#Lakbayan2017 | Kilalanin ang mga Lakbayani: Andres Waylan

0
346

“Upang maparating sa pamahalaan ang mga suliraning dinaranas namin. Sapagkat nandito ang sentro.”

Ito ang sinabing dahilan ni Tatay Andres Waylan nang tanungin siya kung bakit siya sumama sa taunang Lakbayan ng mga Pambansang Minorya. Mula si Tatay Andres, o mas kilala sa kanila bilang Otsi, sa Tribung Igorot sa Kordilyera. Dagdag pa niya tinatawag daw silang “Igorot” dahil ang ibig sabihin ng “I” ay “taga” at ang “Gorot” ay mula sa salitang “Golot” o “bundok”, mga taga-bundok.

Higit na mas mahirap ang suliraning kinahaharap ng tribu ni Tatay Otsi sa ngayon. Kung noon ang mga numero unong kalaban nila ay ang mga dambuhalang kapitalista, ngayon ay ang mismong gobyerno na.

Tinatayang 1.8 milyong hektarya ang lawak ng buong Kordilyera. Aabot  sa 600,000 hektarya rito ay nais ilaaan sa mga proyektong maaaring pagkakitaan.

Kabi-kabila ang mga proyektong nais kamkamin sa kanilang lugar. Una na riyan ang mga minahan na ayon kay Tatay Otsi ay nandadambong ng lupain sa Kordilyera.

Pangalawa, ang mga hydropower projects na nais itayo sa mga ilog nila. Sa ngayon ay nasa limang dam na raw ang nakatayo sa kanila, at may tinatayang 108 pang dam ang nais pang gawin.

Nariyan din ang mga geothermal projects, kung saan  walo sa mga ito ay awarded na. Ang bawat isang geothermal project ay sumasakop ng 25,000 hektarya na maaaring sumakop na lupang ninuno ng isang tribu.

Dahil nga sa kaliwa’t-kanang mga plano ng mga malalaking kapitalista, maging ng gobyerno na rin, hindi nakagugulat na nariyan na naman ang isyu ng militarisasyon. Isa sa numero unong nalalabag na batas ng militar ay ang kanilang pagkakampo sa mismong komunidad. Sumunod na diyan ang kanilang pang-aabuso. Nagkakaroon pa lalo nang sanga-sangang problema ang pagsulpot ng mga sundalo sa kanilang lugar.

Kaya buong pagpapasyang dumayo si Tatay Otsi kasama ang iba pang taga-Kordilyera upang ipanawagan ang mga suliraning hindi nakakaabot sa kalunsuran. Sila na mismo ang naghahatid ng kuwento rito, upang sila’y mapakinggan at matulungan.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here