Tumungo ang mga biktima ng bagyong Yolanda at Ruby sa bahay ni dating pangulong Benigno Aquino III sa Times Street, lungsod ng Quezon noong Nobyembre 29 para ipaalala ang “kapalpakan ng dating administrasyon sa pagtugon sa mga biktima ng kalamidad.”

Kung dati, simbolikong pagpoprotesta ang pagra-rally ng mga aktibista sa bahay ng dating pangulo, ngayon naman ay tingin nila dapat marinig na mismo ni Aquino ang kanilang pagtuya sa kanyang administrasyon. Mula sa Palasyo ng Malakanyang, bumalik na ang dating pangulo sa kanyang bahay sa Times Street matapos bumaba sa puwesto noong Hulyo 30 ng taong ito.

Sumugod sa bahay ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang mga biktima ng Yolanda mula sa Eastern Visayas para singilin sa kanyang kapabayaan. (Manila Today/Joolia Demigillo)
Sumugod sa bahay ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang mga biktima ng Yolanda mula sa Eastern Visayas para singilin sa kanyang kapabayaan. (Manila Today/Joolia Demigillo)

“Dapat managot ang Gang of 5 sa administrasyon ni Noynoy Aquino sa pagwawalang-bahala sa mga biktima ng bagyong Yolanda na tatlong taon nang walang permanenteng tirahan at sustenableng hanapbuhay,” Dr. Efleda Bautista, tagapangulo ng People Surge, isang alyansa ng mga biktima ng bagyong Yolanda.

Kasama sa tinutukoy na ‘Gang of 5’ ang dating presidenteng Noynoy Aquino, dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Dinky Soliman, dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, dating Department of Energy (DE) Secretary Jericho Petilla at dating Presidential Adviser on Reconstruction and Rehabilitation na si Ping Lacson.

Tinawag ng People Surge na Gang of 5 sila dating Pangulong Noynoy Aquino, dating DILG Sec. Mar Roxas, dating DSWD Sec. Dinky Soliman, dating DOE Sec. Icot Petilla at Rehabilitation Czar Ping Lacson dahil umano sa kapabayaan nila sa mga biktima ng bagyong Yolanda. (Manila Today/Joolia Demigillo)
Tinawag ng People Surge na Gang of 5 sila dating Pangulong Noynoy Aquino, dating DILG Sec. Mar Roxas, dating DSWD Sec. Dinky Soliman, dating DOE Sec. Icot Petilla at Rehabilitation Czar Ping Lacson dahil umano sa kapabayaan nila sa mga biktima ng bagyong Yolanda. (Manila Today/Joolia Demigillo)

Sa press conference sa Malakanyang noong Oktubre 24, sinabi ng Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Judy Taguiwalo na 200,000 biktima ng Yolanda pa ang hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno. Ayon sa Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH), nakatanggap ang Pilipinas ng P 17 bilyong donasyon mula sa labas ng bansa. Pero ang natitirang pondo sa Emergency Shelter Assistance ay nasa P 30 milyon na lamang, ayon din sa DSWD.

“Habang positibo ang mga ginawa ni Pangulong Duterte sa maikling panahon, kailangan pa ring pabilisin ang pagbibigay ng tulong sa mga biktima na nasa bingit lagi ng kagutuman at desperasyon,” ani Bautista.  Bukod pa, dapat panagutin si Aquino at mga kasama sa Gang of 5 sa pagpapabaya, pag-aaksaya ng mga tulong, gayundin hanapin kung saan napunta ang mga donasyon sa mga biktima. Iyan iyong naging dahilan ng lalo pang paghihirap ng mga mamamayan sa Eastern Visayas,”

Sa pagbisita ni Duterte sa Tacloban sa ikatlong anibersaryo ng Yolanda noong Nobyembre 8, ipinangako niyang magpa-Pasko ang mga biktima ng Yolanda na nawalan ng bahay sa mga resettlement area na ipinapatayo ng gobyerno.

Nobyembre 28 din nang ipakita sa media na nailipat ang nasa 200 pamilya mula sa Barangay. 88, San Jose, Tacloban na dating komunidad sa baybaying dagat sa resettlement area ng National Housing Authority sa North Hills Arbor sa Barangay Santo Niño, Tacloban sapagkat nalinyahan na ng kuryente ang lugar. Isusunod naman umano ang pagkabit ng linya ng tubig.

Tinuring na “no build zone” sa panahon ni Aquino ang mga komunidad sa baybaying dagat at pinipilit ang mga mamamayan na lisanin ang kanilang mga tirahan kahit pa wala namang sapat na pasilidad at kabuhayan sa mga tinatayo pang mga relokasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here