“Ang US ang pangunahing terorista sa buong mundo. Ngayon taon lang, nasa pitong bansa na ang binomba niya sa balatkayong ‘war on terror,’” ani Amirah Lidasan, Pangkalahatang Kalihim ng Moro Christian People’s Alliance.

Sa bisperas ng ika-16 na taon mula nang sinimulan ng Estados Unidos (US) ang kanyang “war on terror” sa buong mundo, binalikan ng grupo ng mga Moro na bahagi ng Lakbayan ng Pambansang Minorya ang pinagmulan ng pagkalat ng Islamophobia sa mundo.

Seytembre 11, 2001 ang pagsagasa ng mga eroplano na inulat na na-hijack ng grupong Al-Qaeda sa World Trade Center, kung saan 3,000 ang namatay at naging batayan ng US ng paglulunsad ng ‘war on terror’. Ang Al-Qaeda ay kilalang grupong binuo at pinondohan din ng US.

“Nahati ang mundo sa US global war on terror. Sabi ng US, either you are with us or against us. Ang unang tumugong positibo ay ang dating pangulong si Gloria Arroyo, nagsabing open na open ang inyong war on terror dito sa Pilipinas. Ito ang nagbigay-daan na makapanumbalik ang maraming bilang ng US troops sa aming ligar at maraming lugar sa bansa na na-subject sa kanilang war games o Balikatan exercises,” sabi ni Lidasan.

Inugat ni Lidasan kung saan nagmula ang mga ekstremistang gawi at grupo.

“Isa siyang reaksyon worldwide sa pagpasok ng US at pagkontrol nila sa mga areas ng bansa na mayroong natural resources tulad ng langis at mayamang mineral. Kapag may mga presidente o prime minister sa isang bansa na hindi tumutugon sa US o hindi kumakampi sa US, dito na rin sinumulan ang kanyang ‘regime change’ sa loob ng US war on terror,”

Sinabi ni Lidasan na binaluktot ng US at kaniyang mga kinasangkapan sa ‘regime change’ ang mga turo ng Islam.

“Maraming bilang ng mamamayan, mga pamilya, mga dating sundalo na kanilang inaarmasan at sinasanay ng CIA, US military at sinasabing sila ang nagsasagawa ng ‘regime change’. Hinahayaan ng US ang kanilang mga radikal na ideya. Kalakhan ng mga turo at kahit pa ang berso sa Koran ay binaluktot nila para majustify sa ginagawang ‘regime change’ at pagpapagamit ng mga grupo sa mga bansang gusto nilang palitan ang presidente,” paliwanag ni Lidasan.

Dagdag niya, dinala rin ng US hanggang sa Mindanao ay dinadala ang ganitong gawi.

Kilala ring pinondohan ng US ang Abu Sayyaf at maging ang mga tinugis ng US na ‘terorista’ sa kalupaan ng bansa, gaya ni Zulkipli Bin Hir o Marwan na napatay sa Mamasapano, ay kasapi ng Jemaah Islamiyah na kaanib na grupong Al Qaeda.

At sa kasalukuyan, sabi niya, para magamit muli ng US sa kanyang bentahe ang mga binuo, sinanay at pinondohang ekstremistang grupo, US din mismo ang nagpakana ng Islamophobia sa mundo sa pagpapanggap na nilalabanan niya itong mga grupong siya naman ang nagbuo.

Inusisa naman ng kinatawan ng mga evacuee mula sa Marawi ang presensya ng terorismo kung saan mayroon ding presensya ang US.

“Sa Marawi City, may US military installation at may US troops. Noong niralihan namin iyon noong 2009, sinasabi nila andoon nila para pigilan ang terorismo. Pero bakit ngayon umusbong ang mga grupong terorista sa Lanao del Sur at nakapasok pa sa Marawi,” pag-uusisa ni Aida Ibrahim ng Tindeg Ranao.

Lalo namang nasindihan ang Islamophobia sa Mindanao at sa US dahil sa krisis sa Marawi, ani Lidasan.

