Pedro

0
346

Batas Militar, crackdown at pamamaslang — ito ang tatlong malalaking isyung bitbit mula sa Timog Mindanao patungo sa Mendiola ni Pedro, 49 taong gulang na lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at ng iba pang mga kasamahan nila.

Napakahirap mang mamuhay sa kampuhan, mas mahirap namang mamuhay sa araw-araw na tanggapin na lang ang kaapihan, pagpapalagay ni Pedro.

Wala pa man ang deklarasyon ng Batas Militar sa kanilang probinsya, ramdam na nila ang pang-aabuso sa hanay ng militar sa kanilang komunidad lalo na sa kanilang mga magbubukid. Dumoble ang mga pang-aabusong nararanasan nila nang ideklara ni Duterte ang buong Mindanao sa ilalim ng Batas Militar. Kaya naman hanggang ngayon, patuloy nilang hiling ang pagbabasura nito.

Isa rin sa naging daan upang mapagpatuloy ang panghaharass ay ang pagdedeklara ni Duterte ng crackdown sa mga umano’y tagasuporta ng mga rebolusyunaryong grupo, pero sa katuna’y crackdown daw ito sa mga tumutuligsa sa maling polisiya at aksyon ng pamahalaan. Dahil sa hakbang na ito, napabilis ang pagdampot at dumami ang pagpatay sa mga lider at kasapi ng mga progresibong grupong naninindigan lang naman para sa kanilang mga batayang karapatan—pinakasaligan sa mga ito ang karapatang mabuhay. Nagkaroon ngayon umano ng otoridad ang mga kapulisan at militar upang pumaslang ng mga kumakalaban sa gobyerno.

Nagpapatuloy rin daw ang walang habas na pamamaslang sa mga katutubong Lumad at Moro sa kanilang lalawigan. Mas dumarami araw-araw ang mga napapatay sa hanay nila lalo pa’t sinabi rin ng pangulo na bobombahin ang kanilang mga paaralan at pinagbibintangan pang mga tagasuporta ng New People’s Army.

Buong loob na makikiisa si Pedro sa kilos-protesta na ikakasa bukas sa ika-69 pagdiriwang ng International Human Rights Day. Isang paraan nila ito upang maipahayag ang matinding pagkukundena sa mga hakbangin ng gobyerno na patuloy na nanggigipit sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here