Umaapuhap ang mga pusong nagpupuyos sa matinding pagkatakot ng mga inosenteng mga mata. Nasaksihan ang pagkitil ng buhay dulot ng mga berdugo sa kanayunan. Tila ba naging tangan ng mga berdugong sa ilang dako’y sinasabi o inaakalang tagapagtanggol ng mamamayan ang prinsipyong protektahan ang interes ng iilang pinakamayayaman at hindi ng nakakarami.

Sa murang edad, ang mga kabataang Lumad ay naging inspirasyon sa marami. Katangi-tangi ang siklab ng kanilang paninindigan upang ipaglaban ang kanilang paaralan na ang mismong komunidad nila ang nagtaguyod.

Minulat ng mga batang ito ang kamalayan ng marami upang maging mulat at lumalaban para sa kanilang karapatan. Ang kanilang mga kwentong sumasalamin sa mga totoong pandarahas ng mga militar sa kanilang komunidad ay naging tulay upang tumibay at mahamig pa ang maraming kabataan, manggagawa, magsasaka, kababaihan, mga maralita, at iba pa upang lumaban para sa kanilang karapatan.

Maraming kwento ang ibinahagi ng mga batang ito ngunit ang pinakamasakit na marinig ay patayin ang kanilang kapwa Lumad sa kanilang harapan ng mga paramilitary na pakawala ng mga sundalo. Patayin ang mga gurong naglilingkod para sa kanila. Naatim ito ng mga berdugo sa kanayunan. Naging kasalanan ang paglinang sa kanilang lupa’t kultura.

Tatlong bagay ang itinuro sa atin ng mga Lumad. Una, hindi kailanman magiging hadlang ang edad upang lumaban para karapatan at tunay na kalayaan. Ikalawa, pag-asa. Sila ang matibay na ebidensya na may pag-asa ang ating bayan. Sila ang mga tagapagtaguyod upang isulong ang makabayan, makamasa, at siyentipikong edukasyon upang makamit ang tunay na pagbabago sa ating lipunan. Panghuli, itinuro ng mga kabataang Lumad ang matinding kahingian upang magkaisa ang lahat. Naging tulay ang kanilang mga kwento upang mamulat ang mga nakapikit. Magising ang mga nahihimbing. Kumilos ang mga nanahimik.

Sa tuwing pag-indak ng mga kabataang Lumad sa saliw ng musika ay dumadalirot ang mga pusong nag-aalab, nauuhaw, at gutom sa kaginhawaan at kalayaan. Ang bawat pag-awit ng mumunti nilang tinig ay nagmimistulang mga sigwa ng pakikibaka.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here