Sinalubong ng protesta ng daan-daang mamamayan, kasama ang mga Moro at pambansang minorya, ang ika-100 taong kaarawan ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. noong Setyembre 11. Bumuhos ang galit ng mga mamamayan na hindi papayag na mamarkahan ng selebrasyon ang isang araw ng kaayupan para sa daan-libong kinulong at pinatay sa panahon ng Batas Militar ni Marcos. Sa pangunguna ng Campaign Against the Return of the Marcoses to Malacanang (CARMMA), nag-caravan ang mga nagprotesta mula sa Quezon City tungo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Bumuhos ang ulan pero hindi nagpatinag ang mga nagpoprotesta. Tila kasabay na nakipagluksa ang langit sa araw na ito–nagluluksa na matapos ang halos 45 taon mula nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar ay nagpipiging ang mga pamilya, kaanak at kroni ng diktador sa kanyang puntod sa loob ng Libingan ng mga Bayani. Na napatunayan mang ilang ulit ang matinding paglabag sa karapatang pantao at dinambong na pera ng bayan, idineklara ng kasalukuyang pangulo ng bansa na holiday ang kaarawan ng diktador sa kanyang lugar ng kapanganakan. Habang isinusulong naman ng administrasyon ni Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng immunity sa pamilyang Marcos kapalit ang pagsosoli nila ng mga nakaw na yaman na sinasabi nilang “itinago muna nila sakaling kurakot ang susunod na uupong pangulo.”

Magdaraos naman ng malaking kilos-protesta ang Movement Against Tyranny sa Setyembre 21, ika-45 anibersaryo ng Batas Militar, at unang pagkakataon na ginugunita ito na may aktwal na Batas Militar sa bansa. Pinahaba ang dalawang buwang Batas Militar sa Mindanao hanggang Disyembre ng taong ito, habang paulit-ulit na nagbabanta at nagbibigay-katwiran (hal. gera kontra droga, paglala ng sigalot sa Marawi, at ‘pag dinala na ng NPA ang gerang sibil sa mga lansangan) si Duterte sa pagdedeklara ng Batas Militar sa buong bansa. Digmang gerilya ang isinasagawa ng NPA sa loob ng 48 taon at ito’y isinasagawa sa kabundukan at kanayunan, kung kaya’t naaalarma ang mga progresibong grupo na baka ang tunay na gagawing sangkalan ni Duterte sa pagdeklara ng Batas Militar sa bansa ay ang paglago ng mga protesta ng mamamayan laban sa madugong gera kontra droga ng gobyerno at marami niyang tinalikuran at napakong mga pangako.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY