Naglunsad ng dalawang araw na tigil-pasada ang grupong PISTON mula Oktubre 16 hanggang 17. Nagsasagutan sa iba’t ibang isyu tungkol sa public utility jeep (PUV) modernization program ng gobyerno at sa inilunsad na tigil-pasada ang panig ng PISTON at sa kabilang panig, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of Transportation.

1. Anong reaksyon sa sinabi ng LTFRB na 10% lang ang apektadong commuter sa isinagawang tigil-pasada noong Oktubre 16?

GEORGE SAN MATEO (GSM): Sinusukat ng LTFRB sa na-stranded na commuters, eh kanselado na nga ang pasok sa gobyerno at mga paaralan kaya mas kaunti na ang bumiyahe. Pero kung sa mga jeepney na bumiyahe, sa 225,000 jeepneys out of total 250,000 ang tumigil kahapon sa biyahe sa buong bansa. Ang isa pang pinaka-obvious na sukatan ng tagumpay ay kinansela na naman ng Malakanyang sa pangalawang araw ang pasok sa gobyerno at sa mga pampublikong paaralan sa lahat ng antas.

2. Sinasabi ng LTFRB na PISTON lang ang sumama sa tigil-pasada, tapos ‘di sila sinamahan ng STOP na dating nakasama nito, at PISTON lang ang ayaw sa PUV modernization.

GSM: 90% paralyzation ang naabot ng welga kaya patunay na ‘di lang PISTON ang tutol sa phaseout. Totoo, maraming lumahok at nakapagparalyze pa nga ng ruta na bahagi ng No To Jeepney Phaseout Coalition labas sa Piston, halimbawa Makati 100% naparalisa, sa Rizal 95%, Pasig 90%, Commonwealth 90%. Ganun din sa mga probinsya. Kahit mga kasapi ng ACTO, FEJODAP, PASANG MASDA, ALTODAP at 1-Utak na jeepney driver at operator ay tinakwil ang mga bentador na lider nila para lumahok sa strike.

3. Sinasabi pa rin ng LTFRB na hindi tataas ang pamasahe kapag ejeep na ang gamit.

GSM: Hindi totoo na hindi tataas ang pamasahe, pumunta ka doon sa kung saan pinapatupad na iyong electronic jeep na ang bumibiyahe, iyong Aurora/Katipunan to UP o Miriam, flat rate na sinisingil nila ay P20 sa e-jeep.

4. Wala rin daw phase-out, mayroon lang PUV modernization.

GSM: ‘Yung sinasabi na jeepney bilang category nandiyan daw, pero yung mga unit phase-out. Sabi nila hindi mawawala ‘yung jeepney bilang moda, pero ‘yung unit papalitan. Eh ‘di phase-out din.

Ang patunay diyan, si Lizada, caught on record sabi niya, “Jeepney as a denomination will not be phased out, pero ‘yung unit kailangan palitan.”

5. Sabi ng LTFRB at Department of Transportation, hindi naman mawawalan ng kabuhayan ang mga jeepney driver bagkus ay tutulungan nila ang mga driver na makapasok sa programang modernisasyon ng gobyerno.

GSM: Una sa lahat, mawawalan ng hanapbuhay ang mga jeepney operator at driver kasi walang makaka-afford nung modernization. Ang isang unit ay nagkakahalagang P1.6 milyon tapos ang isang prangkisa ay kailangan ng 20 e-jeep. Sinong maliit na driver o operator ang may ganoong pera?

Pangalawa, ‘yung sinasabing tutulungang makapasok sa modernization program ay sa totoo, ibabaon sa utang na imposibleng mabayaran. ‘Yung subsidy na P80,000 na ibibigay ng gobyerno ay para makautang ka sa bangko. Magbabayad ka buwanan ng malaking hulog kada buwan na ‘di naman aabot sa ganoong halaga ang kita ng mga driver at operator.

Mahirap kasi naka-padron sa negosyo ang programang modernisasyon ng gobyerno. Gagawing negosyo ang public transportation, tapos ang mga driver ang unang pagkakakitaan o dahil alam naman nilang ‘di naman kami maka-afford ay ibubukas sa mga malalaking korporasyon. Dapat mas unahin ng gobyerno na isipin ang mga driver na mawawalan ng kabuhayan sapagkat kami unang tinamaan sa ganoong plano nila, tapos isipin din nila ang serbisyo sa mga mananakay.

6. Mayroon bang mga opisyal ng gobyerno na tugma o sumusuporta sa inyong paninindigan?

GSM: Maganda ang tugon ni Sen. Grace Poe sa transport strike, sabi niya [dahil sa strike] dapat pag-isipan ng gobyerno ang PUV modernization. Sang-ayon din kami sa kanya at tama lang iyon na dapat anuman modernization program ng gobyerno dapat diyan ‘di nag-didisplace. Saka sang-ayon kami sa sinabi ni Sen. Ralph Recto na bakit pinag-iinitan ito ng gobyerno, eh ‘yung MRT ‘di maayos-ayos.

7. Anong inyong naiisip na alternatibo sa PUV modernization?

GSM: Sa halip na i-phaseout ang mga jeepney, dapat na itaguyod ng gobyerno ang modernisasyon sa pamamagitan na nasyunalisasyon sa isang abot-kaya, ligtas at episyente na mass transport system.

Pwedeng simulan ito ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbawi ng kontrol at pangangasiwa ng MRT at LRT mula sa mga Ayala at Pangilinan at paunlarin ang operasyon na nakakatugon sa mga pangangailangan ng mga mananakay.

Kaysa bigyan ng subsidyo ang mas pabigat na importasyon ng mga bagong e-jeep, pwede nitong suportahan ang mga lokal na manupaktura sa pagbibigay subsidy sa modernization at pagbubuo ng mas environment-friendly na mga jeepney.

8. Ano ang sinisimbolo ng jeepney sa ating bayan?

GSM: ‘Yung jeep, nagmula sa pagkamalikhain ng mga Pilipino sa gitna ng kainutilan ng gobyerno na magbigay ng sapat ng serbisyong transportasyon. Ang jeepney ang end result ng kabulukan ng mass transport system. Napilitan akuin ng small manufacturers ang paglikha ng sistema ng transportasyon na tutugon sa pangangailangan ng mga mananakay dahil walang mass-oriented public transport plan noon pa ang gobyerno. Halos limang dekada nang nagsisilbi ang jeepney sa mamamayan dahil nga ‘yung gobyerno hindi nakapagbigay ng solusyon sa pangangailangan ng mga tao sa mass transport at serbisyo, tapos bigla na lang nilang naisipang tatanggalin. Nasaan ang katarungang panlipunan sa ganoon?

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY