Isang linggo bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagtayo ng kampuhan sa Mendiola ang mga manggagawa mula Metro Manila, Southern Tagalog, Caraga and Southern Mindanao na tinaguriang Kampuhan Kontra Kontraktwalisasyon para singilin si Pangulong Duterte sa kanyang pangako na wawakasan na ang kontraktwalisasyon sa bansa.

“Nagkakaisa ang sektor ng paggawa sa aming panawagan na wakasan na ang kontraktwalisasyon,” sabi ni Ed Cubelo, Tagapagsalita ng Alyansa ng Manggagawa Laban sa Kontraktwalisasyon (ALMAKON), sa isang pahayag.

Dagdag pa ni Cubelo, napilitan silang magsagawa ng kampuhan sa Mendiola dahil nabigo umano si Pangulong Duterte na tuparin ang kanyang pangako na wakasan ang kontraktwalisasyon. Sinabi ni Duterte noong kampanya ng tatapusin niya ito sa loob ng isang taon. Pero higit pa sa hindi umabot si Duterte sa sariling deadline, iniinda ng mga manggagawa ang maaaring paglala ng kontraktwalisasyon batay sa mga naging aksyon ng gobyerno tungkol dito.

A worker from Harbor Centre in Manila pose in front of the workers' camp-out in Mendiola, Manila. (Manila Today photo)
A worker from Harbor Centre in Manila pose in front of the workers’ camp-out in Mendiola, Manila. (Manila Today photo)

Noong Marso, nilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Department Order (D.O.) 174 bilang resolusyon nito sa problema sa kontraktwalisasyon pagkatapos ng serye ng mga pakikipagdayalogo sa mga grupo ng mga manggagawa at mga may-ari ng negosyo. Ipinagmalaki ito ng DOLE na solusyon sa problema, pero tinututulan ng mga manggagawa itong utos ng kagawaran.

“Mapanlinlang ang D.O. 174 at lalong papalalain nito ang kontraktwalisasyon sa bansa,” ayon kay Gerry Serue, Pangkalahatang Kalihim ng Kilusang Mayo Uno Metro Manila.

Dagdag pa ni Serue, lalo lang umanong niligalisa ng D.O. 174 ang kontraktwalisasyon at tinatanggal ang responsibilidad ng mga principal employer na gawing regular ang kanyang mga manggagawa at ipasa ito sa mga contracting agencies.

Ayon naman kay Cubelo, nananatiling mababa ang sahod, matumal ang trabaho, maraming walang trabaho at natatanggal sa trabaho at malawakan pa rin ang ‘endo’ sa bansa.

“Hanggang ngayon ay wala pang signipikanteng pagbabago sa aming kalagayan sa paggawa,” pahayag ni Cubelo.

Sa Metro Manila, nasa P481/araw lang ang minimum wage at dagdag na P10 para sa cost of living allowance (COLA). Mas mababa naman ang minimum wage sa mga rehiyon labas sa Metro Manila. Ayon sa website ng National Wage and Productivity Board’s, ang minimum wage sa Southern Tagalog ay P378.50 lang, sa Caraga ay P280 lang, and at sa Southern Mindanao ay P340 lang.

Sa tantiya ng Ibon Foundation, aabot sa P1,119 ang family living wage o ang kakailanganin ng isang pamilya para mabuhay nang disente sa isang araw.

Kaugnay nito, pinapanawagan ng mga manggagawa na magpatupad ang gobyerno ng pambansang minimum na sahod na P750/araw para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P16,000/buwan para sa mga manggagawa sa gobyerno.

Samantala, wala namang pangkalahatang dagdag sahod na naitala sa loob ng isang taon ng panunungkulan ng administrasyon ni Duterte.

Nanawagan naman kay Pangulong Duterte ang mga manggagawa mula sa Mindanao na bawiin na ang deklarasyon nito ng Batas Militar sa Mindanao.

“Itong Martial Law ang tinutuntungan ng AFP [Armed Forces of the Philippines] at PNP [Philippine National Police] para i-disperse ang mga manggagawa sa Shin Sun Labor Union sa Compostela Valley,” pahayag ni Carlo Olala, Pangkalahatang Kalihim ng KMU Southern Mindanao Region, sa kanyang talumpati sa isang programa sa DOLE.

Noong Hunyo 2 ay bayolenteng binuwag ng mga pwersa ng kapulisan at 66th Infantry Battalion, Philippine Army ang piketlayn ng mga nagwewelgang manggagawa ng Shin Sun Tropical Fruits Corporation sa Compostela Valley.

“Ginamit ang Martial Law para atakehin komprehensibo ang ekonomikong kagalingan ng mga manggagawa. Kaya ang Martial Law ni Duterte, hindi ito para sa mga Maute, hindi para sa mga terorista, ang Martial Law ay nakatutok sa mga manggagawa,” pahayag ni Jerome Adonis, Pangkalahatang Kalihim ng KMU.

Mananatili ang kampuhan ng mga manggagawa sa Mendiola hanggang Hulyo 24. Sa umaga ng Lunes, sasanib sila sa mga magmamartsa papuntang Batasang Pambansa para ipahayag ang kanilang kalagayan kasabay ikalawang SONA ni Pangulong Duterte.

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY