“Nag-iiskul ako, ‘pag uwi ko wala na ‘yung bahay namin.”

Ito ang kwento sa akin ng pitong taong gulang na si Jhoylin. Isa sa mga musmos na naapektuhan sa demolisyon sa East Bank Manggahan Floodway sa siyudad ng Pasig.

“Kasi si Mayor po, winawasak yung bahay namin. Wala naman po kaming ginagawa. ‘Di po namin sila sinasaktan,” sambit niya.

Ang kanyang ama ay naghuhukay at nagtatanim daw ng okra at talbos sa maliit na lupain malapit sa kanilang bahay.

Gustong-gusto niya pa nga raw mag-aral dahil namimiss niya na ang kanyang mga kaklase at guro pero wala na siyang pampaaral. Maging ang mga laruan niya at ang kanyang teddy bear na si Ilong ay hindi na niya nadala. Musmos na pangungulila ng isang musmos na bata.

Sa ngayon daw ay pinaplano nilang makitira sa kanyang lola, ngunit gusto niya pa rin daw doon sa dati nilang tirahan.

Kasama ang kanyang pamilya, si Nanay Linda, Tatay Jaime at ang kanyang ate, halos dalawang linggo nang nagkakampuhan sa Mendiola.

Kampuhan daw ito ng mga giniba ang tahanan sa kabila ng pangako ng kasalukuyang administrasyon na magkakaroon na ng mga pabahay at ititigil ang mga demolisyon na walang malilipatang maayos na tirahan ang maralita.

Sa tuwing umuulan daw sa kampuhan ay nababasa ang kanyang nanay at tatay. Siya lang ang hindi nababasa dahil kinukumutan siya ng mga ito.

Nang tanungin siya kung anong masasabi niya sa kasalukuyang pangulo ito ang sinabi niya, “Dapat kay Duterte wasakin din bahay niya, kasi winasak niya rin ‘yung bahay namin. Wala naman kaming ginagawa sa inyo.”

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY