Isang linggo nang naglunsad ng serye ng pag-aaral ang mga residente ng Sitio 6 Dumpsite, Catmon, Malabon sa opisina ng Sandigan ng Maralitang Nagkakaisa sa Dumpsite Catmon (SMNDC) nang biglaang dumating ang presidente ng Green Meadow Homeowners Association na si Ana Cueva, 20 kapulisan at isang backhoe. Giit ng mga residente, may sumama pang goons ng Green Meadow HOA.

Pag-aaral ng mga myembro ng KADAMAY Malabon. Kuha ni Erika Cruz
Pag-aaral ng mga miyembro ng KADAMAY Malabon. Kuha ni Erika Cruz.

Katwiran ng pulis, magtatambak umano sila ng lupa sa dinedebelop na subdibisyon ng Green Meadow Homeowners Association.

Tumigil sa pag-aaral ang mga residente at hinarangan ang backhoe. Sabi nila, hindi pagtatambak ng lupa ang pakay ng backhoe at mga pulis, bagkus maaaring ito na ang araw na gigibain na ang kanilang mga bahay.

Dayalogo sa mga pulis ng mga residente sa Catmon, Malabon. Kuha ni Erika Cruz
Diyalogo sa mga pulis ng mga residente sa Catmon, Malabon. Kuha ni Erika Cruz.

Ilang taon nang ipinaglalaban ng Kadamay Malabon at SMNDC ang pamamahagi ng lupa sa mga residente. Ilang taon na nilang tinututulan ang (Community Mortgage Program (CMP), isang inisyatiba ng gobyerno na umano’y tumutulong sa mga homeowners association na bumili o paunlarin ang lupa sa pamamagitan ng community ownership.

Ayon sa SMNDC, isang uri ng negosyong pabahay ang CMP. Maraming naninirahan sa Sitio 6 Dumpsite ang hindi lumagda sa kasunduang pumasok sa CMP at lumipat sa itinatayong subdibisyon sa parehong lugar.

Kuha ni Erika Cruz

Kinasuhan ng ejectment ng Green Meadow HOA sa pangunguna ni Ana Cueva ang mga residente. Ayon sa Metropolitan Trial Court ng Malabon, ang Green Meadow raw ang ‘legitimate buyer and owner’ ng 10,000 square meters ng lupa sa Catmon. Nakapangalan ito kay Generoso Mamaril, Jr., at pruweba ang isang Deed of Absolute Sale.

Halos limampung taon nang naninirahan ang mga mamamayan ng Sitio 6 Dumpsite sa Catmon. Dating palaisdaan ang lugar hanggang sa tinambakan ng basura ng lokal na gobyerno at pinaunlad ng mga residente. Sa ngayon, nasa 6,000 indibidwal ang naninirahan sa Sitio 6 Dumpsite.

Kuha ni Erika Cruz
Kuha ni Erika Cruz

Nagulat ang mga residente sa biglaang tangka ng demolisyon dahil magkakaroon pa lamang ng hearing hinggil sa kaso sa Pebrero 19.

Noong 2014, giniba na rin ang isang erya sa Catmon, Malabon, kung saan namatay ang presidente ng Kadamay Malabon na si Erning Gulfo. Tinutulan rin ni Gulfo at ng mga residente ang CMP.

Sa diyalogo ng mga residente at pulis kaninang umaga, tiniyak ng mga pulis na hindi gigibain ang mga bahay, sabay bigay ng banta na kapag hindi binuwag ng mga residente ang itinayo nilang barikadang bayan ay aarestuhin sila.

Giit ng mga residente, hindi nila aalisin ang barikada para pigilan ang pagpasok ng dozer, pero bibigyang-daan nila ang mga naghahanapbuhay.

Kuha ni Erika Cruz
Pag papadaan ng mga nag barikada sa mga iba pang residente. Kuha ni Erika Cruz.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here