalaman sa kuleksyon—o pandarambong—ng buwis ng kasalukuyang administrasyon, dahil nagsisimula diumano ang The Collection of Jane Ryan & William Saunders ni Pio Abad, ayon kay Patrick Flores, ng diskursong kritikal hinggil sa kakatwaan (singularity), kalabisan (surplus), at pagkakawangis (semblance).

 

mula sa vargasmuseum.wordpress.com
mula sa vargasmuseum.wordpress.com

 

Tampok sa Collection ng Vargas Museum mula Agosto 28 hanggang Setyembre 30 ang tatlong rebultong Malakas at Maganda ni nililok diumano ni Caedong klasikal na eskultor, at ang obrang The Miraculous Drought of Fishes na ipininta diumano ni Tintorretong maestro ng Renaissance. Kapwa may kinalaman sa awtentisidad ang rebultong pumapatungkol sa pinagmamalaking kadakilaan nina Ferdinand at Imelda Marcos, maging ang obrang maaaring binili gamit ang perang dinambong sa mamamayan. Pinalawig na sa tala ni Flores ang mga ito, pero higit na interesante sa kuleksyong ito ang pinatutungkulan ng pamagat ng exhibit: ang mga poskard.

 

malakas-at-maganda-pio-abad-640x380
mula sa sea.blouinartinfo.com

Libre ang mga poskard, 146 na set na may 25 kard bawat isa, at maaring kumuha ang mga bisita ng hanggang dalawang kard kada araw. Ipinahihiwatig ni Abad ang simbolikong pamamahagi ng binawi niyang yamang dinambong ng mga Marcos: bawiin ng bayan ang ninakaw sa kanila, tila pinananawagan ni Abad, at sining niya ang naging paraan upang maganap ito. Pumopostura siyang Robin Hood, gayong hindi siya kabilang, ni kaisa, ng mga uring pinagsamantalahan ng mga Marcos noon at ng mga Aquino ngayon—cronies noon, kkk (kakampi, kabarilan, kaklase) ngayon. Kinumpiska ito ni Abad at ipinamamahagi, tulad ng pagpapasubasta (auction) ni Cory Aquino ng mga obra para raw sa repormang agraryo—posturang pangungumpiska ng yaman upang pakunwaring maipamahagi ang lupa. Magkapareho ang pagpapanggap at pagpapantasya nila—tila mga salaming mapanlinlang at dapat basagin.

Makailang-ulit tinuligsa ni Abad ang pangungurakot ng despotikong diktador at mga kasabwat, na kung tutuusi’y walang ipinagkaiba sa uring pinaglilingkuran ng kanyang mga magulang, na makailang-ulit naman niyang ipinagtatanggol, dahil sa kabila raw ng mga bintang, nagsumikap siyang magbenta ng burger para maisulong ang pagiging pintor. Bagamat mainam na kilalanin ang pagpapahiwatig niya ng kagustuhang maging tulay ang kanyang sining upang magsimula ng produktibong diskurso hinggil sa pamahalaan at sa mamamayan, kabalintunaan ang ganitong pag-aasta.

Mayroong nangahas makipag-usap sa implisitong paghiling ng dayalogo (na maaring ako o kakilala ko o ikaw o kakilala mo o hindi): nakihalubilo sa mga libreng poskard ang ilang mga papel, tila tugon ng isang bisita kay Abad (tingnan ang larawan). Kasabay namin ang mga estudyanteng marahil ay highschool, nagtu-tour sa Vargas Museum. Nang mapansin ang papel na may doodle ng baboy na nagsasabing “Hi!,” kinuha nila ito. Hindi mahirap bigyang-kahulugan ang naturang doodle: baboy itong kumakaway sa kanila, kasabay ng pagsambit ng kanilang guro—”anak si Abad ng budget secretary.”

Tinanong ng estudyante ang kanyang katabi, “Ito, baka gusto mong iuwi,” at nagtanong sa guro kung bakit may ganoon. Tumugon ang nakatatanda: “Kasi some people think they’re better than others,” na maaring tumutukoy sa aktong ginawa at/o sa pamagat ng aklat ni Manapat, na siyang motif ng exhibit (tingnan ang larawan).

Napansin ng mga gwardya ang munting alingasngas, at saka sila lumapit para ibasura ang mga papel na tugon sa mga poskard ni Abad, tulad ng ginagawa sa ating demokrasyang monopolyado pa rin ng iilan. Nasa kanila na nga ang entablado ng pamamahayag, sinisikil pa nila ang mga tagatunghay. Hindi maiwasang maalala ang parlamentaryong pakikibaka, partikular ang impeachment complaint o mga panukalang batas na bibigyang-puwang lamang kung hindi lubusang makakalamat sa kasalukuyang sistema. Kung kalabisan na, ibinabasura ang mga mungkahing posibilidad at mga tangkang pakikipagdayalogong progresibo.

Sa naging tugon ng institusyon, pinatutunayang hindi ito “neutral ground” na makikinig sa lahat ng panig upang bigyang espasyo ang diskurso. Pansamantalang nakagatong sa hamong diskurso ng exhibit ang interbensyon ng mga bumabating baboy. Nagkaroon ang mga kabataang nagtu-tour ng alternatibong maaring “freebie” na maiuuwi maliban sa poskard na inaalok ni Pio Abad, na buong pagmamalaking tinukoy ng kanilang guro: “anak ng kalihim ng badyet.”

Ating balikan sina Malakas at Maganda, na sa kasalukuyang konteksto ay larawan ng mga magulang mismo ni Pio Abad—budget secretary ang amang arkitekto ng DAP at kongresista ang inang nakinabang rin sa DAP para sa umano’y “greening and beautification.” Samantala, ang mga galamay ng pugita sa pabalat ng aklat ni Manapat hinggil sa “crony capitalism” ng mga Marcos, ay metapora ng kasalukuyan—patungkol sa mga kakampi, kabarilan at kaklase ni Noynoy Aquino sa kongreso’t senado. Hindi ba’t kabilang doon ang mismong ama ng artist?

 

10464397_10152446034598002_342069185248671123_n

Ganito ba dapat pinakikinabangan ang sining—sa pagpapaganda ng pangit? Sa cover-up ng mga kurap na inilulugar lang sa nakaraan, pero nanatili naman hanggang sa kasalukuyan?

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY