#LakbayMagsasaka | Pakikiisa ng mga kabataan sa mga magsasaka ng BTL sa Bukidnon

0
498

Kung ang mga larawan at tao na mismo ang tumungo sa Maynila para lang mabigyan ng atensyon ang kanilang kalagayan, hindi ka pa rin ba titingin o iimik?

“Pumunta kami dito sa Metro Manila, unang-una para malaman ng taumbayan kung ano ang mga isyu at ang karanasan na nangyayari namin sa Northern Mindanao Region at mismo doon sa BTL (Buffalo, Tamaraw, Limus) sa Bukidnon,” kwento sa akin ni Jam Mendez mula sa Cagayan de Oro.

Isa siyang kabataang bahagi ng isang grupong sumusuporta sa mga magsasaka—sa kanilang produksyon, pagsusulong ng reporma sa lupa at maging sa kanilang pakikibaka para sa lupa at karapatang magsaka at magkaroon ng hanapbuhay.

“Ang pagiging bahagi ng isang suportang grupo, naniniwala po ako na sa pamamamagitan po nun, malaking tulong na din iyon sa kamalayan ng mga kabataan na hindi nahiwalay ang pakikibaka ng magsasaka ang mga intindihin ng mga kabataan ngayon,” ani Jam.

Ipinakita sa akin ni Jam ang mga larawan sa isang payak an exhibit na kanilang binuo bago niya kinuwento ang karanasan ng mga magsasaka sa BTL.

Ang Baktas BTL ay isang kampanyang inorganisa ng BTL Farmers’ Association at ng Kahugpungan sa mga Mag-uuma sa Bukidnon (KASAMA-Bukidnon). Ang kampanya ay isang paglalakbay mula sa lupang sinasaka tungo sa Deparment of Agrarian Reform (DAR) ngayong buwan ng pesante para isulong ang deka-dekadang pangako ng mga pulitiko para sa reporma sa lupa, na sa kalakhan ay hindi pa natutupad. Umalis nang Oktubre 8 ang mga magsasaka mula sa Bukidnon at nakarating sa Maynila noong Oktubre 11. Nakakampo sila sa labas DAR mula nang sila ay dumating dito.

Ang Bukidnon Free Farmers and Agricultural Laborers Organization (BUFFALO) ay nabuo noong 1986 para ipaglaban ang 1,200 ektaryang lupa na kanilang sinasaka bago pa man nabuo ang kanilang grupo. Nasa 321 ektarya sa 3,401 ektarya nang ngayo’y Central Mindanao University ang inilaan ng noo’y Pangulong Carlos Garcia sa reporma sa lupa. Ayon sa kanila, sa umpisa ay inuupahan ang mga magsasaka na magtanim sa lupa hanggang hindi na sila mabayaran at hinayaan na lang silang magsaka sa ‘sariling sikap’, ngunit pinaalis din sa lupa. Nang ipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program, nag-apply ang mga magsasaka na igawad sa kanila ang lupang kanilang sinasaka. Noong 1989, iginawad ng Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB) ang 400 ektarya sa 252 nagpetisyon mula sa BUFFALO.

Noong 1990 naman, sinulong pang muli ng mga magsasaka mula sa Tried Agricultural Movers Association of Rural Active Workers (TAMARAW) at Landless Tillers Inhabitants of Musuan (LIMUS) na igawad ang lupa na hindi naibigay sa BUFFALO. Iginawad din ito sa kanila ng DARAB.

Pero noong 1992, pinakansela ng Korte Suprema ang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng mga magsasaka dahil ang mga lupa raw na ginawad sa kanila ay para sa gamit ng unibersidad.

Daing ng mga magsasaka, noon pa man, agresibo na ring pinalalayas ng pamunuan ng CMU ang mga magsasaka. Ginagamit umano nilang batayan ang desisyon ng Korte Suprema, ngunit sa katunayan ay pinaupahan lang nmaan ang lupa sa mga pribadong kumpanya.

Mula 1997, pinaupa ng unibersidad sa Sto. Rosario Farms ang 250 ektarya, RGR Agri-Ventures ang 400 ektarya, at Bukidnon Resources Company, Inc. na 600 ektarya. Kasama naman sa mga sinasabing maliit na nangungupahan sa lupa ang include Bukidnon Sugar Company, isang kumpanyang Taiwanese, isang Ricardo Barrios na may 100 ektarya ng tubo at ang Mudpress Agriventure na umuupa ng pitong ektarya. Maging ang gubernador ng Bukidnon na si Jose Ma. Zubiri, Jr. ay umuupa umano ng 10 ektarya sa jatropha plantation.

“Noong 2011, nagkampuhan po sila kasi gutom na sila at gusto nilang magsaka para may makain. Pero sa ginawang marahas na dispersal ng CMU noong Hunyo 2011, may isang namatay na po at mahigit 40 na magsasaka na nasugatan,” kwento ni Jam na tila mas matanda na sa kanyang edad buhat ng kinamulatang karanasan ng mga magsasaka.

Kung pinagbabangga man ng unibersidad ang edukasyon at ang kapakanan ng mga magsasaka, sabi naman ni Jam, kamulatan at edukasyon mula sa masa ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon na tumanaw lampas sa sariling kapakanan.

“Itong bundok na ito ay tinatawag na Musuan Peak. Ito ay mahalaga at makasaysayan para sa magsasaka dahil ito ay boundary ng Malaybalay, Bukidnon at Valencia, Bukidnon. At ‘yung una po ‘yung BTL – isang organisasyon. ‘Yung Buffalo, Tamaraw, Limus, magkakaibang organisasyon na pareho lang ang sinasaka na lupain. Pareho lang sila ng hanapbuhay. Nagkaisa sila sa BTL noong 1998,” kwento ni Jam.

Exhibit ng BTL Farmers/ Association na naglalarawan sa kanilang kalagayan sa Bukidnon. Kuha ni Klaire Ting.
Exhibit ng BTL Farmers/ Association na naglalarawan sa kanilang kalagayan sa Bukidnon. Kuha ni Klaire Ting.

Tinuturo niya sa akin ang mga larawan, at sinisikap kong buuin sa aking isip. Pero paano nga ba makukunan ang libu-libong ektaryang pinagbubuwisan ng dugo’t pawis para lamang sa pagkain? Paano nga ba mabubungkal ang malalim na pagnanais sa lupa na katulad na rin ng pagnanais mabuhay? Paano matatabunan ang mapait na mga karanasan?

Madaraanan mo ang kampo ng mga magsasaka sa bangketa ng Elliptical Road sa Quezon City, sa harap ng tanggapan ng DAR. Pero hindi mo naman makikita sa daan ang mga larawan. Hindi mo rin maririnig ang kwento kung hindi ka magtatanong o kung sarado naman ang tenga kapag sila ay nagpapaliwanag sa kanilang mga protesta.

Sa ngayon, nananatiling may pag-asa sina Jam sa sariling paglaban ng mga magsasaka para makamit ang tunay na reporma sa lupa.

Sa isang banda, nananawagan si Jam sa mga katulad niyang kabataan na makiisa sa mga magsasaka.

“Panawagan na lang din po sa mga kabataan na nandito pa din po sa kalunsuran na sana ay maging mulat tayo sa totoong nangyayari sa ating lipunan dahil ang mga magsasaka po ay hindi lang pansarili ‘yung kanilang pagsasaka kung hindi para sa buong bayan. Ang magsasaka ang lumilikha ng pagkain, mula sa kabundukan papunta sa kalunsuran kaya sana’y magkaisa tayo. Suportahan po natin ang pakikibaka ng magsasaka upang makamtan nila ang tunay na reporma sa lupa,” dagdag ni Mendez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here