Mga usaping mapaminsala sa kalikasan at pagtatanggol ng mamamayan

Sampung Isyung Pangkalikasan sa Taong 2017

Naging maingay ang taong 2017 para sa kalikasan.

Sunod-sunod tayong niyanig ng mga panawagan at pagkilos ng sambayanan upang muling tutulan ang mga anti-kalikasan at anti-mamamayan na polisiya na kinahaharap ng bansa sa kasalukuyan, gayundin nagpatuloy ang mga sakuna ng bagyo at baha na palala nang palala ang pinsala sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan sa kanayunan dahil na rin sa pagkasira ng kalikasan.

Kinaharap din natin ang mga nagpapatuloy na banta sa kalikasan ng mga malalaking negosyante at korporasyon na patuloy na namumuhunan sa ating bansa at siyang tunay na sumisira sa ating mga likas na yaman.

Humarap din tayo sa taong naging mapanganib ang Pilipinas sa tunay na nangangalaga sa kalikasan sa gitna ng tumitinding pasismo ng gobyerno.

Ang sumusunod na listahan ay tungkol sa mga isyung tumatak sa usaping pangkalikasan.

10. Pilipinas bilang pangatlong bansa sa pagiging ‘plastic polluter’ sa karagatan

Ayon sa pag-aaral ng Ocean Conservancy and McKinsey Center for Business and Environment ngayong taon, pangatlo ang Pilipinas bilang ‘plastic polluter’ sa karagatan bunga ng mga hindi mapagkakatiwalaan mga kumpanya ng basura at ang pagkakaroon ng mga bukas na dump site malapit sa mga ilog.

Dagdag pa rito, napag-alaman ng pag-aaral na 74% ng mga plastik na umaaagos sa karagatan mula sa Pilipinas ay mula sa basura na nakolekta na ng mga haulers at mga trak ng basura. Ang bolyum nito ay nasa 386,000 tonelada ng plastik na basura.

Tanging 26% o 135,000 tonelada ng mga plastik sa mga dagat ang talagang nagmumula sa basura na hindi nakolekta.

Nanguna ang China at pumangalawa naman ang Indonesia sa buong mundo na may problema sa pagtatapon ng mga plastik sa karagatan.

9. Pagpapatuloy na pagpapatayo ng Laguna Lakeshore Expressway Dike

Naging usap-usapan din ngayong taon ang pagpapatuloy ng proyektong Laguna Lakeshore Expressway Dike (LLED) sa gitna ng mga pagtutol mga residente sa baybayin ng Laguna Lake at mangingisda na doon kumukuha ng kinabubuhay na mula sa Metro Manila, Laguna at Rizal.

Mula sa silangang bahagi ng Bicutan hanggang Los Baños, Laguna ang sakop ng nasabing proyekto. Ito raw ay itatayo upang protektahan ang buong Metro Manila mula sa baha.

Ayon sa bagong blueprint na inilabas ng gobyerno, ang nasabing proyekto ay mag-rereclaim ng 700 na ektarya ng lake bed sa kanlurang dike.

Kung ang proyekto ay itinayo at pinoprotektahan ang Metro Manila mula sa mga baha sa tubig-baha, ang mga taong naninirahan sa iba pang lugar sa lawa ay magdurusa, dahil ang tubig baha ay kailangang pumunta sa isang lugar.

Sa gitna ng pagpapaalala ng mga eskperto na magiging delikado ang pagsisimula ng proyekto, naigawad na ng gobyerno ang kontrata sa San Miguel Corporation na may halagang P123 bilyon.

8. Pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant

Naging kontrobersyal din ngayong taong 2017 ang muling pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Iniutos ni Duterte kay Department of Energy (DOE) Secretary Alfonso Cusi na ipagpatuloy ang planong buhayin muli ang BNPP, matapos ilang beses nagsabing hindi niya ito gagawin sa termino niya.

Noong Nobyembre 2, 2016 sa isang talumpati sa Davao, sinabi ni Duterte na hindi siya babaling sa paggamit ng enerhiyang nukleyar.

