Sampung Taong Inhustisya, Apat na Henerasyon ng Pakikibaka sa Hacienda Luisita

ni Francis Villabroza

0
1444

Taun-taon, tuwing ika-16 ng Nobyembre, hindi pinalalampas ni Deodema Fastidio, o mas kilala bilang Aling Baby ang pagkakataong makiisa sa munting programa para sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre. Kabilang sa pitong napatay sa nabanggit na masaker ang asawa niyang si Jaime Fastidio. Ayon kay Aling Baby, “mula pa 1974 nagtatabas na ng tubo, nag-aarawan na po siya (Jaime). Hindi po siya permanente, kaswal lang po. Binata pa po siya ay nagtatrabaho na (sa Hacienda Luisita).” Maging si Aling Baby at ang magulang niya at ng asawa ay sa asyenda na rin nagtatrabaho.

Ngayon ay naglalako na lang ng tinapa sa Hacienda Luisita ang mga anak ni Aling Baby. Siya naman ay namasukan bilang kasambahay sa Maynila, at kamakailan ay napilitang bumalik sa Brgy. Mortico, La Paz, Tarlac upang asikasuhin ang ina na may malubhang karamdaman.

Tandang- tanda pa ni Aling Baby ang pangyayari nang piliting patahimikin ng mga Cojuangco-Aquino ang mga magsasaka at manggagawang bukid nagsusulong ng reporma sa lupa at makatarungang kundisyon sa paggawa sa hacienda. Maging ang panganay nga raw niyang anak na kasama sa pagdalo sa okasyon ay nakadanas din ng hapdi ng teargas mula sa kamay ng mga pulis at sundalo, sampung taon na ang nakaraan. Dito sa Gate 1 ng Central Azucarera de Tarlac (CAT), na pag-aari rin ng pamilya Cojuangco-Aquino, at kung saan ginaganap ang programa, ang siya rin lugar na pinangyarihan ng masaker. 2nd Year HS pa lang ang pinakabata sa limang anak nilang mag-asawa nang mapatay si Jaime at mula noon ay natigil na sa pag-aaral ang mga ito.

Deodama Fastidio, asawa ng biktima ng Hacienda Luisita Massacre na si Jaime Fastidio
Deodama Fastidio, asawa ng biktima ng Hacienda Luisita Massacre na si Jaime Fastidio | Max B. Santiago

Pito ang nagbuwis ng buhay sa Hacienda Luisita Massacre kabilang ang asawa niya; 132 ang nasugatan. Matapos ang masaker, marami pang ibang magsasaka, manggagawang-bukid at maging mga karaniwang mamamayang nakiisa lamang sa laban nilang magsasaka ay pinatay. Hanggang sa ngayon, wala ni isang suspek sa masaker at sa mga sumunod pang pamamaslang ang napanagot.

 

Tulad ni Aling Baby, bulag rin ang hustisya sa pagkamatay ng nag-iisang lalaki sa limang anak ni Violeta o Aling Violy. Beinte-anyos pa lang ang anak na si Jhavie Basilio nang barilin sa piketlayn ang binata. Ayon sa ina, ilang taon din nagtrabaho bilang manggagawa sa CAT, at dalawang taon na nga lang raw ay makakagraduate na si Jhavie.

[quote_center]“Kaya si Jhavie, pumunta sa piketlayn noon para ipaglaban ang karapatan ng kanyang mga magulang,” ang kwento ni Aling Violy.[/quote_center]

Limang buwan bago maganap ang Hacienda Luisita Massacre ay pumanaw ang asawa ni Aling Violy dahil sa karamdaman sa puso. Dekada-60 pa lang ay nagtatrabaho na ang asawa sa asyenda bilang kapatas sa tubuhan ngunit walang nakuhang lupang sakahan, at maging nang pumanaw ay walang nakuhang benipisyo liban sa pensyon sa SSS.

“Kaya si Jhavie, pumunta sa piketlayn noon para ipaglaban ang karapatan ng kanyang mga magulang,” ang kwento ni Aling Violy.

Mga larawan ng biktima ng Hacienda Luisita Massacre ay ipinaskil sa mismong pader ng Central de Azucarera de Tarlac | Max B. Santiago
Mga larawan ng biktima ng Hacienda Luisita Massacre ay ipinaskil sa mismong pader ng Central de Azucarera de Tarlac | Max B. Santiago

Ayon kay Aling Violy, dalawa ang tama ng bala sa likod ng katawan ni Jhavie. “Ano pang hinahanap nilang bagong ebidensya eh nandyan na yung ebidensya ng masaker na ilan ang pinatay nila dito. Hindi pa siguro sapat yun kaya binasura nila yung mosyon namin,” ang hinaing ni Aling Violy sa pagbasura ng

Ombudsman sa inapela nilang kaso ng anak noong nakaraang buwan. Nabanggit pa niya na may marka ng barbed wire ang leeg ng anak ng makuha nila ang bangkay nito.