“Kapag Muslim ka, ISIS ka. Kapag naka-black ka, ISIS ka. Kasi black daw ang kulay ng ISIS. Kaya hinuhuli raw yung mga naka-black. Ilalapit pa ang mukha mo sa tarp ng larawan ng mga wanted para masabi kung Maute ka o ISIS ka,” pagbabahagi ni Lidasan.

Sistematikong pagpapakalat ng Islamophobia

“Ako po ay taga-Marawi, pero nawasak na ang aming bahay doon. Wala na ang aming mga ari-arian na magsasabing kami ay taga-Marawi bukod sa aming mga sarili at sa aming wika,”pagsisimula ni Dr. Potre Dirampatan-Diampuan, Regional Coordinator ng URI-SEAPac.

Ikinalulungkot din niya ang diskriminasyon na naranasan ng mga Muslim na sapilitang pinalikas sa Iligan City na nabigyan lang ng ilang oras para umalis matapos ang deklarasyon ni Duterte ng Martial Law sa Mindanao.

“Marawi po ang daming ibinubuhay sa Iligan. Ang ganda ganda ng accommodation sa mga Maranao. Pero nang mangyari ito, ang pinakita ng mga taga-Maranao ay kawalan ng respeto, kawalan ng simpatiya, walang pagmamalasakit,” ani Dr. Dirampatan-Diampuan.

Tinalakay ni Dr. Dirampatan-Diampuan ang kahulugan at katangian ng Islamophobia.

“Ang phobia, ito ay takot na hindi maipalawanag o hindi makatwirang takot sa isang bagay, sitwasyon o tao. Ang islamophobia ay matinding hindi pagkagusto o takot sa islam, at ang isa pa ito ay ito ay poot sa mga Muslim, galit sa mga Muslim,” pagtukoy niya.

“Ano ang mga katangian ng Islamophobia? Static, hindi nagbabago, hindi nagmo-modern kasi uncivilized nga raw. Nakikitang hiwalay o iba pa, hindi kasama, iba sila. Nakikitang mas mababa sa standard ng Kanluran. Nakikitang barbaric daw ang Muslim, primitibo, sexist. Marahas, agresibo—sabihin mo na kung ano ang masama at ito  ang larawan na binibigay sa isang Muslim. Ito rin ang larawan sa Islamophobia,” pagtatalakay pa ni Dirampatan-Diampuan.

Sinabi rin niya na ang Islamophobia ay maaaring tangan ng isang indibidwal, pero hindi kakalat ng ganon-ganon lang.

“Ginagastusan ito ng milyon milyon ng mga institusyon para kumalat at maraming mapaniwala,” paghinuha niya.

Ang mga aksyon ng mga extremist na Muslim, gaya ng ISIS, Abu Sayyaf at ang Doula Islamiyah ng Maute ay nagiging dahilan ng paglawak ng paniniwala sa Islamophobia. Bukod pa doon, sabi niya, ay ang kamangmangan tungkol sa Islam at sa mga Muslim at ang xenophobia o matindi o hindi makatwirang pagkagusto sa ibang lahi o tao.

Pinakalat naman ang Islamophobia sa pamamagitan ng media, social media at Hollywood.

Inisa-isa rin ni Dr. Dirampatan-Diampuan ang naging epekto ng Islamophobia sa pang-araw araw na buhay ng mga Moro: kawalan ng oportunidad ng trabaho; impresyon na kawalang-karunungan o walang edukasyon; cyberbullying; pisikal na pinsala; batang nagkakaproblema na pumasok sa paaralan kasi binu-bully ng mga kaklase; hindi tinatanggap ang babaeng naka-hijab na mga babae sa unibersidad; tinatawag na terorista; pagpapalagay na lahat ng mga terorista ay Muslim; mas mahigpit at diskriminasyon sa security check sa paaralan, mall at airport; hindi pinaparahan ng taxi, at iba pa.

“Marami pa po kayong kwento na hindi naririnig, lalo sa Marawi. Masakit po talaga ang nangyari sa Marawi,” pagwawakas ni Dr. Dirampatan-Diampuan

InterServer Web Hosting and VPS

LEAVE A REPLY