Isang araw bago ang unang buwan ng ‘homeless camp’ sa Mendiola ng mga tinanggalan ng tahanan mula sa East Bank Manggahan Floodway, nagdiwang ng kanyang unang kaarawan si Lance kasama ang mga kapitbahay na patuloy na naggigiit sa karapatan sa paninirahan at hustisya sa sinapit na demolisyon.

Karaniwang isang importanteng panandang bato sa buhay ng bata at sa kultura ng mga Pilipino ang unang kaarawan. Sa Katagalugan at sa Kamaynilaan, mahirap man ay nagsisikap na ipagdiwang kahit sa payak na paraan ang unang kaarawan sapagkat magandang senyales umano ito ng kalusugan ng bata, kaya umabot siya sa ika-12 buwan. Bukod sa paniniwala o tradisyon, madalas na katwiran na hindi na mauulit ang unang kaarawan kung kaya’t kung kakayanin ay nais nilang gawing ‘di malilimot ang okasyon. Hindi naiiba sa ganitong paniniwala ang mga magulang ni Lance.

Kung kaya’t kahit nasa homeless camp man ay ipinagdiwang ng mga nagkampuhan ang unang kaarawan ni Lance.

bday-1127-03-copy

Hindi rin maikakaila sa mga pagkakataong gaya ng mga pagdiriwang ng kaarawan ang bukas loob na pagbibigay at pakikipagkapwa na kilalang ugali rin ng mga Pilipino—na mahilig maghanda ng pagkain o magpakain. At sa pagkakataong ito, hindi lang sa kabila ng gipit na sitwasyon, kundi sa gitna ng patuloy na pakikibaka para sa mga batayang karapatan.

Milyahe mang maituturing sa buhay ni Lance at sa pakikibaka ng mga maralitang lungsod, patuloy pa ring nakatanaw ang mga maralita sa layunin ng kanilang ‘homeless camp.’

Sumampa sa isang buwan ang ‘homeless camp’ sa Mendiola noong Nobyembre 25. Itinayo ito ng mga residente galing Pasig matapos mawasak sa demolisyon ng lokal na pamahalaan ang mga tahanan at makaranas ng sunod-sunod na panggigipit sa mga naiwang natutulog sa daan at nagbabantay ng mga naisalbang gamit. Nasa 1,000 bahay ang giniba. Higit 500 pamilya ang walang masilungan at malilipatan. Ninais ng mga nagkampuhan na tugunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kalagayan, ngunit hanggang ngayon ay walang tugon, pansin o aksyon si Duterte sa sinapit na kalagayan ng mga taga-Floodway. Hindi pa man natutugunan ay maaaring madagdagan ang mga lalo pang maghihirap dahil may mga balitang nakaamba rin ang demolisyon sa West Bank sa Manggahan Floodway, Pasig.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY