Kilusang Mayo Uno-NCR, nagdaos ng asembliya, naghalal ng opisyales

0
609

Nagsagawa ng general assembly ang mga myembro ng Kilusang Mayo Uno – Metro Manila (KMU–NCR) noong Setyembre 28, 2017 sa Iglesia Filipina Independiente National Cathedral.

Isa sa pangunahing layunin ng asembliya ay ang paghalal ng bagong pamunuan ng KMU-NCR. Nagkaroon ng pangangailangan sa pagbuo ng pamunuan pagkatapos masampahan ng mga imbentong kriminal na kaso ang mga pangunahing pinuno ng samahan.

Layunin rin ng pulong na mas pasiglahin pa at pakilusin ang mga manggagawa para sa pag-oorganisa. Sinisikap ng KMU–NCR na magkaroon ng mas maayos na kalagayan ang mga manggagawa at palakasin pa lalo ang samahan para sama-samang manawagan sa interes ng mga manggagawa.

“Ang Kilusang Mayo Uno kasi, ito ‘yong pangunahing nagsulong ng lahat ng karapatan ng mga manggagawang Pilipino para palayain […] sa kaapihang dinaranas nila,” ayon kay Ed Cubelo, ang bagong halal na tagapangulo ng KMU–NCR.

Kamakailan lang ay nagkaroon ng P21.00 na pagtaas ng minimum wage para sa mga manggagawa sa Metro Manila, ngunit kulang na kulang pa rin itong sahod para sa pang-araw-araw na gastusin. Isa lamang ito sa mga suliranin na kinakaharap ng grupo.

Maituturing na malaking tagumpay ang pagregularisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa sa Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) noong Agosto ngunit hindi pa rin natupad ang pangako ng kasalukuyang administrasyonna wakasan ang kontraktwalisasyon para sa lahat ng manggagawa.

Dahil sa ganitong kalagayan, isinusulong ng grupo ang kampanya para sa kasiguruhan sa trabaho, sapat at pantay-pantay na minimum wage sa buong bansa, regularisasyon sa trabaho, at pananatiling 8 oras lamang ang arawang paggawa.

Pangungunahan ng KMU–NCR ang laban ng mga manggagawa sa lahat ng siyudad sa Metro Manila. Maaasahan sa bagong pamunuan na sisikapin pa lalong mas paigtingin ang pagtutulungan ng mga manggagawa para sa kanilang mga kampanya.

Hindi lamang kampanya ng mga manggagawa ang sinusuportahan ng KMU-NCR kundi pati ang mga kampanya para sa interes ng mamamayang Pilipino, kabilang na dito mga isyu tulad ng pagpapatupad ng Martial Law at ang pambansang giyera laban sa droga.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here