“Pinag-uusapan nila ang mayaman na bundok, na kung saan nasa bundok na tinitirahan natin, pero hindi tayo kasama. Hindi nila inaalam kung pumapayag tayo o hindi,” ani Sonny Serrano ng Central Luzon Aeta Association.

Nagprotesta ang daan-daang Moro at katutubo kasabay ng International Conference ng Chamber of Mines of the Philippines sa Sofitel sa Pasay City, Setyembre 6 ng umaga. Tinutulan ng mga Moro at katutubo ang mga ‘mapanirang mina at pandarambong sa kalikasan na nagdudulot ng sapilitang ebakwasyon at pagpapalayas ng mga katutubo mula sa kanilang mga lupang ninuno.’

“Napakahirap po na maging katutubo. Mula sa kabundukan, itinataboy tayo gamit ang mga army, pulis ang ginagamit na mga minero hanggang security. Hanggang dito po sa Manila, ayaw nila tayong manawagan sa ating katwiran…Ano po yung ginagawa nila? Tinatambakan tayo ng pulis,” pahayag ni Serrano ukol sa pagharang ng mga pulis at pagpigil sa mga nagpoprotesta.

Nakalapit ang mga nagpo-protesta sa lobby ng tanyag na hotel Sofitel, na kilalang ginamit ng dating pangulo ng Estados Unidos na si Barrack Obama sa pagbisita sa bansa. Mayroong mga sumisilip sa mga bintana na naka-business attire, pero wala namang lumabas para humarap o kumausap sa mga nagpoprotesta.

Tinuligsa ni Serrano ang mga pagpapalagay na para sa kaunlaran ang mga ginagawang malakihang pagmimina sa buong kapuluan. Aniya, hindi nga man lang nito mabigyan ng kaunlaran ang mga naninirahan mismo sa lugar na pinagmiminahan at sila pa nga ay nawawalan ng tirahan at makakain.

“Kaunlaran ba na hanggang ngayon wala kaming makain dahil halos ma-bulldozer na ang kabundukan? Wala na kaming pangasuhan, wala na mga sagrado naming lugar at Hindi na kami makahanap ng herbal medicine na aming pinanggagamot sa aming mga anak kapag nagkakasakit,” paglalahad ni Serrano.

Nagsasagawa ng pagmimina ang Benguet Corp. Nickel Mines at Dizon Copper-Silver Mines sa mga lupang ninuno ng mga Aeta.

“Nandiyan po sa San Marcelino, Zambales, ilang libong ektarya ng lupang ninuno na naubos sa pagmimina ni Benguet, Dizon. Subalit sa pagmiminang ito, maraming kalupaan ang nasira at maraming ginto ang iniluwal si Benguet Dizon mines, pero ni isa sa katutubong Aeta ay walang yumaman at walang nagkapera. Ang sinasabi na mining ni Dizon, ito raw ay kapakina-pakinabang sa mamamayang katutubong Aeta. Pero pinatunayan ng kasasaysayan na hanggang ngayon kumakain pa rin kami ng nilagang kamoteng kahoy, ng nilagang saging na hilaw,” pagtutol ni Serrano.

Malalaking kumpanyang mina rin ang tinuturong dahilan ng pagkasira ng mga lupang ninuno ng mga katutubo sa Compostela Valley.

“Doon po sa Mt. Diwata, makikita niyo ang kasiraan at wala nang pamumuhay ang mga katutubo dahil sa malaking mining corporation na pumasok doon,” pagbabahagi ni Junjun Adlawan ng Compostela Farmers Association.

Ani Adlawan, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na poprotektahan ang lupang ninuno ng mga katutubo, pero hindi ito natupad.

“Bakit po hindi ninyo pinigilan ang mga tao na sumisira sa kalikasan ng mga katutubo?,” paniningil ni Adlawan sa pangulo.

Ibinahagi naman ni Eufemia Cullamat ng Kasalo-Caraga na tinukoy na mining capital ng Asya ang rehiyon ng Caraga sa panahon ng pagkapangulo ni Benigno “Noynoy” Aquino III.

“Ang mga pagmiminang ito ay sumasakop sumisira ng mga lupang ninuno sa limang tribo na namumuhay sa kabundukan ng Caraga region,” ani Cullamat.

Pinangalanan niya ang ilang malalaking kumpanyang mina sa Caraga: Claver Mining Corp., Platinum Group Metals Corp., CTP Construction and Mining Corporation, San Roque Metals Inc, Carrascal Nickel Corporation, Marc Ventures Mining &  Dev’t. Corp, Philsaga Mining Corporation, at Pacific Nickel Philippines.

“Dahil dito inaatake ng mga militar at paramilitar ang aming mga komunidad dahil kami ay lumalaban sa patuloy na pagkawasak ng aming kalikasan na kinikilala naming na ito ang aming lupang ninuno,” saad ni Cullamat.

Dagdag pa ni Cullamat, nakararanas sila ng matinding paglabag sa karapatang pantao. Aniya, ang huling deklarasyon ni Duterte na bobombahin ang mga itinayo nilang paaralan para sa kanilang mga anak ay nagdulot muli ng sapilitang paglikas ng mga katutubong Lumad.

“Hindi nagtatapos ang mga paglabag ng karapatang pantao mula kay Noynoy Aquino at pinatindi ngayon sa ilalim Martial Law ni Presidente Rodrigo Duterte,” lahad ni Cullamat.

Sabi ni Cullamat, ang pagsasama-sama ng mga Moro at katutubo ay pagpapalawak ng pagkakaisa ng mga pambansang minorya na bagamat magkakaibang tribo ay dumaranas ng kaparehong kaapihan.

“Ang hinahangad naming pagbabago ay wala doon sa papalit-palit na mga pangulo sa Pilipinas. Itong matagal na naming hinahangad na pagbabago ay pagpapasyahan namin. Kami ang gagawa ng hinahangad naming pagbabago,” pagtatapos ni Cullamat sa harap ng mga kapulisan na humarang sa protesta ng mga katutubo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here