Tila mas may kredibilidad ang ebidensya at saksi ng mga nagpoprotesta kumpara sa mga testimonya ng mga tauhan ng gubyerno. Ito mismo ay pinatotohan ng isang report ng NBI (National Bureau of Investigation) na isinumite sa Office of the Ombudsman noong Pebrero 8, 2005. Mula sa anggulo kung paano natamo ang tama ng bala sa katawan ng mga biktima, ang positibong resulta ng paraffin test ng mga sundalo at pulis na nasasangkot, hanggang sa kakayahan sa armas ng magkabilang panig; ayon sa report, ang mga tauhang panseguridad ng estado ay armado ng matataas na kalibre ng baril habang ang mga nagpoprotesta ay armado lamang ng molotov bomb, bato, at mga pamalo. Sa kabila nito, idineklarang walang sapat na batayan ang kaso upang ipagpatuloy pa; isinisi pa nga ni Noynoy “PNOY” Aquino, na isa rin sa mga asyendero ng Hacienda Luisita, sa mga biktima ang sarili nilang kamatayan.

Sa ngayon, pinagkakasya ng pamilya ni Aling Baby ang maliit na kita ng mga anak sa pagtitinda ng tinapa. Ngayong taon lang ipinagkaloob ang Certificate of Land Ownership Award (CLOA), at malinaw kay Aling Baby na sertipiko lang ito, hindi pa titulo. Bunga ng ilang taong panggigipit ng mga Cojuangco-Aquino, at ng malubhang sakit ng kanyang ina, ay napilitan siyang isanla ang maliit na parsela ng lupa sa halagang P7,000 kada taon sa mga “financier” na kilalang malapit sa mga Cojuangco-Aquino.

Ang gate ng Central Azucarera de Tarlac
Ang gate ng Central Azucarera de Tarlac

Sa utos ng Tarlac Development Corp (TADECO), na pag-aari rin ng pamilya Cojuangco-Aquino, pandarahas naman ng mga sundalo at pulis ng estado, at pambubuldoser sa mga pananim ang itinatapat sa mga magsasakang nagsasagawa ng bungkalan o kolektibong pagsasaka sa Brgy. Mapalacsiao. Kabilang sa bungkalang ito si Aling Violy. Ayon sa kanya, tiwangwang ang lupa nang kanilang abutan, kaya tinaniman nila ito mula pa noong 2005. ” Umuulan pa kamo, maghapon kaming nakayuko, nagtatanim tapos sinira [lamang ng mga tauhan ng TADECO], eh halos inutang din namin yung ginamit namin doon, gaya [ng] binhi.” Maging ang batas na Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) ay nagpapahintulot sa bungkalan o kolektibong pagsasaka sa lupang saklaw ng programa. Sa kabila nito, hindi tuluyang nabuldoser ang determinasyon ni Aling Violy at mga kasamahan sa bungkalan. Aniya, “Tinataniman namin sa kasalukuyan [ang lupang-tiwangwang], hindi kami titigil sa pagtatanim.”

[quote_center]Sampung taon na ngunit wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre.[/quote_center]

Sampung taon na ngunit wala pa ring hustisya para sa mga biktima ng Hacienda Luisita Massacre. Mag-aapat na henerasyon na rin ng mga magsasaka at manggagawang-bukid sa Hacienda ang patuloy na niloloko, ginigipit, at dinadahas ng pamilya Cojuangco-Aquino. Sunud-sunod na mapanlinlang na programa ang kinasangkapan ng pamilya Cojuangco-Aquino laban sa mga magsasaka simula pa ng unang makuha ng ama ng dating presidenteng si Cory Aquino ang lupa sa pamamagitan ng pautang mula sa GSIS sa kundisyong ipapamahagi ang lupa sa mga magsasaka nito makalipas ang sampung taon. Sumunod ng ideklarang walang tenante ang asyenda kaya walang pamamahagian ng lupa. Pagkatapos ay ang SDO option (o pagturing sa mga magbubukid na stockholder raw ng Hacienda Luisita Inc. sa ilalim ng programang CARP) hanggang sa bogus na pamamahagi ng lupa sa ilalim ng CARPER at paggamit sa mga grupong panseguridad ng estado para takutin at dahasin ang mga magsasaka at manggagawang-bukid, gayon din ang paggamit sa mga pakawalang “financier” ng mga Cojuangco-Aquino.

Sabi nga ni Aling Baby, “Yun nga pong lupa ang ipinaglalaban namin, dati pa po dapat nasa amin na yun, nasa mga magulang na namin kaso nga po hindi maibigay.” At ngayong may apo na rin sina Aling Baby at Aling Violy ngunit wala pa rin silang matanaw na magandang kinabukasan at hustisya mula sa kamay ng asyenderong pamilyang Cojuangco-Aquino. ####

 

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here