“We have not reached the danger zone wherein we will die if there is no available energy. Maybe someday, not during my presidency,” ani Duterte ukol sa paggamit na enerhiyang nukleyar, batay na rin sa minungkahi ni Cusi na isa sa mga opsyon ng bansa ang enerhiyang nukleyar para matugunan ang inaasahang 5% pagtaas ng konsumo pagdating ng 2030.

Pumirma sa isang ‘nuclear cooperation deal’ si Duterte at mga opisyal ng bansang Russia at ng Russian State Atomic Energy Corp sa kanyang bisita sa Moscow noong Mayo. Matatandaang pinaikli ni Duterte ang kanyang bisita dahil sa sumambulat na labanan sa Marawi.

Mariing tinututulan ng Advocates for Science and Technology for the People (Agham) ang plano. Ayon sa grupo, ang BNPP ay isang panganib sa kalikasan, kalusugan at delikado dahil ito ay inilagay sa ibabaw ng aktibong Lubao fault at sa slope ng Mt. Natib, aktibong bulkan, nakaharap sa Manila Bay at malapit lang din ang Mt. Pinatubo.

Kung muling bubuhayin ang nasabing planta, ang enerhiyang nuklear ay may direktang gastos din na ipapasa sa mamamayan tulad ng nuclear tax, decommissioning cost, at waste disposal cost. Ito ay maaaring magresulta sa mas mataas na presyo ng kuryente na babayaran ng mga kumokunsumo.

Sinasabi ng DOE na aabot sa $1 bilyon (nasa P50 bilyon) ang gagastusin sa pagbuhay ng BNPP. Dati nang ginastusan ito ni Ferdinand Marcos, Sr. ng $2.3 bilyon mula sa mga dayuhang pautang, pero ‘di man lang ito nagamit dahil sa peligrong buhat ng pagkakapuwesto nito. Hindi na rin ito ginamit ni Corazon Aquino nang umupo siyang pangulo matapos mapatalsik si Marcos at patuloy na lang na ginagastusan ng gobyerno ang maintenance ng BNPP.

7. Pagtaas ng presyo ng kuryente at maanomalyang kasunduan ng IPPs sa Meralco

Sa taong 2017, na-kuryente din ang sambayanan nang sunod-sunod ang pagtaas ng singil sa kuryente.

Nito lamang Nobyembre, nagpahayag ang Meralco ng pagtaas ng P0.3436 kada kilowatt hour para sa isang tipikal na tirahan. Kaya mula sa mga nakalipas na buwan mula na pagpapataas ng rate mula sa P9. 2836 kWh hanggang P9. 6272.

Kung titingnan, ang pagtaas ng rate sa mga nagdaang buwan ay nagkakahalaga ng P68.72 na pagtaas at may kabuuang konsumo sa kuryente ang isang tirahan ng 200kWh.

Dinadahilan ang pagtaas ng halaga ng kuryente mula sa independent power producers (IPPs) dahil umano sa pagpapahina ng piso laban sa dolyar.

Agad naman itong tinutulan ng People Opposed to unWarranted Electricity Rates (POWER) na nagpahayag na tanging ang Meralco ang may kontrol ng mga dinadaing nito sapagkat sila lang din naman ang may malaking kontrol o pag-aari sa mga IPP. Ang lawak ng kontrol sa kuryente ay palalain ng monopolyo ng korporasyon sa buong supply chain ng industriya ng enerhiya. Tinutulan din ng iba’t ibang grupo ang mga maanomalyang mga power supply agreement na tinawag nilang ‘dirty, migdnight deals’ ng MERALCO sa gobyerno.

Inaasahan din ang pagtaas ng presyo ng kuryente na binabayaran ng mga consumers bunsod ng ipinasang tax reform ng administrasyong Duterte.

6. Patuloy na pagtaas ng paninigil ng tax sa coal

Rumagasa naman ngayong taon ang batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na layong magtakda ng mas mataas na mga buwis sa mga kalakal na ipapasa sa mga mamimili.

