Binigyan niya ng tinta ang pluma ko noong mga panahong hindi na makasulat ito. Binigyan niya rin ako ng papel noong panahong wala na akong masulatang espasyo ng mga akda ko. Siya, na nagpakilala sa akin nang husto sa pagsusulat. Siya ang paborito kong guro.

Unang taon ko noon sa hayskul at sumali kaagad ako sa grupo ng mga mamamahayag sa paaralan namin. Nagkaroon na kasi ako ideya kung paanong magsulat noong nasa elementarya pa lamang ako. Pero nang makilala ko siya doon ko rin nalaman na may mas malalim pa palang tatahakin ang daang dinaraanan ko, nasa mababaw at maayos pa pala akong parte ng destinasyon, marami pa palang liko at bakong masasalubong. Ngunit, tinuruan niya ako kung paano lakarin ito.

Siya ang guro ko sa peryodismo. Taun-taon niya akong pinapaiyak, taon-taon kaming nagtatampuhan lalo pa’t sa tuwing darating na ang mga Student Press Conference (timpalak sa pagsulat sa peryodismo) na dapat kong salihan. Iniluluha ko palagi ang pagiging pabaya at pagpepetiks sa mga panahong dapat sana’y nagsasanay ako. Pero dahil nga guro ko siya, alam niya siguro na tuwing iiyak ako ay mas napapanday nito ang kagiliwan ko sa pagsusulat. Nagiging tuntungan ko tuloy ito upang manalo.

Naipapanalo ko naman ang ilan sa mga patimpalak na sinalihan ko. Sa tuwing aakyat ako sa entablado at kukunin ang medalya o di kaya’y tropeyo, alam ko na kasama ko siya noong panahong sinusulat ko ang akda. Naroon siya kaisa ng aking diwa sa pagtalakay man niya sa isang isyu, sa pagsasalita ko sa mikropono o sa pagbuo namin ng dyaryo. Naroon siya.

Apat na taon ko siyang nakasama, sa silid-aralan at sa labas ng eskwelahan. Apat na taon din akong mas pinaghusay hindi lamang ng panahon at ng karanasan, kundi maging siya mismo. Sa apat na taon nakilala ko ang Sintang Paaralan na pinapasukan ko dahil sa kanya at sa apat na taon nakilala ko rin ang bayan at kung paano iaalay ang talento para dito.

Salamat sa panulat at pagmulat Gng. Jenielyn Garalda!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here