“Lumuwas kami rito sa Kamaynilaan mula sa Eastern Visayas para ipaabot ang aming kalagayan na patuloy naming nararanasan ang kagutuman at militarisasyon,” sambit ni Rey Miranda, Pangkalahatang Kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan Eastern Visayas (BAYAN-EV), sa kanyang talumpati sa Kartilya ng Katipunan Shrine sa Maynila noong Nobyembre 28.

Mahigit isandaang biktima ng mga nagdaang bagyo katulad ng Yolanda, Glenda, Ruby, Seniang at Nona mula sa Eastern Visayas ang dumating sa Maynila upang dalhin kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa mga pambansang ahensya ng gobyerno ang kanilang mga hinaing.

“Pinipilit makabangon ng mga magsasaka ng Eastern Visayas matapos sirain ng mga bagyo, tagtuyo’t at pag-atake ng mga peste ang kanilang mga pananim pero walang tulong na dumadating at patuloy pa ang panliligalig ng mga sundalo sa kanila sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan,” sabi ni Dr. Efleda Bautista, Tagapangulo ng People Surge, isang alyansa ng mga biktima ng kalamidad sa Eastern Visayas.

Nagmartsa patungong Mendiola ang mga taga Eastern Visayas para ipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kalagayan. (Manila Today/Chantal Eco)
Nagmartsa patungong Mendiola ang mga taga Eastern Visayas para ipaabot kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang kalagayan. (Manila Today/Chantal Eco)

Ang Oplan Bayanihan ay ang kontra-insurhensiyang programa ng Armed Forces of the Philippines na ipinatupad sa panahon ng administrasyong Benigno Aquino III at ipinagpapatuloy sa kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay Elna Tamayo, isang magsasaka mula Laoang, Northern Samar at Pangkalahatang Kalihim ng People Surge Northern Samar, lalong nagugutom ang mga magsasaka sa kanila dahil nahihirapan silang magtrabaho sa kanilang mga bukirin bunsod ng patuloy na operasyong militar ng Philippine Army sa kanilang mga baryo sa kabila ng idineklarang tigil-putukan ng gobyerno ng Pilipinas.

“Ayaw magtrabaho ng mga magsasaka sa kanilang mga bukirin dahil natatakot sila sa mga sundalo dahil na rin sa mga naranasan nilang paglabag sa karapatang tao mula sa mga militar kaya’t wala kaming makain,” dagdag ni Tamayo.

Ilan sa mga nakalap nilang ulat na nagpapatuloy ang operasyon ng mga sundalo at pagkakampo sa mga baryo ng Sitio Carayag, Barangay Jangtud sa Palapag, Barangay Santa Fe sa Catubig, at Barangay Bangon sa Gamay.

Ayon kay Lina Tabuyan, nakatanggap sila ng ulat na sa isang medical mission ng militar sa Brgy. Literon, namigay ng reseta ang militar pero imbes na listahan ng gamot ay listahan ng mga baril at mga presyo nito ang nakasulat.

Nakakaranas din naman ng patuloy na militarisasyon ang mga magsasaka sa Leyte.

Ayon kay Jessica Darantinao, tagapagsalita ng People Surge Leyte, nakaranas ng paglimita sa pagkilos ang komunidad ng Brgy. Cagbana sa Burauen, Leyte noong Agosto. Tinatanong ng militar ang lahat na lumalabas at pumapasok ng barangay kung sino sila, saan galing at gaano karami ang dalang pagkain.

Sa Carigara, Leyte naman ay bumalik at nagkampo sa mga barangay hall ang mga sundalo mula Setyembre sa mga baryo ng Canlampay, Caghalo, Hiloctogan at San Isidro. Binabahay-bahay din umano ang mga myembro ng asosasyon ng magsasaka at naghahanap ng myembro ng NPA at tinatanong kung bakit sila sumasali sa asosasyon ng magsasaka.

“Apektado ang mga tao dahil natatakot na silang pumunta sa bukid dahil baka hulihin at akusahang myembro ng New People’s Army (NPA),” sabi ni Darantinao.

Nais ni Tamayo na agad na i-pull out ang mga tropang sundalo sa kanilang mga komunidad at sa halip ay mabigyan sila ng mabisang relief at rehabilitasyon sa agrikultura.

Plano naman nilang kalampagin ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa susunod na mga araw para ipanawagan na tugunan ang kanilang mga hinaing.

Ang delegasyon mula sa Eastern Visayas na bahagi ng lakbayan ng mga taga-Visayas at tumutuloy ngayon sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here