Isa sa mga sasagaan ng pagtaas ng nasabing batas ang presyo ng kuryente buhat ng paglobo ng paninigil ng tax sa coal.

Nito lamang Disyembre, bumoto ang Senado upang dagdagan ang excise tax sa coal hanggang sa P300 tonelada sa taong 2020 mula sa kasalukuyang P10 bawat mertrong tonelada na napako mula pa noong dekada’ 70.

Ang unti-unting pagtaas ay lumalaki hanggang P100 sa 2018, P200 sa 2019, at hanggang P300 sa 2020.

Mariin namang kinundena ng Bayan Muna Partylist ang singil sa reporma sa buwis, partikular na ang buong buwis sa coal na magdudulot ng pahirap sa mahihirap.

Sa pag-aaral ng grupo, lalo na sa usaping kuryente, ang pagtaas buwis sa coal ay magdudulot ng P14 dagdag-singil kada 200 kWh at P21 sa 300 kWh.

Habang sa 2020 ang langis na buwis ay magreresulta sa P28 na pagtaas sa mga singil sa kuryente sa 200 kwh, P42 sa 300kwh at P56 sa 400 kwh.

5. Lightning rally ng pambansang minorya sa Chamber of Mines Conference

Dumagundong naman sa Kamaynilaan nang magprotesta ang daan-daang pambansang minorya mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa pangunguna ng Sandugo, pambansang alyansa ng Moro at mga katutubo, sa Sofitel Philippine Plaza habang idinadaos ang International Mining Conference of the Chamber of Mines of the Philippines noong Setyembre 6.

Pinanawagan nila ang pagtatapos sa mapangwasak na pagmimina, lalo na ang open pit mining. Isinakdal din ng mga katutubo ang mga mayayamang negosyante na nagpapasasa sa kanilang mga lupang ninuno habang sila ay patuloy na naghihirap, at sabi nga ng isang lider-katutubo, hanggang ngayon ay kamote lang ang kinakain.

Nagtagumpay ang delegasyon ng Lakbayan sa paglalakad hanggang sa main entrance ng nasabing hotel, ngunit pinigilan sila ng mga security personnel at pinalabas sila. Dahil sa pagkilos na ito, ipinatupad ng Sofitel ang lockdown na hindi bababa sa isang oras.

4. Patuloy na reklamasyon sa Manila Bay at serye ng fluvial protest

Sa taong 2017, kabi-kabila ang pag-apruba ng lokal na pamahaalan sa mga reklamasyon sa Manila Bay na saklaw ng kanilang siyudad sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng administrasyong Duterte.

Sa Manila pa lamang, inaprubahan na ni Mayor Joseph Estrada ang isa pang proyektong reklamasyon sa Manila Bay, isang 318-ektaryang komersyal at turismo sa baybayin ng Roxas Boulevard na gagastusan ng bilyun-bilyong piso.

Sa Navotas, nagtayo ang Philippine Reclamation Authority ng mga breakwaters sa harap ng daungan ng mga mangingisda na humahadlang mula sa paglabas nila sa dagat.

Apektado rin ng reklamasyon ang mga mangrove sa Las Piñas-Paranaque Critical Habitat and Ecotourism Area, isang mahalagang wetland, bird sanctuary at natatanging marine habitat sa tabi ng isang highly-urbanized center, at sa Marine Tree Park sa Navotas. Mahalaga ang bakawan dahil proteksiyon ito sa malakas na alon at storm surge. Bukod sa breeding at feeding ground ito ng maliliit na isda, nakakatulong din ito sa paglinis ng dagat dahil sinasala nito ang mga basurang tinatapon sa tubig.

Bilang tugon sa malawakang reklamasyon, nagsagawa ang mga mangingisda kasama ang PAMALAKAYA, organisasyon ng malilit na mangingisda sa buong Pilipinas, at Nilad, pangkalikasang organisasyon na naka-base sa Metro Manila, ng sunod-sunod na fluvial protest sa Navotas noong Oktubre 17 at Nobyembre 22, ang panghuli ay kasabay ng selebrasyon ng pang-internasyunal na araw ng mangingisda.

3. Pilipinas bilang pinakadelikadong bansa sa Asya para sa tagapagtanggol ng kalikasan

Ayon sa tala ng environmental monitor Global Witness, nanguna ang Pilipinas sa pinakadelikadong bansa sa Asya para sa mga tagapatanggol ng kalikasan sa loob ng apat na taon.

Umabot sa mahigit 17 na kaso ng pamamaslang sa mga ‘environmental defenders’ ang naitala ng Kalikasan People’s Network for the Environment.

Samantala, ang isa sa mga dahilan ng mga pamamaslang ay ang pagmimina na umabot sa 47% na kaso sa unang taon pa lamang ni Duterte. Sa bilang na ito, nasa 65% ang pamamaslang sa isla ng Mindanao kung saan ang may malawakang mapanirang mina at militarisasyon. At nito lamang Disyembre, hinuli si Sherwin De Vera, panrehiyunal na coordinator ng Defend Ilocos isang maka-kalikasan na grupo. Hinuli siya sa Ilocos Sur at kinasuhan ng rebelyon. Ang grupo na kinabibilangan ni De Vera na Defend Ilocos ay kasama sa mga tumututol sa operasyong minahan sa rehiyon na nagbabanta ng pagkasira sa biodiversity ng Abra River.

2. Pagkasara ng 28 na malalaking minahan

Umusok naman ang tenga ng mga nagmamay-ari ng 28 na malalaking minahan nang ipasara ito ng dating secretary ng Department of Environment and Natural Resources na si Gina Lopez. Dahilan nito ang isang crackdown sa buong industriya na hindi sumusunod sa mga pamantayan ng kaligtasan.

Sa 41 na minahan na-audit, 13 lamang ang nakapasa habang 23 ay kailangan nang ipasara at lima ang suspendido.

Sa kabilang banda, ito naman ay kinatuwa ng mga environmentalist lalo na ang grupong Kalikasan-Peoples Network for Environment. Ayon sa grupo, malaki ang naitulong ni Lopez sa pagpapasara ng mga minahan at isang makabuluhang tagumpay para sa matagal na pakikibaka ng mga mamamayan laban sa malawakan at mapanirang pagmimina.

1. Hindi pagkumpirma ni Gina Lopez at pagkumpirma ni Roy Cimatu bilang DENR secretary

Lahat naman ay napakanta ng I believe I can fly nang hindi makumpirma ang ad interim secretary ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na si Gina Lopez matapos ang ikatlong confirmation hearing niya sa Commission on Appointments (CA) noong Mayo 3.

Kinalungkot ng marami ang hindi pagkumpirma sa kanya ng CA lalo na ang mga environment defenders.

Naging usap-usapan ang pag-reject sa kanya ng CA na dahilan nito ang pagpapasara niya ng 28 na malalaking minahan noong Pebrero.

Pagkatapos hindi makumpirma ni Lopez, agad nag-appoint si Duterte ng panibagong ad interim secretary ng DENR sa katauhan ni Roy Cimatu dating secretary ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Makalipas lang ang apat na buwan at isang hearing ng CA, nakumpirma si Cimatu bilang bagong DENR secretary nitong nakaraang Setyembre 20.

Mariin naman kinondena ng Kalikasan-PNE ang kumpirmasyon ni Cimatu. Ayon sa kanila, ang mabilisang kumpirmasyon ng CA kay Cimatu ay pagtagtagpo ng tunay na plunderers at polluters sa nasabing ahensya. Kabilang din ang kongreso na namumutiktik sa mga oligarkiya sa minahan. Kaya naman, niluto nila appointment ni Cimatu bagamat ang track record niya ay may kasong korupsyon at paglabag sa karapatang pantao.

InterServer Web Hosting and VPS

NO COMMENTS

LEAVE A REPLY