Sa ikaapat ng taon ng bagyong Yolanda

Mga kuha ni Bro. Ciriaco Santiago III, C.Ss.R.

Hindi pa rin sila nakakabangon...

Apat na taon na mula nang winasak ng Bagyong Yolanda o Haiyan ang Silangang Visayas. Umabot sa 6,000 Pilipino sa apat na rehiyon ng bansa ang inulat ng gobyerno na namatay sa pananalasa ng bagyo at kasama nitong ‘storm surge.’ Halos isang milyong pamilya o limang milyong indibidwal ang naapektuhan. Wasak ang mga bahay. Nagkalat ang patay sa daan. Nakakasulasok ang amoy. Walang makain. Walang mainom na malinis na tubig. Hindi nagkita-kita ang mga magkakapamilya. Nagsialisan ang mga tao. Ilang linggo tumagal ng ganito. Isang bangungot na hindi dapat nangyari kung totoong naghanda ang pamahalaan.

Panahon na sana para makapagpapogi ang nais kumandidato noon sa pagkapangulo na si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa pag-aanunsyo na handang-handa na sila sa paparating na bagyo. Maging sila ay hindi nakakontak at nakontak dahil nawalan ng signal nang nasira ang mga linya ng telepono, kuryente, cell site dahil sa bagyo. Wala silang satellite phone.

Nobyembre 8 ang petsa—maraming nakaligtas ang hindi makakalimot. Sa maraming pagkakataon, nakasulat ito sa mga lapida o sa pananda sa mga mass grave.

Tumigil sa pagbibilang ng patay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council paglipas ng anim na buwan, o noong Abril 2014. Inulat na 6,201 ang patay, 27,665 ang nasaktan at 1,061 ang nawawala. Sa isang banda, mas maliit ang inulat na patay ng DILG Region 8 na umabot lang sa 5,894 pagdating ng Hunyo. Ngunit ang gaya naman ni Raquel Fortun, isang forensics expert, ay may tantyang umabot sa 18,000 ang namatay—mas malapit ang bilang na ito sa obserbasyon ng mga nakaligtas.

Sa ikalawang taon, hindi pa nabibigay ang tulong-pinansyal habang inuulat ng Commission on Audit ang mahigit isang bilyong pondong hindi pa nagagamit. Nabisto ang inililibing na mga nabulok na lang na bigas ng Department of Social Welfare and Development na pinamunuan ni Dinky Soliman. Nabulok din ang mga noodles, de lata, at iba pang relief goods na mabagal at matagal bago ipinamahagi.

Nang bumisita ang Santo Papa noong 2015, ginawan ang mga biktima ng bagyo ng mga panibagong pansamantalang tirahan para makalipat mula sa mga evacuation center. Para ipakitang mayroon na silang nalipatang tirahan—kahit ang mga ito ay hindi rin agad natapos at ‘di rin kaiga-igayang tirahan.

Umabot ng tatlong taon, nakatira pa rin sa tent ang mga pamilya na hindi pa rin nabibigyan ng relokasyon at pabahay habang pinahihintulutan ang mga malalaking negosyong magtayo ng istruktura sa “no dwelling zones”.

Natapos noong 2016 ang pagkapangulo ni Benigno Aquino III, binansagang ‘Disaster King.’ Bukod sa Yolanda, nanalasa rin sa termino ni Aquino ang mga bagyong Sendong, Pablo, Ruby, ulan galing sa habagat at iba pang bagyo na taun-taon alam naman natin na darating. At nanalasa rin sa buhay ng mamamayan ang kawalang-kahandaan, kainutilan ng gobyernong walang nagawa sa maraming buhay at ari-ariang nawala.

Nagpalit ng pangulo noong nakaraang taon, hindi pa rin nakukumpleto ang mga pabahay matapos ang apat na taon. Nangako si Rodrigo Duterte na kukumpletuhin ang rehabilitasyon sa mga biktima ng Yolanda. Pero kamakailan ay nilipat ng Department of Budget and Management ang P5 bilyong pondo ng Yolanda tungo sa rehabilitasyon sa Marawi.

Pagsapit ng ikaapat na taon ng disaster, ayon sa IBON Foundation, nasa 16,846 na pabahay lang ang natapos o aabot sa 30% ng 56,140 na permanenteng pabahay na target sa Silangang Visayas. Mula sa natapos na pabahay, nasa 12,763 lang ang naibigay na sa mga biktima. Ginagawa pa lang ang nasa 11,597 pabahay o 21.29% pa ng target, ayon sa datos ng Region VIII National Economic and Development Authority (NEDA). Sa 86 resettlement site, limang water supply projects pa lang ang nakukumpleto habang 59 sa 86 lang ang may kuryente.

Kung minsan, masakit tuloy sa tenga pakinggan ‘pag may pulitiko o upisyal ng gobyerno na nagsasabing ‘babangon tayo.’ O kaya may kulang sa timplang jingle sa telebisyon na umuungol ‘babangon tayo.’ Itinayo na ng mga mamamayan ang kanilang buhay sa sarili nilang paa. Gasino na lang naman ang naging ambag ng gobyerno sa payak na buhay ng mga mamamayan, lalo na sa kanayunan, bago ang disaster. Pero ang gobyerno na kinokonsentrahan ng kapangyarihan at pondo ng bayan ay walang nagawa para man lang sa preserbasyon ng buhay nila. Dahil, marahil, ang tunay, pinakamalaki at nagpapatuloy na disaster ay ang pamahalaan at sistema ng lipunan.

Ilang mga larawan sa pananalasa ng bagyong Yolanda

01
yolanda-tacloban-2013-22
06
03
24
08
45
04
07
16
49
28
29
41
30
14
13
15
mercedes-2014-4
InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY